Kahel

13.7K 625 924
                                    

Nakahanap naman ako kaagad ng trabaho pagkatapos kong mag-aral, pero hindi naging madali sa akin ang lahat. Naka-tatlong trabaho at dalawang taon ako bago ko pa nakita ang trabahong talagang gusto ko. Ngayon, may editing, writing, at researching sidelines ako at co-partner ko din si Jizzel sa calligraphy workshops. Freelance ang trabaho ko, pero mas gusto ko na 'to kay sa kontrolado ako ng mga kumpanya.

At oo nga pala, sinubukan kong mag-MRT isang beses sa parehas na oras na sinakyan ko noon, umaasang baka makita ko 'yongbabaeng may pulang lipstick. Pero pagkatapos ng araw na 'yon, hindi na ulit kami nagkita.

Malapit na magpasko dalawang taon matapos ako magtapos. Nagkaroon ng reunion sa side ni Mama dahil uuwi 'yong mga kapatid niya galing California at minsan lang 'yon. Sabihin natin na "hindi ko sila kasundo" dahil una, ibang lebel ang pagkarelihiyosa nila. Hindi naman sa nilalahat ko, pero sila kasi 'yong tipong nagsusuot ng belo sa loob ng simbahan, pero puro maaanghang na panlalait naman ang lumalabas sa mga bibig nila kapag nakakakita sila ng mga namamalimos at ng mga katulad ko—mga taong kabilang sa komunidad ng LGBT.

Sa kanila ko talaga napatunayan na hindi lahat ng relihiyosa, tunay na maka-Diyos.

Pangalawa, natatandaan ko na noong umuwi sila, pinagalitan nila si Mama—bunso sa magkakapatid—sa paninirahan sa Pilipinas at si Papa dahil hindi man lang daw niya "maiangat" ang buhay namin.

Sumagot ako noon kahit sixteen pa lang ako, "Masaya naman po kami."

Naaalala ko noon ang sinabi ni Tita Felicity, "'Yang anak mo, Lucia, UP, di ba? Bakit hindi mo kaya ipag-Law? Magaling sumagot eh."

Gusto ko pa sana sumagot, pero pinigilan na lang ako ni Papa at niyaya niya akong lumabas. Nagalit pa ako kay Papa noon dahil pinigilan niya ako. Naaalala kong nag-yosi si Papa at biglang binigyan niya ako ng Red Horse beer. Hindi ko ba alam, pero hindi na lang kami nagsalita noon. Kumalma na ako pagkatapos, pero naaalala kong sinabi ko kay Papa, "Kapag ginanon tayo ulit, hindi na ako mananahimik sa susunod."

Sa bahay ng mayaman na pinsan ni Mama gaganapin ang reunion. Una nga, nagbihis ako ng pantalon at T-shirt, pero sabi ni Mama, magbestida raw ako. Pagpunta namin doon, andon na sina Tita Felicity, Tita Aurora, Tito Casimiro, Tito Andres, at Tita Lara—ang mga kapatid ni Mama—at ang iba pa naming kamag-anak. May buffet at may isang malaking Christmas tree na maraming regalo. Okay naman basta hindi ako malapit sa mga kapatid ni Mama. Isa pa, kausap ko naman ang mga pinsan ko.

Nananahimik ako nang biglang kinausap ako ni Tita Aurora. "Graduate ka na ba?"

"Opo, Tita."

"Hay, sa wakas."

Hindi ko alam kung panlalait ba 'yon o hindi, pero hinayaan ko na lang.

"Ano na'ng trabaho mo?"

"Freelance editor po."

"Magkano sinasahod mo?"

Gusto ko sana sabihin na hindi tama ang tinatanong ang sahod ng ibang tao at isa pa, bakit ba obsessed ang mga tao sa kinikita ng iba?

"Hindi naman po ako bimonthly sumasahod tulad ng iba. Freelance po ako," sabi ko na hindi direktang sinasagot ang tanong niya.

"Paano ba 'yon?"

"Kung kailan lang po may project. Hindi naman po ako nawawalan ng i-re-research o i-e-edit o isusulat."

"Nako, iha. You have to look for a stable job."

"Stable naman po ako. Masaya pa."

"Maganda pa rin 'yong stable ka. May boyfriend ka na ba?"

"Wala po. Wala rin akong balak."

Tibok (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon