8

24 3 0
                                    

#WABlackValentines_Entry
😢TITLE::MOVE ON...
😢CN/UN::CHARZALAZELLE
😢~~SPOKEN WORDS~~😢
Katulad ng iba nakilala kita nang 'di inaasahan. Sa panahong 'di ko mapagtanto kung paano magpapatuloy sa isang relasyong kawawakas lang.
Nakilala kita at animo'y lumiwanag muli ang araw na tuluyang nalugmok sa malungkot na nakaraan. Sa bawat araw na dumaraan unti-unting nagkakakilanlan. Sa bawat oras na magkasama 'di ko inakalang lalalim ang nararamdaman.
Sa bawat kuwento at tawanan na kasama ka, 'di ko inakalang mababalik ang ngiting tuluyan na naglaho na. Naging malapit tayo sa isa't isa. Masaya ako, masaya ka, masaya tayo sa pagkakaibigang mas lumalim pa. Hindi ko akalaing magiging dahilan ka ng bawat ngiti sa aking mga mata sa tuwing darating ang umaga. Sa pagkakataong ito alam kong nahuhulog na ako at malabo ng umahon pa. Ngunit eto ako mas pinili ang landas na taliwas sa nadarama upang nabuong pagkakaibigang 'di mabahiran ng tinta.
Akala ko may panahon pa para tumakas, para kumawala sa isang kulungang malapit nang magsara, para makaahon sa unti-unting pagkalunod at para mapalaya ang puso bago pa tuluyang mabigo. Pinilit ko pero natalo ako. Totoo nga, mahirap tumakbo at tuluyang lumayo sa iisang bagay na nais mong mapasaiyo. Mahirap makipagtalo sa puso, iyan ang napatunayan ko.
Nanatili akong isang kaibigan, sa pag-aakalang baka sakali, baka-sakali lang naman ay may pag-asang pagtingin mo'y mag-iba o kung hindi man ay tatanggapin ko na kaibigan lang talaga.
Mahirap, alam ko, alam mo rin ba? Ngunit may magagawa pa ba?
Siguro nga may mga bagay talaga na pinagtagpo pero hindi itinadhana.
Bawat segundo, minuto, oras at mga pagkakataong kasama ka, may digmaang nagaganap sa pagitan ng puso at ng diwa. Sabi ng puso sige magpatuloy ka, ngunit 'di matahimik si utak at pinagsisigawang huwag kang magpakatanga.
Sa huli mas pinili kong sundin 'yung nauna. Hinayaan kong patuloy na ipamigay ang puso kahit alam kung madudurog lang at magdurusa. Ganun talaga siguro ang buhay, magmamahal ka, masasaktan at magmamahal ulit.
Ilang buwan ang lumipas at nagkahiwalay tayo ng landas, pero dahil sa pagkakaibigan, pinagpatuloy pa rin ang ugnayan. Maraming beses akong nasaktan, maraming beses na sinubukang sumuko dahil sa sitwasyong walang kasiguraduhan, walang pinanghahawakan. Pero eto ako, matapang na hinaharap ang bawat umaga pagkatapos ng gabing pag iyak.
Parang tanga, 'di ba.
Masakit pala talagang magmahal nang ikaw lang. Masakit umibig sa isang taong ang tingin ay kaibigan lang. Masakit ipilit ang isang bagay na malabong mangyari sa katotohanan. Masakit palang ikaw at ako ay hanggang magkaibigan lang.
Sa mga panahong kasama ka hinihiling na sana 'di na matapos pa, na sana tumigil ang orasan sa pagtakbo at pansamantalang tumigil ang pag ikot ng mundo. Humiling, nagdasal at patuloy na kumakapit sa mumunting pag asang meron ako para sayo. Natatandaan mo ba yung araw na napaamin ako ng totoong nararamdaman ko?
Tinanong ka ng kapwa kaibigan kung may pag-asa ba ako. Sabi mo, sa isang daang porsyento may isang porsyentong posibilidad na oo. Tumalon 'yung puso ko. Natuwa ako inaamin ko. Tinanong naman kita, ngayong alam mo na 'yung nararamdaman ko, iiwasan mo ba ako?
Sagot mo? hindi, kasi naniniwala kang ako 'yung tipo ng tao na tinatago sa puso. Naalala mo ba? Kasi lumipas man ang isang taon ganun pa rin ako sa iyo, nagmamahal nang buo. Pero hindi na nga talaga siguro darating 'yung araw na mamahalin mo ako katapat ng pagmamahal ko sa iyo.
Alam kong talo ako pero lumalaban pa rin at di sumusuko. Ilang beses man umiyak, pilit na pinapakita ang ngiti sayo. Walang masama magmahal diba? Pero may mali sa kahit na anong sobra. Napasobra ata ang pagmamahal na binigay ko, at dumating sa puntong puro ikaw na lang inuuna ko. Nakalimutan kong meron din palang ako, yung ako na nag effort sayo, yung ako na nababalewala mo dahil sa mga taong nakikilala mo, yung ako na naghihintay sa pagbalik mo, yung ako na patuloy na umaasang pahahalagahan mo habang andito pa ko sa tabi mo.
