Paano Umiyak

356 28 4
                                    




Hindi ako umiyak nang namatay si Papa. Nararamdaman ko ang sakit, lungkot, at iba pang pakiramdam na dapat maramdaman ng isang namatayan, ngunit kahit ano'ng gawin ko, hindi tumutulo ang aking luha. Sabagay, hindi man kapanipaniwala, pero kahit kailan, hindi ko pa nararanasang umiyak.

Ipinanganak ako habang pinanonood ni Mama ang pagkapanalo ni Miriam Quiambao ng first runner-up sa Miss Universe. Adik siya sa mga beauty pageant. Gusto ni Lola na ipadala na si Mama sa ospital para ro'n manganak, ngunit hindi siya pumayag dahil kailangan niya raw masaksihan ang Miss U. Ito ang dahilan kung bakit ako lang ang ipinanganak sa bahay sa aming tatlong magkakapatid. Nahirapan daw akong ilabas dahil nakatitig si Mama sa telebisyon, sasabihin na kasi kung sino ang nanalong Miss Universe. Nang sabihin na ng host na ang nanalo ay si Miss Botswana at first runner up lang si Miriam, doon ako tuluyang nailabas. Nanggigil kasi si Mama dahil sa inis.

Dahil hindi ako umiiyak, ilang minuto akong pinalo-palo sa puwit ni Manang Lucy, ang kilalang kumadrona sa lugar namin. Bukás naman daw ang mata ko, mukha ring malusog. Pero, hindi talaga ako bumubunghalit ng iyak na dapat ay mangyari sa isang isang sanggol na bagong panganak. Pagkatapos ng ilang beses na pamamalo sa akin, sumuko na si Manang Lucy. Bakâ raw naghihintay pa ako ng tamang oras.

At lumipas ang ilang minuto, oras, at araw, hindi pa rin ako umiiyak. Hindi tuloy malaman ni Mama kung nagugutom o dumumi ako. Hanggang sa pinatingin na nila ako sa doktor dahil nag-aalala na sina lola. Ngunit, wala namang nakitang mali sa akin. Maghintay lang daw ng tamang oras sa aking pag-iyak.

Hanggang ngayon, hindi pa rin dumarating ang tamang oras na iyon. Kahit ilang beses akong madapa, magkasugat, at awayin ng mga kaklase, hindi magawang tumulo ng aking luha, kahit pa nasasaktan ako; kahit pa nararamdaman ko na unti-unti nang napupuno ang dibdib ko at nahihirapan na akong huminga.

Habang inililibing si Papa, ako lang ang hindi umiiyak sa aming lahat. Halos tumalon na si Mama ro'n sa hukay na paglalagyan ng kabaong. Ang dalawa kong kapatid, humahagulhol. Ako, nakatingin lang sa dahan-dahang pagbaba ng kabaong ni Papa sa lupa. Iniisip ko kung ano ang pakiramdam na umiyak. Ilang beses ko na itong itinanong sa aking mga kaklase, ngunit, hindi naman nila maipaliwanag sa akin nang maayos kung ano ang nararamdaman nila. Mayroong nagsasabing nakagagaan daw sa pakiramdam, mayroong nagsasabing wala naman daw silang nararamdaman. Para lang daw may maliliit na patak tubig na dumadaloy sa kanilang mukha.

Iyong kaklase kong iyakin na si Clarence, lagi kong pinaiiyak. Ang laki-laki ng katawan, sobrang iyakin. Hindi naman sa gusto ko siyang awayin, sadyang gusto ko lang talagang obserbahan ang pagluha niya. Iyong unti-unting pamumula ng mata niya sa tuwing sinasabihan ko siyang "baboy" at iyong tuluyang pagtulo ng kaniyang luha.

Pagkauwi namin gáling sa libing ni Papa, sinabi kaagad sa amin ni Mama ang balak niya.

"Agahan n'yo ang gísing búkas," sabi niya. Mapula pa ang kaniyang mata at ilong dahil sa pag-iyak.

"Bakit po?" tanong ni Ate Jocelyn, ang panganay namin.

"Uuwi na tayo sa probinsya," sagot ni Mama, "sa Makiling."

Hindi ko alam na doon na pala magsisimula ang lahat. Sa lugar na iyon pala darating ang tamang oras—sa lugar na iyon pala ako unang beses na luluha.

MakilingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon