Chapter 15

20.2K 331 5
                                    

NAGULAT si Lacey nang pagpasok niya sa opisina ng General Manager ay makita si Yda na doble ang pagkabigla kaysa sa kanya.

"L-Lacey!" bulalas ni Yda. "Ano ang ginagawa mo dito? I mean... bakit ka nandito? Kailan ka pa dumating?" sunod-sunod nitong tanong sabay lingon sa opisina ng GM.

"Dito ka ba nagtatrabaho, Yda?" Nangiti si Lacey sa obvious niyang tanong. Nagagalak sa hindi inaasahang pagkikita nila ng kaibigan. Wala sa loob na tumango si Yda na nanatiling nakatingin sa kanya. Pagkatapos ay kay Steve na tumikhim. "Oh, Yda, gusto kong makilala mo si Steve. Pareho kaming dito magtatrabaho bilang cloth designer."

"Pleased to meet you, Yda," nakangiting inabot ni Steve ang kamay kay Yda na bahagyang ngumiti.

Wala pa ring mahagilap na sasabihin ang babae nang bumukas ang pinto ng GM at lumabas si Arnel.

"Arnel! Ikaw rin?"

Marahang natawa ang binata sa pagkabigla niya. "Kumusta ka na, Lacey?" Inilahad ng binata ang kamay na mahigpit na tinanggap ng dalaga.

"I'm fine, Arnel. Alam mo ba kaagad na kami ang tinanggap sa hiring office ninyo sa Maynila?"

"Two days ago ay tinanggap ko ang fax. Welcome home, Lacey," nakangiting sinabi nito. "Kanina pa tayo hinihintay ng General Manager." Lumakad si Arnel pabalik sa silid ni Rigo at bahagyang binuksan ang pinto. "Pumasok na kayong dalawa."

"Thanks, Arnel. See you later, Yda," sinulyapan niya ang kaibigan na hindi pa rin nakakibo. Nagpatiuna siyang pumasok upang bigla lang maestatwa sa kinatatayuan.

"Please sit down, Miss Bernardino... Mr. Jose," bungad ni Rigo. Nasa mga kamay ang naka-fax nilang resume.

Si Steve man ay nagulat nang makilala ang guwapong mekaniko. Napakapit sa braso ni Steve si Lacey palapit.

Ang bangungot niya ay hindi natapos-tapos!

Tuluyan nang nawala ang blue-jeaned at naka-jacket na binatang kilala niya. Hindi rin ito ang Rigo na nakita niya kahapon.

Ang nasa harap niya ay isang executive. Nakaitim na slacks and leather shoes. Naka-long sleeves at tie.

"We met again..." si Rigo na tumikhim at deretso ang mga mata kay Steve.

"Yes," pormal na tugon ni Steve sa businesslike na paraan.

"I never expected that the mechanic I met yesterday was to be my boss."

"Empleyado lang ako dito, Mr. Jose. Ang talyer ay pag-aari ng pamilya ko. Anyway, let's get down to business..."

Sa sumunod na mga sandali ay binigyan sila ni Rigo ng briefing sa mga patakaran ng kompanya. Manaka-naka ay walang emosyong sumusulyap ito kay Lacey.

Kung paano natagalan ni Lacey ang sumunod na mga sandali ay hindi niya malirip. At ni sa panaginip ay hindi niya inakalang sa muli nilang pagkikita ni Rigo ay magiging empleyado siya nito.

Gusto niyang mag-backout sa huling sandali but it would be cowardice. Wala siyang dapat ikahiya or anything to be guilty of.

Nang hapong iyon ay nalaman ng dalaga mula kay Arnel na ang lupang kinatatayuan ng textile factory ay nabili ng mga dela Serna kay Augusto sa pamamagitan ng mga abogado.

"Three years ago ay hindi pa gaanong kamahalan kaya nabili ni Rigo mula sa abogado ng Daddy mo. Pero tumaas ang value ng assets nang maging industrial site ang San Ignacio. Nang ang pinagtatrabahuhang industrial company ni Rigo bilang Mechanical Engineer ay binalak na bilhin ito upang mag-branch out sa textile ay pumayag si Rigo. Dahil ang bahaging ito ng lupa ninyo noon ay walang tumutubong pananim na maayos pagka't bato ang ilalim. Isa pa, kalahati ng pinagbilhan ni Rigo ay ipinasok niya bilang investment. He owned twenty per cent share of stocks," mahabang paliwanag ni Arnel habang iniikot sila sa buong pabrika.

"Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit nagtatrabaho pa rin ang boss sa talyer bilang mekaniko," ani Steve.

Ngumiti si Arnel. "Kayang sagutin ni Lacey iyang tanong mo, Steve."

Bumuntong-hininga ang dalaga. "Rigo is his own person, Steve. Gagawin niya ang isang bagay na gusto niya regardless of anyone's opinion."

Wala si Yda sa mesa nito nang bumalik si Lacey at Steve sa opisina matapos ang tour sa buong pabrika.

"Tutuloy na kami, Arnel. Bukas na kami magsisimula ni Steve," paalam niya rito.

"Sure. Nagtataka nga ako sa iyo at kadarating mo lang pala buhat Amerika ay sumabak ka agad sa trabaho."

Si Steve ang sumagot para sa kanya. "Workaholic si Lacey, Arnel. Hindi gustong mahinto."

Ngumiti si Arnel. "Anyway, bukas na lang uli tayo magkita."

-Regulk

Sweetheart 2: Lavender Lace COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon