Chapter 2
"Twenty Pesos per hour."
"Limang Piso." Itinaas ko pa ang kamay ko para ipakita ang limang daliri ko.
"Grabe ka naman, Ate Jules. Fifteen Pesos naman."
"O sige, otso na lang."
"Twelve."
"Ang mahal naman niyan. Huling tawad, ten Pesos." Sumulyap siya sa hawak niyang laptop. "Pumayag ka na. Magiging suki mo naman ako sa loob ng tatlong linggo. Kapag na-promote ako, babalatuhan kita."
Napakamot pa ng ulo si Jude—pinsan ko, at saka inabot sa akin ang laptop na hawak niya. Inaarkila ko kasi ang laptop niya para may magamit ako sa paggawa ko ng trabaho. Ayaw ko naman sa computer shop. Mas mapapamahal ako roon, at wala rin naman akong sariling opisina para gawin ito.
"Siguraduhin mo lang na makakabalik sa akin nang maayos 'yan, ah," pagbilin nito. Grabe, akala mo naman burara ako sa gamit kung makapagbilin. "Mapo-promote ka ba talaga?"
Aba, at talagang pinagdudahan pa ako. Itakwil ko kaya 'to?
"Oo, mapo-promote ako. At saka kung makapagbilin ka riyan, akala mo ang ganda pa nitong laptop mo. Eh bulok naman na," sabi ko habang bitbit ang laptop papunta sa kwarto ko.
"Tumigil ka riyan, Ate Jules. Nakatagal 'yan sa akin ng limang taon kaya mahal na mahal ko 'yan." Inirapan ko na lang siya tapos ay pumunta na ako sa kama ko para simulan ang mga dapat kong gawin.
Nakakalimang oras na yata ako rito sa kakagawa ng proposal na gagawin ko pero kakaunti pa lang ang nagagawa ko. Ano ba ang mailalagay ko rito, eh, isang pipitsuging sapatusan lang naman ang pinagtatrabahuhan ko. Wala naman kaming artistang endorser man lang.
Napakunot-noo ako nang sunod-sunod na malalakas na katok ang narinig ko. Tumayo na ako para maglakad papunta sa pinto. Umalis kasi si Jude, pumasok sa eskwelahan kaya kahit tinatamad ako, wala akong choice. Alangan naman si Tatay, hindi na nga nakakalakad 'yon.
"Sandali lang!" Ano ba naman 'tong taong 'to. Hindi marunong maghintay.
Binuksan ko ang pinto at ang unang taong tumambad sa akin ay isang lalaking nakasuot ng itim na coat at tie. Parang yung mga nasa action movie. Naka-shades pa, akala niya yata magiging pogi siya sa shades. Sumilip ako sa labas at nakita kong may isa pang kagaya niya na nakatayo sa isang kotse na mukhang pang-mayaman.
Bakit ba hindi ko dati sinubukan mang-carnap? Napailing ako sa sarili ko. Bagong buhay na ako.
"Ano pong kailangan niyo, Sir?" tanong ko sa lalaki pero hindi man lang siya ngumiti. Ay wow! Pa-mysterious effect.
"Ikaw ba si Julian Bernadette Tezan?" seryosong tanong nito. Napakunot-noo ako. Bakit alam nito ang pangalan ko? Wala naman akong natatandaan na kakilala kong kalbo.
"Ako nga po. Bakit?"
"Kailangan mong sumama sa amin." Lumapit siya sa 'kin at hinawakan ako sa braso. Tumango ito sa kasama niya at naglakad din palapit upang tumulong na kumaladkad sa akin.
"Hoy, Kuya, ano'ng gagawin niyo sa akin?!" natatarantang tanong ko habang pinipilit na kumawala sa pagkakahawak ng mga mamang kalbo. Pero hindi nila ako binitawan at nagawa nila akong maipasok ng sasakyan.
"Pakawalan niyo 'ko, pakawaln niyo sabi ako! Raaaaaape!" sigaw ko.
"Pwede ba tumahimik ka? Hindi ka namin papatulan," sabi ng isang lalaki na driver. Biglang nagtawanan ang mga lalaki. Tiningnan ko sila nang masama. Dalawa sa front seat at isa sa tabi ko.
"Lalong hindi kita papatulan. Ayaw ko sa kalbo." Natigil sa tawanan ang mga lalaki at lahat ay seryosong tumingin sa akin.
Oo nga pala, halos hindi ko makita ang mga pagkakaiba sa itsura nilang tatlo. Pare-parehas na nga kasi sila ng suot, pare-parehas pa silang kalbo. Medyo mas maliit lang itong si isa.
"Ha ha ha. Joke lang," alanganing sabi ko. Tumahimik ang lahat at naging seryoso ulit. Nakita ko ang isang lalaki na kumakain ng saging. Bigla kong naramdaman ang gutom ko. Sa sobrang pagka-busy ko, nakalimutan kong kumain kanina. "Kuya, pahingi naman ng saging, oh. Gutom na 'ko."
Nagtinginan silang lahat bago tumango ang isa at inabot sa akin ang saging. Napansin ko na parang siya ang leader. Kanina pa siya tango nang tango tapos sumusunod naman itong dalawa.
"Kuya, tanong lang, kung hindi nating type lahat ang isa't isa, bakit niyo ba talaga ako kinidnap?" tanong ko habang ngumunguya ng saging. Sana may tago pa silang mineral water. Mamaya, hihingi ako.
"Bawal magtanong, miss." Napasimnagot naman ako.
"Ang duga naman. Kinidnap niyo na nga ako, hindi niyo pa sasabihin kung bakit. Sige na naman."
"Bawal ngang sabihin."
"O, sige, clue na lang."
"Bawal pa rin."
"Hoy! Tomas, patigilin mo nga 'yang babaeng 'yan. Ang ingay," sigaw n'ong driver. Kanina pa 'yon, ah.
"O sige, ganito na lang. Tatahimik ako basta bibigyan niyo ako ng clue. Ano, game?" Bumuntonghininga naman si Mang Tomas na para bang nagpipigil ng inis. Required ba talaga na kapag naka-itim na ganyan, masungit din?
"O sige, para matahimik ka na. Isang tanong lang." Napangiti naman ako nang malapad.
"Okay, bakit niyo ako kinidnap?" tanong ko ulit.
"May atraso ka kay Boss." Napakunot-noo ako. Iniisip ko kung sino ang ginawan ko ng atraso. Nalaman na ba ni Mr. Pascual na ako yung nakabasag n'ong paso ng halaman sa lamesa niya? Pero sigurado ako na naniwala siya sa mga katrabaho ko na pusa yung may kasalanan.
"Ano'ng ginawa ko sa boss niyo?" hirit ko. Baka lang makalusot.
"Isang tanong nga lang," sabi nito habang nagte-text.
"Nahulog ko ba yung halaman niya sa lamesa?"
"Ano'ng pinagsasasabi mo riyan? Ninakawan mo siya." Nagpigil ako ng ngiti. 'Langya, sinagot lang naman yung tanong ko. May pagkatsismoso rin pala itong isa rito.
"Sino ba'ng boss niyo?" Sumulyap sa 'kin si Tomas bago nagsalita.
"Hindi ko pwedeng sabihin."
"Sabihin mo na, Mang Tomas," pangungulit ko pa. Baka lumusot ulit, eh.
"Huwag mo nga akong tawaging Mang Tomas. Hindi ako sawsawan ng lechon."
"Sabihin mo na kasi. Marami akong nanakawan noon. Hindi ko na matandaan kung sino-sino." Nakita kong napangiti si Mang Tomas pero agad ding nawala.
"Makikilala mo na lang siya mamaya." Napasimangot naman ako.
"Ikaw ba, Mang Tomas, nanakawan ko?" Ngumisi siya.
"Hindi mo sa 'kin magagawa 'yon. Magaling akong makiramdam," confident na sagot nito. Talaga lang, ha. Magaling siyang makiramdam pero magaling din ako magnakaw.
"Nanakawan yata kita, eh. Baka ikaw ang boss, nagpapanggap ka lang."
"Hindi nga ako. Si Demi—"
"TOMAS!" Napalingon ako sa kalbong tumawag sa kanya. "Huwag kang tanga."
Tiningnan naman ako ni Mang Tomas nang masama. Nakakatakot kaya naman tumahimik na lang ako. Simula no'n, wala nang ni isang nagsasalita kaya pumikit na lang ako sa sobrang antok.
Nagising ako nang tapik-tapikin ni Mang Tomas ang braso ko at sinabing nandito na raw kami. Nasa isang parking lot kami na lima lang ang nakaparadang sasakyan at halatang puro mamahalin ang mga ito. Pumasok kami sa isang maliit na elevator at tumigil kami sa isang floor na nag-iisa lang ang pinto. Parang familiar 'to, ah.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig pagpasok ko sa silid. Parang naaalala ko na kung ano ang ginawa ko.
May isang lalaking medyo nakayuko ang lumabas sa isang kwarto habang may kausap ito sa telepono. Mukha rin siyang pamilyar sa akin. Nakilala ko lang siya nang iangat niya ang ulo niya at tumitig sa mga mata ko.
"I have to go." Ibinaba na nito ang telepono. Seryoso ang mukha niya at walang kangiti-ngiti habang nakatingin sa akin. Parang hindi siya 'yong lalaking nakita ko sa litrato sa internet dahil ang lamig ng mga titig niya. Hindi gaya roon sa litrato, nakangiti siya at mukhang masaya.
Sa kakaisip ko kung bakit siya ang nasa harap ko, may na-realize ako. Nalintikan na. Siya ba yung ninakawan ko noon? Yung sinipa ko sa... ano? Naputol ang pag-iisip ko nang tumigil siya sa harap ko at nagsalita.
"We meet again." Halos kilabutan ang buong katawan ko sa malamig niyang boses. Ano ba'ng sasabihin ko? Nice to unexpectedly meet you? Again?
BINABASA MO ANG
Making Deals with the Billionaire (LOB series #1)
General FictionLeague of Billionaire series #1 Breadwinner Julian Tezan gets the biggest twist of her life when she unexpectedly crosses paths again with billionaire Demitrius Crivelli, the guy she robbed three years ago. *** Willing to do everything for her famil...
Wattpad Original
Mayroong 5 pang mga libreng parte