DAY 40

2.8K 109 3
                                    

September 16. Friday

NGAYON kahit papaano nagkaroon ng sagot ang mga tanong ko dati tungkol sa pagkatao ni Kira. Kaya naman pala kilala siya ng mga professors at staff kasi isa siyang Vidanez sa mother's side niya. Kaya naman pala alam niya kung saang rooftop the best ang view ng sunrise. Kaya naman pala parang alam na alam niya ang mga pasikot-sikot sa Richdale University at nakakuha pa ng susi. Kasi parte siya ng pamilya na may-ari ng school.

But all of that doesn't matter to me now. Mas importante sa akin ang makita si Kira at masiguro na ayos lang siya. Pumunta ako kahapon sa bahay nila kahit sinabi ni Hans na huwag ako pumunta. Wala ngang tao. Nag-message at tumawag uli ako kay Kira pero katulad nang nakaraang mga araw hindi niya ako sinasagot.

Today bumalik ako sa bahay nila. Hindi ko na pinasukan ang afternoon classes ko. Huminga ako ng malalim at lakas loob na nag-doorbell. May sumagot na kasambahay sa intercom at magalang akong nagpakilala na kaibigan ako ni Kira. Tumahimik. Then ibang boses na ang sumunod na nagsalita.

"Kaibigan ka ng anak ko? May I know your name?"

Napaderetso ako ng tayo kahit na hindi naman ako nakikita ng babae na sigurado akong mother ni Kira. "Eugine Alonso, ma'am. Nakuha ko ho kay Hans ang address ninyo."

"Oh. Wait lang ha?" Tumahimik sa kabilang dulo ng intercom. Huminga ako ng malalim at namulsa habang naghihintay.

Ilang minuto lang may lumabas na mula sa front door. Isang may-edad na babae na habang palapit sa akin narealize ko na nanay siya ni Kira. Magkamukha kasi sila. Medyo kinabahan ako kasi siya pa ang personal na lumabas para harapin ako.

Binuksan niya ang maliit na gate at nginitian ako. "I know about you, Eugine Alonso. Come in."

Nakahinga ako ng maluwag. Natawa siya. Obvious na nakita niya ang reaction ko. Medyo napahiya ako at tumikhim. "Ahm... gusto ko ho kasing kamustahin si Kira. I heard she got sick."

Nawala ang tawa ng may-edad na babae, bumuntong hininga at naging tipid ang ngiti. "Nilalagnat siya pero nagpa-inject na siya ng fever medicine kahapon sa ospital." Tumalikod siya at naglakad papasok sa bahay. Sumunod ako sa kaniya.

Malaki ang bahay ng mga De Dios though mas malaki ang bahay namin. Pero mas gusto ko ang bahay na 'to. Homey kasi. Iyong tipo ng bahay na alam mong tinitirhan at tinatambayan ng pamilyang nakatira roon. Ang display sa mga pader, pictures ng mga miyembro ng pamilya. I particularly like Kira's photos when she was young. Wala siyang masyadong solo picture. Karamihan kasama niya ang parents niya. Hindi rin outdoors ang pictures. Halos lahat nasa loob lang ng bahay nila. But at least they have pictures. They have memories together as a family.

Sa bahay namin walang makikita kahit isang picture frame. Ang disenyo katulad ng mga bahay na makikitang fine-feature sa magazines. Mukhang display lang lahat ng mga furniture kasi hindi naman talaga namin ginagamit. May family room kami pero wala ni isa sa amin ang pumapasok doon para tumambay. There is no sign of a family living inside our mansion. Maliban na lang kapag nag-aaway ang parents ko. Saka lang mahahalata na may nakatira pala roon.

"Nasa second floor ang kuwarto ni Kira. Sumunod ka sa akin."

Ibinalik ko ang tingin sa may-edad na babae na paakyat na ng hagdan. Tumikhim ako. "Ma'am, hindi ho ba dapat ipaalam niyo muna sa kaniya na nandito ako?"

Nilingon niya ako at nakangiting umiling. "Tatanggi siyang makita ka kaya hindi ko sasabihin sa kaniya." Nasaktan ako sa sinabi niya. Naging sympathetic ang ngiti niya. "Don't worry. We'll just surprise her." Naglakad na siya uli. Napangiwi ako pero sumunod naman sa kaniya.

LOST STARSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon