Mahirap para sa akin na isulat ang nobelang ito. Maraming beses ko nang pílit ibinabaón sa límot ang nakaraan, ngunit sadyang walang makatatalo sa alaala. Lando, gusto kong malaman mo na ikaw ang dahilan kung bakit gusto kong ikuwento ang mga nangyari sa Makiling. Ilang taon na ang lumipas simula nang huli kitang nakita. 20 years? 30? Hindi ko na alam. Hindi ko gustong bilangin, dahil kagaya ng sinabi ko kanina, gusto ko nang kalimutan ang nakaraan. Gusto na kitang kalimutan. Gusto ko nang kalimutan ang mga kuwento sa Makiling.
Ngunit, heto ako't sinisimulan nang buuin ang nobela tungkol sa ating kuwento na napaglipasan na ng panahon. Sabi mo noon, parang hunyango ang panahon. Hindi ko alam kung ano'ng ibig mong sabihin. Hindi ko naman kasi alam kung ano ang 'hunyango'. Palibhasa, sinamantala mo ang pagiging anak ng Filipino teacher kaya nagsasabi ka ng malalim na salita. Pero, nang nagsimula akong maging manunulat, doon ko napagtanto na wala naman talagang malalim na salita. Sadyang hindi lang talaga táyo pamilyar sa mga ito. Kumusta na si Ginang? Galít pa rin ba siya sa akin dahil nabasag ko ang paborito niyang vase?
Kagabi, nang binuksan ko ang mga kahon na naglalaman ng mga gámit namin noon sa Makiling, nakita ko 'yong rosary na napulot ko sa Ilog Laurel. 'Yong ilog na sinasabi ng mga tao na pinagliliguan daw ni Maria Makiling. Lagi kang pumupunta sa ilog na iyon hindi upang makita ang diwata, kung hindi upang makita si Mica na crush na crush mo. Isinama mo pa nga ako ro'n minsan. Puta, nakita ko si Mica na hubo't hubad habang naliligo. Doon ko rin unang narinig ang salitang 'libog'. Sabi mo, nalilibugan ka. Manyak ka talagang Lando ka.
Ang rosaryo na napulot ko ay iyong kagaya ng ibinigay sa atin ni Sister Marie. Hanggang ngayon, nahihirapan pa rin akong ikuwento kung ano ang kaugnayan ni Sister Marie sa atin. Inisip ko kung isasama ko pa ba siya sa nobelang ito. Ngunit kung aalisin ko ang karakter niya, mawawala ang malaking parte ng ating kuwento.
Ipaaalaala ko lang. Si Sister Marie ang naka-sex mo noong Grade 6 táyo. 12 year-old ka pa lang noon. 35 na siya. Tandang-tanda ko pa noong ipinakita mo sa amin nina Christian ang plastic na may lamáng condom habang nagmimiryenda táyo sa tindahan ni Kuya Al.
"Mga p're, nakipag-sex ako kay Sister Marie," tuwang-tuwa mong sabi. Nagsigawan sina Christian no'n. Ang astig mo raw. Pero ako, diring-diri. Nakatitig lang ako sa condom na mayroong semilya sa plastic.
Lando, hindi ko alam kung nabalitaan mo, pero nang umalis ka sa Makiling nang walang paalam, natagpuan ang bangkay ni Sister Marie na lumulutang sa Ilog Laurel. Pumunta ako kaagad sa ilog nang ibinalita iyon sa akin ni Mama. Doon ko rin nakita 'yong rosaryo. Hindi ko alam kung ano'ng iisipin ko. 'Yong rosaryo kasi na napulot ko, mayroong marka ng pentel pen sa krus. Bumilis bigla ang tibok ng puso ko. Ikaw lang kasi ang mayroong ganoong palatandaan.
Sinubukan kong tahiin ang lahat ng pangyayari. Ang pakikipag-sex mo kay Sister Marie, ang biglaan mong pag-alis, ang kaniyang pagkamatay, at ang iyong rosaryo. Ayaw kong magbigay ng konklusyon. Pílit kong itinataboy sa aking isip ang posibilidad. Hindi ko kayang tanggapin na nakapatay ang táong mahal ko.
Lando, isusulat ko ang nobelang ito upang buhayin muli ang alaala ko sa 'yo at iba pang tao na naging parte ng aking búhay sa Makiling. Sana, dumating ang panahon na mabása mo ito.
At sa panahong iyon, gusto kong hanapin mo ako.