KASALUKUYANG kausap ni Miguel ang ama. Nasa may taniman siya ng rambutan at tumutulong sa pag-aani nang tumunog ang cellphone niya. Ilang araw n rin nung huli itong tumawag kaya ini-expect niya na may balita na ito kay Alyssa.
“O Pa, nahanap mo na ba si Alyssa?”
“Hindi pa pero meron na akong nakuhang information kung saan siya nando’n. Malalagot talaga sa ‘kin ‘yang kapatid mo kapag nakita ko siya.”
“Pa, bakit ba ayaw niyo na lang pabayaan si Alyssa? ‘Wag niyo na siyang piliting gawin ang isang bagay na ayaw naman niyang gawin.” Kung siya ang tatanungin, mas gusto niya na hindi na mahanap ng ama ang kapatid. Oo nga’t nag-aalala siya para sa kalagayan nito pero nasa tamang edad na ito na magdesisyon para sa sarili niya at kung ito ang desisiyong napili ng kapatid ay ‘yon ang kanyang susuportahan.
“We’re not having this conversation again Miguel.” Pinal na wika ng ama. “Kaya ako tumawag sa ‘yo ay para tanungin kung nand’yan pa si Trevor.”
“Paano naman aalis yung tao, e bago kayo umalis kulang na lang ay takutin niyo siya.”
“That’s good to hear. Sabihin mo sa kanya na malapit ko nang maiuwi si Alyssa at magkakakilala na sila.”
At nawala na ito sa kabilang linya. Napabuntung-hininga na lang siya. Kapag talaga may naisipang gawin ang ama, hindi talaga ito papapigil. Napatingin siya kay Trevor na noon ay nakain ng rambutan habang nakikipag-kwentuhan kay Manang Josie.
Isang linggo na rin ito sa hacienda, medyo naaawa na rin siya dito dahil hindi man lang ito makaalis doon. Pero nagpapasalamat na rin siya dahil sa loob ng isang linggong nando’n ito ay tinuring na niya itong kaibigan. Ayaw man niyang aminin pero nag-e-enjoy talaga siya sa company nito. Hindi nga ba’t ito ang unang nakapagpatawa sa kanya, matapos ang tatlong taon na lagi na lang siyang naiinis at aburido.
Meron kasi itong kakaibang charm kaya kahit mga tauhan nila ay natutuwa dito. ‘Yon nga lang merong mga pagkakataon na nakakaramdam siya ng kakaiba kapag kasama niya ito. Lalo na kapag nakikita niya itong ngumiti o kahit na kapag nakatingin lang ito sa malayo. Minsan gusto na niya itong higitin at yapusin nang mahigpit na alam naman niyang mali. Hindi niya alam kung bakit ba niya naiisip ‘yon, kahit hindi sinasadya ay parang nababastos na rin niya ito. Kaya naman kapag dumating na sa puntong gano’n ay iniiwan na niya ito.
Napansin niya ang biglang paglapit kay Trevor ng dalagitang anak ni Manang Josie. Hindi man lang nito itinago ang pagpapa-cute sa binata. At sa hindi malamang kadahilanan ay bigla siyang napasimangot.
ISANG linggo na si Trixie sa hacienda at masasabi niyang hindi siya naiinip sa pananatili niya doon. Masaya siya dahil kahit paano ay nakakatulong siya sa mga tao sa hacienda. Blessing in disguise na rin siguro na pinilit siyang manatili doon ng matandang Sebastian. Pero ang talagang nakakapagpasaya sa kanya ay si Miguel.
Hindi niya alam kung dapat ba niyang ipagpasalamat na na-realize niya ang tunay niyang nararamdaman para dito. Kahit naman kasi aminin niya sa sarili na gusto niya ito, wala naman siyang pwedeng gawin sa sariling damdamin. Dahil sa paningin nito ay isa siyang lalake. Kahit gustuhin pa niyang magpa-cute at umaktong babae sa harapan nito ay hindi niya magawa. Dahil kapag nalaman ng mga ito ang sikreto niya, tiyak na malaking gulo ang idudulot no’n.
Kaya naman hanggang maaari ay hindi talaga siya umaalis sa tabi nito para lang makasama ito. Na hindi naman mahirap gawin since mas madalas na ito pa ang nagyayaya sa kanya. Bukod pa do’n ay madalas na rin niya itong nakikitang ngumiti na talaga namang labis na nakakapagpasaya sa kanya. Nagtataka nga lang siya dahil minsan kapag magkasama sila, bigla-bigla na lang siya nitong iiwan tapos pagkalipas ng ilang minuto ay lalapit din naman ulit ito sa kanya.
BINABASA MO ANG
Falling For My Future Wife's Brother
Short StoryPaano kung bigla kang napasubo na maging fiance ng isang babae na hindi mo pa nakikilala? Tapos bigla kang na-in love sa Kuya ng mapapangasawa mo? Malaking problema na sana. Pero may hindi sila alam. Na isa ka palang babae! Pero hindi ba mas mala...
