10. The Truth

6.4K 150 3
                                    

10

Nakaempake na ang mga damit ni Ivy nang lumabas siya ng nursery. Ang pagpapaalam na lang ang natitirang dapat gai
inuntahan niya sa study ang mga magulang ni Gemino. Naroroon din si Tita Citas. Marahil ay nag-usap-usap na ang mga ito tungkol sa ginawa niyang pananakit kay Flynn. Tahimik na nakatingin lang sa kanya ang tatlo nang pumasok siya roon.

“Humihingi po ako ng paumanhin sa lahat ng gulo na dinala ko sa bahay na ito,” pilit pinatatatag ang boses na sabi ni Ivy. “Maraming salamat po sa kabutihan ninyo sa akin. Alam kong napakalaki ng utang-na-loob ko sa inyong lahat para gantihan ko iyon ng pananakit sa anak ninyo. Inaako ko po ang lahat ng kasalanan. Patawad po. Pasensiya na po kayo kung kailangan kong dalhin si Kyle sa pag-alis ko. Hindi ko naman po siya ipagdadamot sa inyo. Puwede siyang kunin sa akin ni Gemino paminsan-minsan.”

“Hija, hindi namin alam kung ano ang sinabi sa iyo ni Flynn para gawin mo ang bagay na iyon. I must admit, hurting him like what you did was a nasty thing to do,” nag-aalalang wika ng matandang babae.

“Bakit hindi mo sabihin sa amin kung ano ang mga sinabi niya sa iyo?” sabi naman ng matandang lalaki. “Hindi naman kami mga kunsintidor na magulang.”

“Mas mabuti po siguro kung hindi ko na uungkatin pa ang tungkol doon. Marami po akong pagkakamali noon. Sobra nga po siguro ang mga iyon para hindi na mabago ang akala ni Flynn sa akin. Hindi ko po siya lubos na masisisi.”

Totoong hindi niya lubos na masisi si Flynn. Ito na siguro ang panahon para pagbayaran niya ang mga pagkakamali noon. Ang masakit lang sa loob ni Ivy ay ang isiping mapapahiwalay sila ni Kyle sa ama nito.

“Pero sana, huwag mo namang dalhin si Kyle,” sabad ni Tita Citas.

Dito itinuon ni Ivy ang pansin. “Alam ko po na malaki ang hirap ninyo sa anak ko. Pero sa ngayon po, kailangan ko nang ituwid ang lahat. Dapat lang na alagaan ko siya dahil ako ang kanyang ina. Pero gaya nga po ng sinabi ko, hindi ko siya ipagdadamot sa inyo. Puwede ninyo siyang madalaw sa amin kahit anong oras ninyo gusto.”

Lumapit sa kanya si Tita Citas at idinait nito ang pisngi sa pisngi niya. Lumuluhang yumakap siya rito. “Salamat po sa mabuting ipinakita ninyo sa akin, Tita Citas. Salamat po sa pagmamahal at malasakit ninyo kay Kyle.”

Pagkatapos ay lumapit din si Ivy sa dalawang matanda. Yakap at halik din ang ipinabaon ng mga ito sa kanya. “Magpapaalam na po ako.”

Nang lumabas si Ivy ng study ay lalong bumigat ang dibdib niya. Dahil kailangan niyang puntahan si Gemino. Mahirap sa kanya ang magpaalam dito. Ang totoo ay ayaw niya. Ngunit sa takbo ng mga pangyayari ay kailangan na.

Nasa grand staircase siya nang tawagin siya ni Jam. Galing ito sa itaas. Sa gitnang landing na niya ito hinintay.

“I’m sorry, Ivy,” bungad nito.

“Ako ang dapat na nagsasabi sa iyo niyan. Sa inyong mag-asawa. Ako ang nanakit kay Flynn.”

“Na hindi mo gagawin kung hindi ka niya na-provoke nang husto.”

Mapait ang ngiting lumitaw sa mga labi ni Ivy. “Okay lang, may nagawa akong pagkakamali kaya dapat lang na pagbayaran.”

“No, Ivy. Nag-usap ang kambal kanina. At pagkatapos ay kami naman ni Flynn ang nag-usap. Aminado siya sa akin na below the belt na ang mga nasabi niya sa iyo. At gusto niyang bago ka umalis ay magkausap muna kayo.”

NAGPUMILIT si Ivy kay Jam na kung kakausapin niya si Flynn ay gusto niyang kaharap din ito. Sa sitting room sila nag-usap na tatlo.

Nagbuga muna si Flynn ng hangin na tila pinaluluwag nito ang dibdib o pinakakalma ang sarili para marahil hindi galit ang manguna sa pag-uusap nila. “I’m sorry sa mga pangit na nasabi ko sa iyo kanina, Ivy,” anitong halata na  napipilitan lang.

“Kalimutan na lang natin iyon.” Marahil mas lamang ang buti sa karakter ni Flynn para magawa na makahingi ng paumanhin sa kanya sa kabila ng katotohanang may galit pa rin sa kanya ito.

“Pero hindi pa rin kita gusto para sa kapatid ko.”

“Flynn!” sansala rito ni Jam.

“Pabayaan mong sabihin ko kay Ivy ang gusto kong sabihin sa kanya...”

Humihingi ng paumanhin ang tinging ibinigay sa kanya ng kaibigan. Kibit-balikat lang ang itinugon niya para magpatuloy ang asawa nito.

“May gusto sa iyo si Gemino. Pero hindi pa rin kita gusto para sa kanya. Makabubuti nga siguro na umalis ka na lang dito. Dahil hindi ako naniniwalang mamahalin mo nga siya nang totoo.”

“Flynn, naman—” sa ikalawang ulit ay sansala rito ni Jam.

Si Ivy na ang sumenyas sa mga ito upang hindi iyon matuloy sa pagtatalo. “Gemino is a fine man,” aniya, taos sa puso ang sinabi. At sa kabila ng awkward na sitwasyon ay natutuwa siya sa kumpirmasyon ni Flynn na mahal nga siya ni Gemino. Nararamdaman niya iyon ngunit natatakot siyang maging presumptuous. “Hindi siya mahirap mahalin. In fact, masarap siyang mahalin. Dahil ibang uri ng pagmamahal ang kaya niyang iganti.

“Maaaring noong una, hindi pa malalim ang pagmamahal ko para sa kanya. Pero araw-araw, lumalalim iyon, lumalago. It is a kind of love that can endure the fiercest of storms, that can withstand the testings of life. It is a kind of love that can overshadow my previous feeling towards you, Flynn, imperfect as they are. Hindi ko na nga masabing pagmamahal ang mga naramdaman ko sa iyo mula nang turuan akong magmahal ni Gemino.”

Nakita niya ang pigil na ngiti at ang pangingilid ng luha ni Jam. Alam niyang masaya para sa kanya ang kaibigan.

Nagpatuloy si Ivy. “So now, think twice, Flynn. Kung gusto mo lang kaming paghiwalayin dahil sa pagdududa mo sa tunay na damdamin ko sa kapatid mo, dapat sigurong tingnan mo muna ang sarili mo. Isang taon kayong nagkalayo ni Jam pero ngayon ay kayo na uli. Maligaya na kayo. Iignorahin mo na lang ba ang pagmamahal sa akin ni Gemino dahil lang pinagdududahan mong hindi ko siya talaga mahal? Aalisan mo ba ako ng karapatan na patuloy na mahalin siya dahil iniisip mong may feelings pa rin ako sa iyo?

“Even if I gave everyone the benefit of the doubt. Kahit na halimbawang may pagtingin pa rin ako sa iyo. Sa loob ng mahigit isang buwan na nagkasama kami ni Gemino sa iisang bubong, sapat na iyon para magawa niyang paibigin ako, at burahin kung ano pang feelings ang natitira sa akin para sa iyo.

“Noon, dahil napatunayan ko kung gaano ninyo kamahal ni Jam ang isa’t isa, pinili ko na lang na magparaya. Kaysa naman tatlo tayong magdusa. Ngayon, umaamot ako ng pang-unawa mo para naman sa amin ni Gemino.

“Aalis ako pero hindi ko itataboy ang kakambal mo na puntahan ako sa amin. Now, kung pipilitin mo pa rin akong layuan si Gemino, lalabanan na kita. Kaligayahan naming tatlo nina Gemino at Kyle ang nakataya rito. Hindi niya deserve na mag-suffer, pagkatapos ng mga ginawa niyang kabutihan sa aming mag-ina. Sana maintindihan mo iyon. Pati siguro buhay ko, kaya kong isakripisyo para sa kapakanan ng mag-ama ko.” Pagkasabi niyon ay tumayo na siya at iniwan ang mga ito.

Nang makalabas si Ivy ng sitting room ay humabol sa kanya si Jam. Nagyakap sila nang mahigpit.

“Alam kong may kaligayahan pang nakalaan para sa iyo, friend,” lumuluhang wika nito. “Go for it.”

“I will, friend,” naluluha na ring sagot niya.

Nang maghiwalay sila ni Jam ay nagtungo na siya sa nursery. Nagulat siya dahil naroon na si Flynn. Nakatunghay ito sa kanyang anak.

“Ano pa ba ang hindi mo nasabi sa akin kanina?” untag niya sa lalaki.

“Magaling kang magsalita,” nang-uuyam na naman na sabi nito. “But this should bare what you’re really up to.” Sa isang iglap ay nakabig siya nito at kinuyumos ng halik.

“Shit!”

Napakalas si Flynn sa kanya sa kanilang narinig. Nakakuwadro sa pintuan ang shocked na mukha ni Gemino.

Braveheart Series 7 Gemino Falcon (Heart Tamer) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon