SA LIKOD ng makakapal na halaman sa likod ng Science Building ay maririnig ang mga kaluskos at ungol ng babae.
"B-bakit... ka... ba nagmamadali?" tanong nito sa tila kinakapos na paghinga.
Subalit hindi sumasagot si Rigo. Hindi gustong mawala ang konsentrasyon sa ginagawa.
Sa kabila naman ng mga halaman ay sumigaw ang kaibigan niyang si Arnel.
"An... diyan... na!" sagot ng binata na halos pangapusan ng hininga. Nandoon na siyang talaga. At kung hindi nga lang sila nagmamadali ay ibabagsak at ipapahinga pa niya ang katawan sa ibabaw ng katawan ni Shirley.
Mabilis siyang tumayo at inayos ang sarili. Ipinasok ang poloshirt sa maong.
"Sorry, honey, naghihisterya na si Arnel," aniya na ngumisi at bahagya pang humihingal.
Sumunod na tumayo si Shirley at pinagpagan ng damo ang palda. "Hindi ko talaga maintindihan ang pagkahibang mo, Rig, sa anak ni Mr. Bernardino," nakasimangot na sabi nito. "Ni hindi ka nga yata kilala ng babaeng iyon."
Ngumisi ang binata habang isini-zipper ang pantalon. "Problema ko na iyon. Napakadaling magpakilala. Kumukuha lang ako ng tiyempo. At saka, ano ba ang inirereklamo mo? 'Di ba at naibigay ko naman ang gusto mo ngayon?"
Sa bahagyang liwanag na nagmumula sa malayong poste ay nakita ni Rigo na sumimangot si Shirley.
"Sixteen lang si Lacey, Rigo."
"At twenty one lang ako..."
"Yes, twenty one, but you screwed like a..." hindi naituloy ng babae ang sasabihin dahil humagalpak ng tawa si Rigo.
"Thanks to you..." Kumislap sa bahagyang liwanag ang mapuputing ngipin ni Rigo. Kinuyom ang kamao at banayad na isinuntok sa pisngi ni Shirley.
Muling sumigaw si Arnel. "Rig, hindi na natin aabutan ang interview!"
"Mananalo si Lacey, natitiyak ko. Bakit hindi, ang isang bahagi ng building sa high school ay donasyon mula sa Daddy niya!" Naiinis si Shirley kaya nasabi iyon bagaman may bahid ng alinlangan ang tinig dahil hindi bilihan ng balota ang contest sa pagpili ng Miss St. Ignatius College.
"Nagseselos ka lang."
"Sa reputasyon mo rito sa campus, mabuti kung papatusin ka noon. Bukod pa sa saksakan ng matapobre si Mr. Bernardino," angil ni Shirley.
Hindi iyon pinansin ni Rigo. Sa halip ay tinapik sa balakang ang dalaga. "Hanggang sa muli..." at mabilis na lumabas sa mga halaman. Inabot mula sa kaibigan ang jacket.
"Kung hindi mo lang ako susuntukin ay iniwan na kita..." si Arnel na hinabol ang mabilis niyang mga hakbang.
"Buti alam mo," nangingiting sagot niya.
Ang auditorium ang pinagdausan ng pinakamaringal na okasyon ng escuela. Taon-taon ay pumipili ang kolehiyo ng Miss St. Ignatius College. Bawat department ay may representative. Isa sa Commerce, isa sa Education, Engineering, at ang iba pang department sa college. At isa rin sa high school na ang contestant ay dapat na hindi bababa sa kinse ang edad at nasa senior year.
Isa itong beauty contest na hindi paramihan ng balota. Ang ilan sa mga judge ay nanggagaling pa ng Maynila at karaniwan nang mga kilalang personalidad.
Puno ng tao ang auditorium at nakisiksik ang dalawa. Isang contestant mula sa education ang inabutan nilang ini-interview.
"Miss Lariosa, do you think you are beautiful enough to win in this contest?" Ang emcee na inabot sa contestant ang isang mikropono.
Matamis na ngumiti ang disiotso anyos na contestant. "Of course, Sir. Marahil ay wala ako dito ngayon kung hindi ko taglay ang kagandahang hinihiling ng pa-contest."
Hinagod ng tingin ng emcee ang dalaga at ngumiti. "Sumasang-ayon ako sa sagot mo, Miss Lariosa. At natitiyak kong ganoon din ang ating mga judge at audience. How do you define love, Miss Lariosa?"
"Love?" Ulit nito at sandaling nag-isip. "I have never been in love, Sir, kaya hindi ko mabigyan ng hustong kahulugan ang salita. Pero ang masasabi ko ay isa itong damdaming lagi nang umaalipin sa bawat tao."
Nagpalakpakan at naghagikgikan ang isang grupo na marahil ay mga classmate at kaibigan ng dalaga. Kilala ito sa pagiging playgirl.
"Thank you very much, Miss Education," anang emcee, at inabot nitong muli ang mikropono.
Lumakad ang contestant patungo sa likod kung saan naroon ang iba pang mga kandidata.
Nagpatuloy ang emcee at binasa sa ibabaw ng podium ang pangalan ng susunod na tatawagin. "Magaganda at mahuhusay sumagot ang ating mga contestant. Tiyak na mahihirapan ang mga judge sa pagpili ng mananalo. Ngayon naman ay tawagin natin ang isa pang contestant. From the high school department, the youngest contestant, Miss Lacey Bernardino..."
BINABASA MO ANG
Sweetheart 2: Lavender Lace COMPLETED (Published by PHR)
RomantikSweetheart 2: Lavender Lace By Martha Cecilia "My old faded blue jeans would be out of place. It'll never fit in to your world of lavender lace." The infamous Rigo dela Serna ng Engineering Department: super-guwapo, ex-scholar, star player, at playb...