MALAYO pa lang ay natatanaw na ni Dulce na maraming tao sa bakuran ng bahay ni Lolo Kanor. More or less ay may ideya na siya kung bakit. Siguradong naalarma ang mga ito sa pagkawala niya.
Naramdaman niyang nakatingin sa kanya si Galileo kaya sumulyap siya rito. Nahirapan siyang basahin ang naglalaro sa isip nito nang mga sandaling iyon. Pero sigurado siyang alam nito kung ano ang nagaganap sa mga kamag-anak niya.
Para tuloy gusto niyang lumubog na lang sa kinauupuan dahil hindi niya alam kung paano haharapin ang mga taong nabulabog nang dahil sa kanya.
Ano na lang ang iisipin ng mga ito kapag nakita siyang sakay ng sasakyan ni Galileo? Sigurado siyang hysterical na ang kanyang mama. Baka nga himatayin pa ito kapag nakita siyang may kasamang lalaki, lalo na kapag nakilala nito si Galileo.
"Ano'ng gusto mong sabihin ko sa kanila?" tanong nito sa kanya. Mukha namang kampante lang ito at tila hindi apektado sa nakatakdang sumalubong sa kanila.
"Hoy, natulala ka na riyan. Ano 'kako ang sasabihin natin sa kanila kapag tinanong tayo?" ulit nito.
Hindi niya alam ang isasagot doon. Parang naparalisa ang utak niya.
"Wala akong maisip na palusot. Magsabi na lang kaya tayo ng totoo?"
Gulat na natitigan niya ito. Sasabihin niya sa mga kaanak niyang nakipagkita siya kay Galileo sa dis-oras ng gabi? Mabuti sana kung hanggang doon lang magta-tapos ang pagtatanong ng pamilya niya. Siguradong may kasunod pa iyong bakit... at marami pang bakit.
Sa isang banda, ano ba ang dapat niyang ikatakot at ikahiya? Wala naman silang ginawang masama ni Galileo. Isa pa, nasa tamang edad na siya.
Sa naisip, bahagyang lumuwag ang pakiramdam niya. "Ihinto mo na riyan, bababa na ako. Hindi mo na kailangang humarap sa kanila. A-ako na ang bahalang magpaliwanag sa kanila."
"Sira ka ba? Ano na lang ang iisipin ng pamilya mo sa akin? Natural na itatanong nila sa 'yo kung sino ang kasama mo. Kapag hindi ko sila hinarap, lalo silang mag-iisip nang hindi maganda. Iisipin pa nilang guilty tayo at duwag ako. Ayoko ng ganoon. I'm a good man, Dulce. Hindi ko gawain ang tumakbo sa problema," pahayag nito.
"Bahala ka kung gusto mong magpakita," aniyang lihim na nakadama ng katuwaan. Na-excite siyang masaksihan kung paano ito magpapaliwanag sa pamilya niya, lalo na sa mama at lolo niya.
Inihinto nito ang Wrangler jeep sa mismong harap ng mababang gate na gawa sa matibay na kahoy at tabla. Natawag agad ang pansin ng mga kamag-anak niya.
"Relax," nakangiting sabi ni Galileo. "Hindi ka naman siguro mapapalo. Besides, normal lang naman sa isang dalagang kagaya mo ang makipag-date, 'di ba?"
Isang matalim na irap ang iginawad niya rito bago binuksan ang pinto.
"DULCE! Ano'ng nangyari sa 'yo? Saan ka ba galing?" sabay-sabay na tanong ng mga ito ngunit nangingibabaw ang boses ni Tita Beatriz.
"Salamat sa Diyos at nandito ka na. Alalang-alala na kami sa 'yo," wika ni Lolo Kanor.
Ang mama niya ay hindi nagsasalita ngunit nababakas niya sa mukha nito ang matinding relief. Ngunit mayamaya lang ay napalitan iyon ng galit. Alam niya, napansin na nito si Galileo.
"Bakit kasama mo ang lalaking 'yan?" mahayap na tanong nito. Kitang-kita niya sa anyo nito ang pinaghalong disgusto at panlulumo.
"Magandang gabi po sa inyo," magalang na bati ni Galileo sa lahat.
"Umaga na, hijo," tila natatawang pagtatama ni Tita Beatriz.
Sumulyap si Galileo sa relong suot nito, pagkuwa'y tumangu-tango. Nang muli itong mag-angat ng tingin ay kay Lolo Kanor ito humarap. "Humihingi po ako ng paumanhin—"
"Saan mo dinala ang apo ko, lalaki?" sikmat ng lolo niya.
Bigla siyang natakot. Hindi niya lubos na kilala ang lolo niya. Hindi naman siya naging malapit dito dahil bihira lamang siyang dumalaw rito. "L-lolo, ako na lang po ang magpapaliwanag sa inyo," aniya sa kabadong tinig.
"Tumahimik ka, Dulce," singhal ng mama niya. "Binigyan mo ng problema ang iyong sarili."
"Sagutin mo ang tanong ko, lalaki. Saan mo dinala ang aking apo?"
"Namasyal ho kami ni Dulce . Niyaya ko ho siyang kumain sa Fabio's," banayad na sagot ni Galileo.
"At pagkatapos?" Halatang hindi kumbinsido ang lolo niya.
Tumingin muna sa kanya si Galileo bago ito nagpatuloy. "Tumuloy ho kami sa Milestone Apartelle sa Tagaytay."
Napaawang ang bibig niya sa sinabi nitong iyon. Bakit kailangan pang sabihin nito iyon? Nang tingnan tuloy niya ang lolo at mama niya ay hindi maitatatwang masama ang naglalaro sa isip ng mga ito.
"Bakit ka sumama sa lalaking 'yan, anak? Kailan mo lang siya nakilala..." Nabasag ang boses ng kanyang mama. "K-kasalanan mo ito, Beatriz. Kasalanan mo," paninisi nito.
"Bakit ako?" angal ng tita niya. "Ano ba'ng magagawa ninyo kung tinamaan ng pag-ibig si Dulce? Aba, nasa tamang edad na siya, 'no!"
"P-pero nagkakamali kayo ng iniisip, Mama. Hindi—"
"Bukas na natin ipagpatuloy ang pag-uusap na ito," ani Lolo Kanor. "Ikaw, lalaki, dalhin mo mamayang alas-otso ng gabi ang mga magulang mo," maawtoridad na utos nito. "At 'wag na 'wag kang magkakamaling takasan ang apo ko. Sinasabi ko sa 'yo, kahit saan ka magtago ay mahahanap kita."
Napakagat-labi siya. Kasalanan ni Galileo kung bakit ito napasok sa sitwasyong iyon.
"Sige ho, darating kami," ani Galileo. "Tutuloy na ho ako."
"Adios," ani Lolo Kanor, saka nagpatiuna nang pumasok sa loob ng bahay.
Tinanaw pa niya ang paglayo ng sasakyan ni Galileo bago siya pumasok sa loob. Alam niya, magiging mailap ang tulog sa kanya sa madaling-araw na iyon.
-stfQ
BINABASA MO ANG
MECHANIC OF THE DAY: MR. SUAVE COMPLETED (Published by PHR)
RomanceMECHANIC OF THE DAY: MR. SUAVE By Jinky Jamolin