Chapter 21

25.5K 383 3
                                    

NANG hapong iyon ay nag-check-in sa isang mumurahin at kaisa-isang hotel sa bayan si Steve while nagging and quacking at her like a mother hen.

Alas-sais na nang makabalik ng mansion si Lacey. Nagulat pa siya sa hindi inaasahang panauhin.

"Hindi ko gustong magpaligoy-ligoy pa, Lacey," agad nitong sinabi nang maupo siya at harapin ito.

"Sabihin mo kung ano ang gusto mong sabihin, Yda..." aniya na nagsasalubong ang mga kilay sa ikinikilos ng kaibigan.

"'Di ba, minsan ay itinanong mo sa akin kung sino ang ama ng anak ko?" Tumango siya nang wala sa loob. "Si Rigo ang ama ng bata, Lacey..."

Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. Parang may pumigil sa paghinga niya at tila sinasakal siya.

"H-hindi totoo ang sinasabi mo..." Nang biglang sumagi sa isip ang gabing nasiraan siya na nasalubong niya ang binata. Hindi nito itinanggi na patungo ito kay Yda nang gabing iyon.

"Mula pa noong araw ay lagi nang ikaw, Lacey. Mula sa pagiging valedictorian hanggang sa Miss SIC. Don't take everything away from me, lalo na ang ama ng anak ko!"

Hindi makakilos si Lacey. Parang namanhid ang buong pagkatao. Nangingimbulo si Yda sa kanya sa buong panahong pinagsamahan nila!

"Ewan ko kung bakit ka pa nagbalik, Lacey. Hindi ko maintindihan. Kung tutuusin ay wala na kayong ari-arian sa bayang ito. At hindi ko rin maintindihan kung bakit sa kompanyang pinamamahalaan ni Rigo ka pumasok gayong marami namang kompanya sa Maynila. Sadya mong ibinigay ang sarili mo sa paghihiganti ni Rigo..." patuloy ng babae.

"Pag... hihiganti?" Hindi pa siya nakakabawi sa pagkabigla ay panibagong ulos na naman ang sinabi ni Yda.

"Rigo would have married me a long time ago kung hindi dahil sa obsesyon niyang makapaghiganti sa ama mo at sa iyo."

"A-ano ang ibig mong sabihin, Yda..."

"Alam mo bang nakulong nang apat na buwan si Rigo nang araw na umalis kayo dito ni Mr. Bernardino?"

Lalo nang hindi malaman ng dalaga kung paano tatanggapin ang sinasabi nito. "Nakulong? Bakit siya nakulong?"

"Dahil idinemanda siya ng Daddy mo ng attempted rape. Pinagtangkaan kang i-rape ni Rigo ayon sa kanya. At pinirmahan mo ang affidavit na nagpapatunay na ganoon nga at pagkatapos ay umalis kayong mag-ama ng bayang ito habang nasa kulungan si Rigo."

"N-no...!"

"I stayed with him, Lacey. Sa panahong kailangan niya ng karamay dahil halos kondenahin siya ng bayang ito. Hindi na niya nagawang tapusin ang kolehiyo sa St. Ignatius dahil hindi na siya tinanggap doon."

"And... and... you didn't write me about it," hindi makapaniwalang usal niya. "Bakit, Yda?"

"Ano ang silbi? He hated you," pinakadiin-diinan nito ang sinabi. "Isa pa, natitiyak kong hindi magugustuhan ni Mr. Bernardino iyon. He warned me not to tell you..."

"You were my friend... wala akong alam doon..."

"May pinirmahan kang affidavit na pinagtangkaan kang reypin ni Rigo..." Iniwas ni Yda ang mukha sa unang sinabi ng dalaga.

Hindi niya mapaniwalaan iyon. Bakit gagawin ng Daddy niya iyon? Pero bakit nagmamadali ang Daddy niya na makaalis sila agad tatlong araw makalipas ang nangyari sa beach?

Nanlumo ang dalaga. Iyon ang ibig sabihin ni Rigo na naranasan na nito ang pag-usapan ng mga tao.

"So you see, Lacey, paghihiganti ang motibo ni Rigo sa pagnanais na pakasalan ka. Kung totoo ngang pakakasalan ka niya, maaaring hindi ka niya siputin sa simbahan, who knows. He will just probably vindicate himself sa mata ng mga tagarito." Tumayo si Yda. "Matagal ang pinagsamahan naming dalawa, Lacey. Higit na mas matagal kaysa sandaling panahong namagitan sa inyo. Kaya kung ako ikaw ay aalis ako sa bayang ito. Tama na ang pinsalang nagawa ninyong mag-ama sa kanya. Leave us alone!"

Matagal nang wala si Yda ay nanatili pa ring nakatitig sa kawalan ang dalaga. Makalipas ang mahabang sandali ay tumayo siya at tinungo ang telepono. Tinawagan niya si Amelia.

"Wala pa rito si Rigo, Lacey," anang babae sa kabilang linya. "Nasa pabrika pa marahil sila ni Arnel. Doon mo tawagan."

"H-hindi ho si Rigo ang gusto kong kausapin kundi kayo," pilit niyang itinatago ang paghikbi subalit umalpas iyon.

"Umiiyak ka ba?"

"H-hindi ho. Tita Amelia... I'm sorry, pero hindi ho matutuloy ang pagpapakasal ko kay Rigo. I'm leaving tomorrow morning..."

"Hindi ko maintindihan... akala ko ba'y..."

"Tita... gusto kong ihingi ng tawad ang ginawa namin ng Daddy six years ago." Masakit ang lalamunan niya sa pagpipigil na huwag humagulhol ng iyak. "Wala... ho akong alam doon. Hindi ko po alam..." at bago pa nakapagsalita ang kabilang linya ay ibinaba na niya ang telepono at umiyak nang umiyak.

Kung gaano katagal siyang nag-iiyak ay hindi niya alam. Nang mahimasmasan ay lumabas siya ng mansion at lumakad patungo sa dagat. Hindi alintana ang dilim.

Tanging ang liwanag ng buwan ang tumatanglaw at ang liwanag mula sa mansion. Umupo siya sa buhangin, niyakap ang mga binti at muling umiyak.

"Oh, Dad... ano ang ginawa mo sa akin?"

Nang wala ng luhang pumatak ay tumingin sa dagat ang dalaga. Kumikislap ang maliliit na alon na humahampas sa dalampasigan sa liwanag ng buwan.

Higit kailanman sa buong buhay niya ay ngayon siya nakadarama ng pag-iisa at labis na lungkot at kawalang pag-asa.

Si Rigo... si Yda... at ang anak ng mga ito...

Siya ang hadlang para hindi mapakasalan ni Rigo ang kaibigan. Ang pagnanais nitong mapaghigantihan siya. At marahil kung hindi siya nagbalik ay tuluyan nang pakakasalan ng binata si Yda. Kaya pala ganoon na lang ang pakikitungo sa kanya ng kaibigan.

Pinuno niya ng hangin ang dibdib at tumayo. Sa pagsikat ng araw sa kinabukasan ay aalis siya... at si Steve. She will probably go back to the States at doon muling magtrabaho.

Nakakailang hakbang na siya nang tunog ng sasakyan ang narinig niya mula sa mansion.

Si Steve?

Hindi. Iisa ang headlight at patungo sa kinaroroonan niya.

Kinabahan siya. Motorsiklo ang papalapit. Nag-dim ang headlight nang malapit na sa kanya. Pagkatapos ay huminto sa mismong tapat niya.

Si Rigo.

egular;colbBi

Sweetheart 2: Lavender Lace COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon