ALAS-SAIS ng gabi nang ipasya ni Lacey na dalawin si Yda sa bahay nito. Dala niya ang kotse ni Steve.
Nagulat pa si Yda nang pagbukas nito ng pinto ay mabungaran si Lacey.
"Hi," bati niya sa kaibigan. "Hindi tayo nagkaroon ng maraming pagkakataong magkumustahan kanina."
Malikot ang mga matang lumingon sa kabahayan si Yda. At kung wariin niya'y alanganin pa itong patuluyin siya.
"Maupo ka."
"Thank you," aniya at inabot sa kaibigan ang dalang pasalubong. "Talagang para sa iyo iyan, dala ko galing sa States."
Magkahalong galak at guilt ang nakarehistro sa mukha ni Yda nang tanggapin ang kahon ng mamahaling pabango.
"Salamat, Lacey..."
"Magkuwento ka naman. Kumusta na ang buhay mo?"
Matabang na sumagot si Yda. "Ano ba ang maaari kong ikuwento sa iyo?"
"Hindi mo isinulat sa akin na kay Rigo ka nagtatrabaho? At saka hindi mo naikuwento na si Rigo ang nakabili ng lupa namin sa may Daya?" May banayad na akusasyon sa tinig niya. Hindi na niya isinatinig na nitong nakaraang tatlong taon ay halos hindi na sinasagot ni Yda ang mga sulat niya nang regular.
"C'mon, Lacey. Hindi mo inaasahang lahat na lang ay ikukuwento ko sa iyo. At saka bakit kailangang isulat ko pa sa iyo si Rigo? Matagal na iyong nangyari sa inyo, nakalimutan na niya. Natitiyak kong ganoon ka rin. Your relationship with Steve is too obvious." May pagkabagot sa tono ni Yda.
Tinitigan niya ang kaibigan. Naninibago siya sa pakikitungo nito sa kanya. Dahil ba sa empleyado na rin lang siya ngayon tulad nito? At lilinawin ba niya dito ang relasyon nila ni Steve na malamang ay ganoon din ang iniisip ng iba? Hindi. Hahayaan niyang isipin nilang mag-boyfriend sila ng binata. Malaking bagay iyon sa pride niya.
"Kalimutan mong sinabi ko iyon. Kumusta ka na? Paano kang napasok sa textile?"
Nagkibitng mga balikat si Yda. Hindi sinasalubong ang mga mata niya. "Walang bago sa buhay ko, Lacey. Heto, kung hindi ako kinuha ni Rigo ay baka isa lang ako sa mga trabahador sa pabrika. Hindi tulad mo, naibenta na halos ang lahat ng kabuhayan ninyo pero hindi ka pa rin maituring na mahirap bukod pa sa nakatapos ka ng pag-aaral," may pait sa tinig nito.
"Ano ang ibig mong sabihin?"
"Hanggang sa ikalawang taon lang ang natapos ko sa kolehiyo dahil namatay ang Tatay. At ang Kuya naman ay nag-asawa na at sa ibang bayan na nanirahan."
"I'm sorry to hear about your father, Yda. Hindi mo isinulat sa akin," isang marahang tango lang ang isinagot nito. "Anyway, there's no need to feel bitter. Maganda naman ang trabaho mo sa textile, 'di ba?"
"Salamat kay Rigo... hindi ko alam ang gagawin ko kung wala siya, Lacey. Kailangan ko siya," may diin sa sinabing iyon ni Yda kasabay ng biglang pananalim ng mga mata na iglap ding nawala.
Nasa ganoon silang pag-uusap nang sumungaw sa pinto ang isang batang lalaki. Marahil ay dalawang taong gulang at patakbong yumakap kay Yda.
"Mama..."
Nanlaki ang mga mata ni Lacey. "Anak mo?"
Huminga nang malalim si Yda kasabay ng pagtango. "Si Junjun."
"Hindi mo isinulat na nag-asawa ka na," hindi pa rin siya makapaniwala.
"Hindi ako nag-asawa."
"Hindi nag—" Hindi niya itinuloy ang sasabihin at tumingin sa bata. "Do I... know his father?"
Matagal bago sumagot si Yda at tinitigan siya.
"Kilala mo pero ayokong pag-usapan siya."
Nasa kotse na si Lacey ay hindi pa rin maalis sa isip niya ang anak ni Yda. Ganoon din ang loob ng bahay nito. Ibinabadya ng ayos ng bahay at ng suot ng bata na nakakaalwan ito sa buhay.
Pero bakit ito nagkaanak at sino ang ama ng bata? Ano ang buhay na sinapit ng kaibigan niya? At bakit ganoon ang pakikitungo nito sa kanya? Malamig na tila siya ahente na nag-aalok ng insurance dito.
Nasa ganoon siyang pag-iisip nang muling unti-unting huminto ang sasakyan.
"Oh, no! Huwag dito sa walang kabahay-bahay..." Subalit hindi nakuha sa pakiusap ang sasakyan at itinirik siya sa gitna ng madilim na daan.
Asenso na ang San Ignacio at may ilang mga pabrika na sa paligid subalit probinsiya pa rin ito at malayo ang bahay nila Yda mula sa kabayanan at main road. Kaya madilim pa rin sa daan na iyon na ang poste ng ilaw ay malayo mula sa kinahintuan niya.
Inikot niya ang paningin sa buong paligid. Mga nagtatayugang puno ng niyog na nasisinagan ng liwanag mula sa buwan ang makikita.
"Ano ang gagawin ko?" Kinausap niya ang sarili na naiiyak. Kinakabahan. Malayo pa siya sa main road. Marahil ay mahigit isang daang metro pa.
Lakas-loob siyang bumaba ng kotse at naglakad. Hindi siya maaaring manatili sa lugar na iyon at maghintay na may dumating. Totoong maaga pa. Pasado alas-siyete pa lang pero sa ganitong oras sa probinsiya lalo at malayo ka sa karamihan ay nasa bahay na lahat ang mga tao. At wala siyang naririnig kundi ang mga panggabing kuliglig.
Binilisan niya ang lakad at ni hindi siya lumilingon. May ilang minuto na siguro siyang lakad-takbo ang ginawa nang tamaan siya ng liwanag mula sa isang sasakyan. Mabilis siyang tumabi at pinara ito.
Huminto sa tapat niya ang sasakyan. Nagbukas ng salamin ang driver.
"Mister... nasiraan... Rigo!"
"Lacey!" Pareho pa silang nagkagulatan. "Ano ang ginagawa mo dito sa oras na ito?"
"N-nasiraan ako," aniya at lumingon sa pinanggalingan niya na dahil sa dilim ay hindi na matanaw ang sasakyan.
"May diperensiya na ang transmission ng kotse. Hindi ko nasabi sa boyfriend mo. Sumakay ka na," utos nito na binuksan ang passenger seat.
Hindi siya nag-atubiling sumakay. Hindi rin niya pinansin ang pagtukoy nito kay Steve bilang boyfriend niya.
Nagmaniobra ang binata pabalik. Hindi niya mapigil ang sariling hindi magtanong.
"S-saan ka sana papunta?"
"Kina Yda. Doon ka ba galing?"
Tumango siya. Gusto pa sana niyang idagdag kung ano ang gagawin nito doon pero iba ang lumabas sa bibig niya.
"Puwede mo akong ibaba sa main road at ako na ang bahala pauwi."
Pero hindi sumagot ang binata at tahimik na nag-drive. Nasa daan ang mga mata.
Palihim niyang sinusulyapan ito. Marami siyang gustong sabihin at itanong dito. Pero ano ang silbi noon? Lalo lang madadagdagan ang sakit ng dibdib niya.
Makalipas ang nakabibinging katahimikan ay nagsalita si Rigo. "Bakit pinahintulutan mo ang sariling makipag-live-in sa boyfriend mo dito, Lacey?"
"A-ano?" Hindi niya inaasahan ang tanong na iyon.
'
BINABASA MO ANG
Sweetheart 2: Lavender Lace COMPLETED (Published by PHR)
RomanceSweetheart 2: Lavender Lace By Martha Cecilia "My old faded blue jeans would be out of place. It'll never fit in to your world of lavender lace." The infamous Rigo dela Serna ng Engineering Department: super-guwapo, ex-scholar, star player, at playb...