Pero sumobra ako, 'yung tipong binalewala ko ang dikta ng isip dahil sa dikta ng puso.
Madaming bagay ang isinawalang-bahala ko, binulag ang sarili sa paniniwalang mahal mo naman ako. Ayun, sapol mukhang natuwa ka masyado at eto ako nakontento bilang isa sa mga espesyal na babae sa buhay mo, yan ang sabi mo. Ang sarap pakinggan ng linyang yan mula sa iyo. Umasa na naman ako.
Ilang ulit ako sinampal ng katotohanan, ngunit mas pinili kong pumikit at patuloy na maniwala sa panaginip kesa gumising sa ilusyong kinalalagyan. Pero totoo din pala yung sabi nila na dadating sa punto na mapapagod ka, dadating yung araw na pagsuko na lang ang natira. Dadating ang pagkakataong ipipilit mo sa sarili mo na tama na, tumigil ka na.
Ang sakit pala talaga sa dibdib na marinig mula sayo na sino ba naman ako kundi kaibigan mo lang. Hindi ko kinaya, wala akong magawa kundi umiyak ng mag isa. Sobrang sakit, parang lahat ng maliligayang alaala natabunan ng ulap ng kalungkutan. Malateleserye pa nga eh, kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan ang pagpatak ng mga luha ko sa mata.
Ang sakit, ang sakit-sakit na parang dinudurog ng malaking bato ang puso ko, na parang pinupunit na tela, parang sinasaksak ng matalim na kutsilyo. Gusto kong magalit sa iyo, gusto kong magwala, gusto kong isumbat lahat ng nararamdaman ko pero eto ako mag-isa, umiiyak nang walang tigil hanggang sa makatulog na lang dahil sa pagod. Habang ikaw masayang kasama ang iba. Sino nga ba naman ako, 'di ba? Naalala ko, kaibigan mo nga lang pala.
Aaminin ko masayang nakilala kita, masayang nakasama sa pagbuo ng iba't ibang alaala. Masaya akong naging parte tayo ng buhay ng bawat isa sa isang kabanata. Humanap ako ng ibang paraan para manatiling kaibigan mo habang hinihintay maghilom ang malalim na sugat sa puso ko pero imposible. Imposibleng manatiling isang kaibigan sa taong minamahal ko.
Sabi mo dati,may dalawang babaeng kaibigan ka na nahulog sayo pero katulad ko bigo na mahalin mo at dumating sa punto na pinili nilang lumayo, huli mo na napagtanto ang halaga nila sayo. Hindi ko alam kung magiging ganun din ako. Tanong ko lang, kailangan ko pa bang lumayo para mapansin mong nandito ako, para maisip mo 'yung halaga ko sa buhay mo? Parang wala na kasi akong dahilan para patuloy pang manatili sa tabi mo. Kung ito man ang puntong inaantay ko, siguro oras na para sarili ko naman ang piliin ko.
Sapat na siguro yung ilang pagkakataong binigay ko sayo, sobra na yung luhang binuhos ko para sayo. Oras na para sarili ko naman ang unahin ko. Hindi man tayo hanggang dulo hinihiling ko ang kaligayahan mo, hindi man sa tabi ko, tatanggapin ko. Hindi mo kasalanan na minahal kita, lalong 'di mo kasalanan na hindi tayo pareho ng nadarama.
Pero wala naman mali na umasa, di ba? Mali lang siguro kasi napasobra.
Ang alam ko pagod na ko maghintay sa iyo kaya lalakad na ko palayo. Handa nang tahakin ang landas na papalayo sa 'yo. Tanging hiling ko lang sana dumating pa rin 'yung araw na ngingiti ako sa harap mo, 'yung matamis na ngiti at walang halong pait, kasi paikot ikutin man natin ang mundo, naging magkaibigan pa rin tayo. Sa buhay natin may mga panahong pagsuko at pagtanggap na lang ang paraan para tuluyang makalimot sa sakit ng nakaraan.
Darating din ang araw na maghihilom ang bawat sariwang sugat na dulot ng kasalukuyan. Hindi ko alam kung hanggang kailan ang pagmamahal na ito, pero sana mabilis dumaan ang araw at magawa ko ulit mahalin ang sarili ko at kalaunan ay magmahal ng iba na mamahalin din ako. Hanggang dito na lang.

***Unedited post from WATTPAD ACADEMY OFFICIAL GROUP.

My Valentine's Color (2018)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon