Maria Makiling

327 18 3
                                    

Katabi ko noon si Papa. Ang dalawa kong kapatid, tulóg na tulóg. Si Ate Jocelyn, nakasandal sa bintana ng bus. Si Jayson naman, nakasandal sa balikat ni Mama. Sa buong tatlong oras na biyahe namin, hindi ako nakatulog. Nakatitig lang ako sa bintana. Nakita ko ang dahan-dahang pagbabago ng paligid mula sa mga gusali sa Taguig hanggang sa mga palayan dito sa Makiling. Unang beses kong nakakita ng totoong palayanan at kabundukan noon. Sabi ni Papa, isasama niya raw kaming magkakapatid kapag nag-hiking sila ni Tito Paul, ang panganay na kapatid ni Mama.

At ngayon, makalipas ang ilang taon, muli ko na namang nasaksihan ang tanawing ito. Gusto kong itaas ang bintana ng bus, gusto kong maramdaman ang sariwang simoy ng hangin. Ang problema, hindi naitataas ang bintana dahil air-conditioned ang bus.

Bumalik muli ang alaala ng pagpunta namin noon sa Bundok Makiling nina Papa nang nakita ko ang bulubundukin na kahanay ng mga palayan, palatandaan na malapit na kami sa aming destinasyon.

"Para kang si Maria Makiling, a," sabi ni Tito Paul pagkatapos kuhanan ng litrato si Ate. Doon ko unang narinig ang pangalang iyon.

Si Makiling daw ang diwatang nagbabantay sa kabundukan. "Noon, nagpapakita iyon sa mga tao. Mayroon pa ngang binigyan ng ginto, e," kuwento ni Tito. "Pero, may ginawa raw kasalanan ang mga tagarito kaya hindi na nagpapakita. Ang naghahanap daw sa tahanan ni Makiling dito sa bundok, naliligaw. O minsan pa nga, hindi na nakababalik."

Nakinig ako nang mabuti sa salaysay ni Tito. Ikinuwento raw ng kumpare niya na nakita nito si Maria. Naliligo sa Ilog Laurel, ang ilog na malapit dito sa bundok. Hubo't hubad daw. "Aba, e, sobrang ganda raw talaga no'ng si Maria. Matangkad, mahaba ang buhok, morena. Sabi namin, bakâ nasobrahan lang siya sa lambanog kaya kung ano-ano ang nakikita." Napatawa siya. "Hindi naman daw. Siguradong-sigurado raw siya na si Makiling 'yon."

"O, Makiling na," sigaw ng kundoktor. Ginising ni Mama ang dalawa kong kapatid. Hindi na naman ako nakatulog sa tatlong oras na biyahe. Binuhat ko ang bag na naglalaman ng aming mga gamit.

Pagkababa namin sa bus, naamoy ko na ang kanina ko pa gustong maamoy. Sobrang sariwa ng hangin kahit mayroong inilalabas na usok ang mga tricycle na dumaraan sa aming harapan. Pumara si Mama ng isa. Doon kaming dalawa ni Ate umupo sa backride. Kitang-kita ko pa rin ang lungkot sa mata niya habang umaandar ang tricycle. Nakatulala lang siya sa mga nadaanan naming palayan. Noong unang beses naming pumunta rito, tuwang-tuwa siya sa mga kalabaw na sinasakyan ng mga magsasaka. Sabi niya kay Papa, gusto niya ring sumakay ro'n.

"Hindi puwede," sagot ni Papa, "wala namang kalabaw ang mga Mama mo rito, e."

Hanggang pagkarating namin sa bahay nina Mama, nagtatampo pa rin si Ate kay Papa. Nawala lang iyon nang ipinakita sa amin ni Lola ang mga larawan ni Mama noon sa mga beauty pageant na sinalihan niya. Ginaya kasi ni Papa 'yong mga pose sa larawan.

Bigla akong nalungkot dahil sa alaalang iyon. Kagaya ni Ate, tumulala na lang din ako sa mga palayan.

Pagkarating namin sa bahay nina Mama, sinalubong kami kaagad ni Lola ng yakap. Malungkot din ang mata ni Tito Paul. Kahit kasi papaano, naging close sila ni Papa. Lagi silang magkasama noon. Isang beses, umuwi silang dalawa na lasing. Hindi na makausap si Papa. Bakâ raw masyadong naging malakas ang epekto ng lambanog, sabi ni Lola. Galít na galít si Mama kay Tito no'n.

Kumalas sa yakap si Lola. "Pasensiya na, hindi kami nakapunta sa libing ni Ramil. Hindi kasi ako makalakad nitong nakaraang Linggo," paliwanag niya. "Heto namang si Paul, ayaw pumunta nang mag-isa. Gusto, kasama pa ako. Parang bata."

MakilingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon