11. For Better Or Worse

9.7K 253 51
                                    



“You made me sick!” kandaiyak sa galit at nagbabaga ang mga mata na sabi ni Ivy kay Flynn. Nakalabas na noon sa silid si Gemino. “Anong klase kang lalaki? Hindi ka karapat-dapat sa malinis na pagkatao ng asawa mo o ng pamilya mo!”

“I-Ivy—”

“Sayang at naging kakambal ka pa ni Gemino. Malayong-malayo ka sa kabutihan niya, sa kalinisan ng puso niya. Hindi lang suntok ang dapat na iganti ko sa ginawa mo. Pero siguro, magsasayang lang ako ng galit at lakas para saktan ka pa. Nakakaawa ka. Nandidiri ako sa iyo!” Pagkasabi niyon ay kinuha na niya si Kyle sa crib at lumabas na sila ng silid.

Naabutan ni Ivy si Gemino sa garahe. He was leaning at her car’s front door with a pained expression on his eyes.

Parang nilalamukos ang kanyang puso sa nakikita. “Gemino...”

Ibinukas nito sa kanilang mag-ina ang pinto sa passenger side.

“Gemino, kung ano man ang nakita mo, it wasn’t anything you think it was.”

Inalalayan siya nito para makaupo siya. At pagkatapos ay lumigid ito at naupo sa driver’s side. Nagbuntong-hininga si Gemino sa halip na buhayin ang makina. “Ang sabi ni Flynn, ipapakita niya sa akin na hindi ka karapat-dapat sa pagmamahal ko. Malaki raw ang pagmamahal at malasakit niya sa akin kaya niya hinahadlangan ang tungkol sa ating dalawa.”

“‘Pagmamahal’ na pala at ‘malasakit’ ang tawag ngayon sa pagkamakasarili,” galit pa rin na singit ni Ivy.

“Isang bagay lang daw ang kailangan niyang gawin para patunayan sa aming lahat na maling babae ka para sa akin. Hindi ko naman alam na magpapahalik ka sa kanya. Shit!” sambit nito, sabay bayo ng isang kamao sa steering wheel. “Gustung-gusto ko na siyang sugurin ng suntok kanina. Pero hindi ko ginawa. Dahil tama naman siya. Siya pa rin ang mahal mo. Alam ko naman 'yon, eh.”

“Hindi totoo 'yan,” aniya. Nangingilid ang mga luha sa mga mata ni Gemino. Pumapatak na rin ang luha ni Ivy sa awa na nararamdaman para sa binata. Kung katabi lang nila marahil si Flynn nang mga sandaling iyon ay napilipit na niya ang leeg ng lalaking iyon.

“Tanggap ko naman na pangalawa lang ako sa puso mo. Mulat ang mga mata ko sa katotohanan na napansin mo lang ako dahil kamukha niya ako... Masakit, oo, pero makakaya kong tanggapin na binubuhay mo ang pag-ibig mo kay Flynn sa pamamagitan ko,” tumutulo ang mga luha na sabi nito. At ang bawat patak ng luhang iyon ay katumbas ng libong hiwa ng tila maliliit na piraso ng bubog sa puso ni Ivy. Dahil maling-mali ang akala ni Gemino.

“Mahal na mahal kita, Ivy. Kahit na ano pa’ng sabihin ni Flynn, hindi na mababago iyon. Tanggap kita, ang buong ikaw. Hindi ko titingnan ang mga kakulangan mo. Mabuti kang babae sa paningin ko. Para sa akin, walang mali sa iyo. Buong pagkatao mo ang minamahal ko...”

Dinampian niya ng palad ang basang pisngi niya. Kahit siguro paglakarin siya nang nakayapak sa buong mundo ay makakaya niya. Basta sa dulo ng paglalakbay niya ay maririnig ang ganitong makalusaw-puso na deklarasyon ni Gemino.

“Ikaw na ang pinakamahalagang tao para sa akin, Gemino, kayo ni Kyle. Pero kailangan mo munang tuklasin iyon... hindi sa akin kundi mismong sa sarili mo. Ibukas mo lang ang mga mata mo. Pakinggan mo ang sinasabi ng puso mo. I’m sure you’ll prove it sooner than you think.

“Sa pag-alis ko ngayon, maaaring magkita pa tayo. Puwede ding hindi na. Pero hindi ako natatakot, dahil kung ano ang mga nakita mo sa akin sa loob ng mahigit isang buwan na nagkasama tayo... kung ano ang mga naramdaman mo sa akin, iyon ang totoo.”

