Pula

27.9K 843 504
                                    

Sinong hindi mapapagod sa Pilipinas? Gobyerno, bulok. Sistema sa mga bagay-bagay, bulok. Ultimong pagpila sa MRT, hindi magawa nang tama. Tipong apat na hakbang ka na lang sa pinto, biglang may susugod sa likod mo para mas mauna silang pumasok.

Punyetang buhay 'to.

At . . . maligayang ika-dalawapu't apat na kaarawan sa akin.

Ganito na lang lagi araw-araw. Gigisingin ng alarm, kakain ng breakfast kasama ni Mama at Papa, magmamadali papuntang school dahil mabagal ako kumilos, sasakay ng MRT papuntang SM North, at sasakay ng jeep papuntang UP.

Kahit na Araw ng mga Puso ngayon, o kahit pa ika-dalawpu't apat na kaarawan ko, hindi naman ipagpapaliban ng mundong ito ang trahedya ng buhay. Tuloy-tuloy lang ang kagaguhan. Tipong binulong sa 'kin ng hangin, "Ano bang pake ko sa 'yo? Alikabok ka lang naman."

Papasok ako para lang makapagtapos sa totoo lang. Pitong taon na ako nag-aaral eh. Masaya naman 'yong buhay estudyante ko, pero t'wing makakakita ako ng mga ka-batch ko noong high school na may kotse na, may pamilya na, at nagpupupunta kung saan-saan, gusto kong kumawala at tapusin na 'yong pag-aaral ko. Naturingan pa naman akong salutatorian. Puta di ba? Siguro ego ko lang. Pero puta pa rin.

Binati ako ng mga ka-org ko at ng mga kaklase ko noong high school. Nagyaya nanaman sila ng inuman. Siyempre, pumayag ako, pero uuwi muna ako ng bahay para pakainin 'yong aso namin. (Oo na, priority ko talaga ang aso ko.) Isa pa, gusto ko i-regalo sa sarili ko ang pahinga at tulog, kahit isa o dalawang oras lang.

"Tara, Kayi," sabi ko salamin. "Magiging masaya ang araw mo, okay?"

Dumiretso na ako sa MRT pagkatapos. Tinali ko ang mahaba kong buhok at nilagay ang bag ko sa harap ng dibdib ko. Siyempre, doon ako sa mga babae nakapila. Mas madali kasing sumakay. Nilagay ko yung earphones ko sa tainga ko, pinatugtog ang "Tadhana" ng Up Dharma Down, at tumingin ng mga litrato sa Instagram. Mayamaya, bigla akong nakaamoy ng Johnsons baby cologne, 'yong pink.

Tumingala ako dahil—wala lang—natural lang siguro sa 'kin ang hanapin kung ano 'yong kakaiba. At iyon, mga tatlong hakbang paharap sa may kanan ko, nakita ko 'yong babaeng kakapasok lang siguro ng pabango niya sa bag. Madali lang siya mapansin kung tutuusin. Sa pulang-pulang buhok at labi pa lang niya, agaw-pansin na siya. Bukod doon, may suot din siyang pulang checkered polo na nakabukas para makita 'yong itim niyang sando, punit-punit na maong, at pulang boots. Pula din 'yong bag niya, at may nakasaksak na pulang bluetooth headphones sa tainga niya.

Natawa ako. Inisip ko, Ano kayang paboritong kulay nito, pula? O baka birthday niya kaya nag all-out pula siya.

Iyon nga lang, higit pa sa pagka-pula niya, hindi ko mapigilang titigan siya habang nagtatali ng buhok. Nakita ko na may dreamcatcher tattoo siya sa leeg niya. Pero hindi lang basta itim na tattoo, yung de-kolor na tattoo, parang bahaghari ba.

Nakatitig ako sa leeg niya nang bigla siyang lumingon.

Puta.

Tumingin ako sa ibang lugar dahil nakakahiya. Hindi ko masyadong nahagilap 'yong mukha niya maliban sa pula niyang lipstick. Buti na lang, saktong dumating yung MRT na walang laman. At katulad ng sinasabi ko, sa mga tren na walang laman, hindi mo na kailangan maglakad para makapasok. Bigla ka na lang itutulak ng mga tao paloob at . . . TENEN! Nasa loob ka na ng MRT.

"Mg ate, dahan-dahan—," pakiusap ko sana, pero wala. Natanggal na nga yung earphones ko sa tainga ko. Siniksik nila ako nang siniksik hanggang sa katabi ko na 'yong babaeng may dreamcatcher tattoo na amoy Johnsons baby cologne, 'yong pink.

Bigla siyang napangiti sa 'kin. Magkasing-tangkad kami. Halos pigilan ko na rin huminga dahil sobrang dikit naming dalawa at baka maamoy na niya pati 'yong kinain ko simula agahan (kahit nag-toothbrush naman ako). Siya naman, nakatingin lang sa ibang lugar, halatang hindi kumportable.

Tibok (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon