Sa Takip-silim

362 22 9
                                        




Lando. Simula nang sinabi niya ang kaniyang pangalan sa akin nang dinala niya ako sa Ilog Laurel, hindi na siya mawala sa aking isip. 'Yong ngiti niya habang pinanonood ang hubo't hubad na babaeng naliligo, na napag-alaman kong hindi pala si Maria Makiling kung hindi si Mica na crush niya, 'yong pagsasabi niya ng salitang 'libog', 'yong pagtawa niya habang nagugulat ako sa mga pangyayari. Malinaw na malinaw pa rin ang imahen ng mga ito.

Hindi ko na muli pang nakita si Lando simula nang dinala niya ako sa ilog. At sa araw-araw kong pag-iisip sa kaniya, hindi nawawala ang kagustuhan kong makita siyang muli. Ewan, kakaiba si Lando sa lahat ng nakilala ko.

Napapansin ni Tito Paul ang kadalasan kong pagtulala. Noon pa man, lagi na niyang pinapansin ang mga ginagawa ko. Sobra siyang mapag-obserba. Gusto ko sanang sabihin sa kaniya ang dahilan, pero hindi ko naman káya. Ano'ng sasabihin ko? Na sa unang pagkakataon, nakakita ako ng hubo't hubad na babae? Na gusto ko muling makita si Lando? Na gusto kong malaman kung ano ba talaga ang ibig-sabihin ng 'libog'? Siguradong kapag sinabi ko ang mga iyon, matatawag niya hindi lang lahat ng santo, kung hindi pati mga nilalang sa paligid na pinaniniwalaan niya.

Unang beses kong narinig ang salitang 'libog' nang nakasabay ko sa paglalakad sina Angelito at Jester pagkatapos kong bumili ng miryenda sa canteen. Hindi ako masyadong lumalapit sa kanilang dalawa. Sabi kasi ni Mama, huwag akong makipagkaibigan sa mga táong puro kabulastugan lang ang alam. Ganoong klaseng tao sina Angelito at Jester. Simula Grade 1, lagi na silang magkasama. Nagkakasundo sila sa maraming bagay, mula sa pagpapaiyak ng mga kaklase kong babae, sa hindi pagsagot sa mga exam, sa pag-iingay tuwing nagtuturo ang teacher namin, at sa napakarami pang bagay na ayaw ng mga magulang na gawin ng kanilang anak.

Hindi ko ginustong sumabay sa kanila nang sandaling iyon. Subalit, bigla akong inakbayan ni Angelito. Nakiakbay na rin si Jester. Pinagitnaan nila akong dalawa.

"Maganda ba si Miss Michelle?" tanong sa akin ni Jester, tinutukoy niya ang teacher namin sa English.

"Oo."

"Iyon!" masayang sabi ni Angelito. Nagtawanan silang dalawa.

"Nalilibugan ka ba sa kaniya?" tanong ulit ni Jester. "Ako kasi, oo." Mas lalong lumakas ang tawanan nilang dalawa ni Angelito.

Kumunot ang noo ko. "Ano 'yong 'nalilibugan'?"

Bigla nilang tinanggal ang pagkakaakbay sa akin. "Tanga. Top 2 ka namin, tapos hindi mo alam kung ano ang 'libog'?" May halong lait ang pagkakasabi ni Angelito. Bigla nila akong iniwan ni Jester. Halatang nagtataka rin sila kung bakit hindi ko alam kung ano ang tinutukoy nila.

Wala akong pinagtanungan kung ano ang kahulugan ng salitang iyon. Natatakot ako sa maaari nilang maging reaksiyon. Libog. Libog. Libog. Ilang gabí kong pinaulit-ulit ang salitang iyon. Parang dahil sa pagpapaulit-ulit ko, nawalan na ito ng esensiya, hanggang sa makalimutan ko na hinahanap ko nga pala kung ano ang kahulugan no'n. Ngunit dahil kay Lando, muling bumalik sa akin ang kagustuhang malaman kung ano ang 'libog'. Gusto ko ring masabi na "nalilibugan ako", dahil habang sinasabi niya ang dalawang salitang iyon, nakaramdam ako ng kakaibang init sa aking katawan.

"May problema ba, Jay?" tanong sa akin ni Tito Paul habang nakatingin siya sa librong binabása niya. Tiningnan ko ang pamagat. 'Sa Takip-silim' ang nakalagay.

Umiling ako. "Wala naman po. Tungkol po saan 'yang binabasa n'yo?"

Napangiti siya. "Ito?" Tiningnan niya ang pabalat ng libro. "Tungkol sa takip-silim".

"Ano po 'yong takip-silim?"

"Dapithapon."

"Ano rin po 'yon?"

MakilingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon