Chapter 17

8.5K 133 0
                                    


SINABI lang ni Galileo sa receptionist ang pakay nitong kuwarto. Itinuro naman ng babae ang gawi ng elevator.

"Baka puwedeng bitiwan mo na ang kamay ko," mahinang sabi ni Dulce nang lulan na sila ng elevator.

"Ikaw riyan ang ayaw bumitiw sa kamay ko," tumatawang sabi nito.

Pinukol niya ito ng matalim na tingin. "Kapal talaga..."

"Uy, narinig ko 'yon," sabi nito, pagkuwa'y binitiwan ang kanyang kamay.

Hindi nagtagal ay bumukas ang elevator sa ikatlong palapag.

Palinga-linga ito sa bawat pintong madaanan nila.

Nagsisisi naman siya dahil sumama-sama siya rito. Kung tutuusin, maaari naman siyang magmatigas na huwag sumama. Ang dali-dali ng solusyon sa problema niya.

Ngunit tutol ang kalooban niyang iwan ito. Interesado siyang malaman kung sino si Guila sa buhay nito.

"She's just a friend," naalala niyang sabi nito sa kanya. Kunsabagay, bakit naman siya isasama nito kung karelasyon nito ang nakatakdang puntahan nito?

Puwes, malalaman ko kung nagsasabi siya ng totoo, sa isip-isip niya.

Natagpuan na nito ang pakay na silid, pangatlong pinto mula sa dulo. Nagmuwestra itong bilisan niya ang paglalakad habang kumakatok ito sa pinto. Hindi naman niya ito sinunod, mas lalo pa niyang binagalan ang paglalakad.

Saglit lang itong kumatok at bumukas na agad ang pinto. Ganoon na lamang ang pagkabigla niya nang bigla ay nangunyapit sa leeg nito ang isang babaeng nakasuot ng halter blouse at tight-fitting capri pants. Lalong nanlaki ang mga mata niya nang halikan nito sa mga labi si Galileo. Pakiramdam niya ay nagkapira-piraso ang puso niya nang mga oras na iyon.

Nakita niyang binaklas ni Galileo ang mga kamay ng babae. "May kasama ako, Guila." Tila may bahid ng galit ang tinig nito nang magsalita.

"Daddy ko?" hintakot na bulalas ng babae at kagyat na lumipad ang tingin sa direksiyon niya. Ngunit agad ding napalitan ang ekspresyon nito ng magkahalong pagkadismaya at galit nang makita siya. "Sino siya, Leo? Bakit mo siya kasama?"

"Si Dulce, girlfriend ko," kaswal na sagot nito.

Hindi niya inaasahan iyon, pero nakaramdam siya ng kasiyahan sa sinabi nito.

"I see, your latest fling," sarkastikong sabi ng babae. "Bilib na talaga ako sa 'yo. Two months pa lang tayong break ay nakahanap ka na agad ng kapalit ko. Hey, you, alam mo ba kung anong klaseng lalaki itong nilalandi mo?"

"Lasing ka na, Guila. Ihahatid na kita sa inyo," sansala ni Galileo sa matigas na tono.

"The hell you will!" nanlilisik ang mga matang angil nito. "Umalis na kayo ng babae mo. Hindi kita kailangan! I hate you, Leo! Mamatay ka na sana!"

Naagapan ni Galileo ang tangkang pagsasara nito ng pinto.

"Listen to me, Guila. Itulog mo na lang 'yan. Pagkagising mo, umuwi ka na sa inyo," narinig pa niyang sabi nito bago sumara ang pinto.

Hindi niya malaman ang kanyang gagawin. Papasok ba siya sa loob o mananatili siyang nakatayo sa labas? Pinili na lamang niya ang huli. Tutal, hindi rin naman niya gusto ang makikita niya.

Matagal na siyang nakatayo roon ay hindi pa lumalabas si Galileo. Nakalimutan na yata nito na naroon siya. Inihakbang niya ang mga paa palayo roon.

Ngunit hindi pa man siya nakakatatlong hakbang ay narinig niyang tinatawag siya ni Galileo.

Hindi siya lumingon.

"Sandali, saan ka pupunta?"

"Uuwi na," matamlay na sagot niya.

"Sabi ko sa 'yo, ihahatid kita. Tinawagan ko na ang daddy ni Guila. Papunta na rito. Hintayin lang natin sandali."

Napuno ng katuwaan ang puso niya. Hindi naman pala siya nakalimutan nito. "S-sige," aniya.

t:1'> Qu

MECHANIC OF THE DAY: MR. SUAVE COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon