"MAMA Chix, hindi ko nga po alam. Ang huli kong natatandaan, magbibihis dapat ako tapos biglang may yumakap sa 'kin mula sa likuran. May nilagay siya sa bibig ko o sa ilong ko, tapos, wala na 'kong maalala. Parang bigla akong nakatulog."
"24 hours kang nawala! Alam mo ba 'yon? Walang nakita sa CCTV na taong pumasok sa kwarto mo at wala rin kaming nakita na lumabas. Wala namang CCTV sa labas ng bintana kaya hindi namin alam kung diyan ka lumabas."
"Bakit naman ako lalabas diyan, Mama Chix?"
"Pero hindi naniniwala ang mga tao sa kwento mo na dinukot ka. Walang nakuha sa CCTV. Ang iniisip tuloy nila, ang unprofessional mo para hindi sumipot sa movie conference. Alam mo bang nang marinig ni Jackie Chan ang kwento mo na kinidnap ka, hindi raw siya naniwala? May lumabas kasing picture mo na nasa bar ka no'ng gabing dumating tayo rito."
Kinuha ko mula kay Mama Chix ang cellphone niya. Ako nga ang babaeng nakaupo sa harap ng bartender habang nakayuko at nakapatong ang magkabilang braso sa marble table. Itim at straight ang buhok na abot hanggang balikat, maputi ang balat, mga nasa 5'6'' ang height, at ang korte ng katawan ay tulad ng sa hugis ko.
"Ako nga 'to. So dito ako dinala ng kidnapper?"
"Anak, sinabi ko naman sa'yo, walang naniniwala sa kwento mo. Ang pinaniniwalaan nila, uminom ka. At hindi ka naka-attend sa conference kahapon dahil sa sobrang kalasingan."
"Pero hindi po 'yon ang totoo, Mama Chix! Naniniwala ka sa 'kin, 'di ba?"
Matamlay siyang nagbaba ng tingin. "Syempre naman, Selene. Pero hindi ako ang kailangang maniwala sa'yo ngayon. Si Jackie Chan at ang press ang dapat maniwala sa'yo. Pero parang imposible na 'yon."
Padabog akong tumayo. "Sino naman kayang may pakana nito? Si Ella na naman? Hanggang saan ba aabot ang insecurity ng starlet na 'yon?"
"Selene... sa tingin ko, hindi gagawin ni Ella 'to. Wala siyang kakayahan na gawin ang mga nangyari sa'yo kahapon. Bakit hindi ka na lang kaya...umamin?"
Marahas kong nilingon si Mama Chix. "Anong aaminin ko? Wala akong alam at kinalaman sa kung ano man ang nangyari sa buong 24 hours na nawala ako."
"Pero kahit sino pa ang tanungin natin dito sa hotel, walang may alam kung anong nangyari sa'yo. Pagkatapos, may lumabas pang picture. Kung sino man ang may pakana nito, maliwanag na ang gusto niyang mangyari ay masira ka. Kailangan nating umaksyon bago ka pa tuluyang masira. Kapag ipinilit natin ang kwento mo na kinidnap ka—" malalim na bumuntong hininga ito bago nagpatuloy. "Lalo kang masisira. Pero kapag "inamin" natin ang kwento nila, mas mapapabuti ka pa. Iisipin nila na nag-te-take responsibility ka sa actions mo."
Nagpa-ikot ikot ako sa loob ng hotel suite habang nag-iisip. Walang problema sa 'kin ang "umamin" sa isang bagay na hindi ko ginawa. Gano'n ang kalakaran sa showbiz. Minsan, kailangan mong umamin sa mga bagay na 'di mo ginawa, at minsan, kailangan ding mag-deny sa mga bagay na sadya mong ginawa.
BINABASA MO ANG
The Thief
Mystery / ThrillerHi. Ako si Selene Mendez. 26 years old. Popular actress. Bata pa man pero inisip ko nang mag-retire sa showbiz dahil kontento na 'ko sa accomplishments ko. Lalo na nang kunin ako ni Jackie Chan bilang isa sa main actors sa susunod niyang pelikula...