TATLONG araw pa lang sina Ivy at Kyle sa Antipolo ay muli niyang nakita roon si Gemino. Maaga pa nang mapagbuksan niya ito ng pinto. Bumati ito at nagmano sa kanyang ina. Hinalikan nito at niyakap si Kyle na karga ng mommy niya. Samantalang isang mahinang “good morning” lang ang nagawang ipambati nito sa kanya.

Nakakaunawang iniwan sila sa sala ng mommy niya. Dinala rin nito si Kyle. Hindi nila makuhang maupo ni Gemino. Kapwa sila tensiyonado. Isang uri ng tensiyong masarap ang hagod sa puso ni Ivy.

“Humihingi si Flynn ng dispensa sa iyo sa mga nagawa at nasabi niyang pangit. Paalis na sila ngayon ni Jam patungong Europe.”

Pinagalaw lang ni Ivy ang mga balikat.

“At humihingi rin ako ng tawad sa mga nasabi kong pangit. Alam ko na ngayon ang totoo, Ivy. Sinabi ni Flynn sa akin.”

Nakatuon ang tingin ni Ivy sa mga mata ni Gemino habang nagsasalita ito. Mababakas doon ang tahimik na pagsusumamo. Makikita rin sa kalaliman niyon ang pananabik.

“Wala akong narinig na pangit sa iyo, Gemino. In fact, ang mga sinabi mo sa akin ang bumubuhay sa nararamdaman ko para sa iyo.”

Bahagyang ngumiti si Gemino na tila biglang nahiya. “Sandali rin akong nagkaroon ng pagdududa na panakip-butas lang ang tingin mo sa akin. M-mapatawad mo sana kami... ako.”

Nginitian niya ito. “Kiss me, Gemino. Halikan mo lang ako at hindi mo na kailangang humingi pa ng tawad.”

Daig pa nito ang natuklaw ng ahas sa narinig. Halatang hindi iyon ang inaasahan ni Gemino na marinig sa kanya. “A-are you sure?”

Bilang tugon ay kusa nang inilapit dito ni Ivy ang sarili. Tumingkayad siya hanggang sa magkatapat ang mga labi nila.

Nakita niya ang paggulong ng Adam’s apple ni Gemino. At pagkatapos ay marahang dumampi ang mga labi nito sa bibig niya.

Nanunuksong iniawang agad ni Ivy ang bibig. Hindi na nito nagawang ilayo ang sarili sa kanya. Kinamkam nito ang kanyang mga labi sa halik na puno ng pananabik.

Ilang sandali nilang pinalaya ang kanilang mga sarili sa pagpapadama ng pagmamahal sa pamamagitan ng halik. Napaluha si Ivy. Mula nang umalis silang mag-ina sa mansiyon, bawat sandali ay umaasa siya na mangyayari ang eksenang iyon sa pagitan nila ni Gemino. Hindi nga lang niya inaasahan na mangyayari pala kaagad iyon.

Nang magawa nilang magkalas para sumagap ng hangin ay ibinaon ni Ivy ang mukha sa leeg ni Gemino.

“Hindi ako humihingi ng kahit na anong pangako, Gemino,” anas niya nang makuhang pumaibabaw sa kaligayahang labis na umalipin sa kanila. “Basta hayaan mo lang akong iparamdam sa iyo ang pagmamahal ko. Paniwalaan mo lang na burado na si Flynn sa sistema ko. Hayaan mo lang akong makapiling kayo ng anak natin, sapat na sa akin iyon...”

Bahagyang inilayo siya ni Gemino. Pinakatitigan nito ang kanyang mga mata, puno ng pagsamba. “I believe you. Pero ako, humihingi ng pangako, Ivy... Hinihiling ko ang pangako mo na magpapakasal ka sa akin. Na kahit na ano pang sitwasyon, tao o pagsubok ang magpilit na paghiwalayin tayo, hindi ka lalayo sa amin ni Kyle.”

Lalong lumuwang ang ngiti ni Ivy. “Promise, mahal ko, for better or worse...” Pinatakan niya ng damping halik ang bibig nito. “In sickness and in health...” Hinalikan niya ito sa bibig. Mas mariin kaysa nauna. “ Till death do us part...”

At nang muling ilapit ni Ivy ang bibig sa mga labi ni Gemino, tuluyan na nitong kinubkob ang sa kanya. Mas malalim, mas masuyo at mas marubdob ang halik nito.

WAKAS




http://www.phr.com.ph/

https://www.preciousshop.com.ph/home/

http://www.booklat.com.ph/

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 31, 2018 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Braveheart Series 7 Gemino Falcon (Heart Tamer) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon