Malaking bulas si Lando. Kung ikukumpara ang kaniyang katawan sa aming mga kaklase niya, kitang-kita ang kaniyang pagiging iba. Matangkad siya, malapad ang balikat, at mapipintog ang mga braso. Sa madaling salita, mukha siyang mas matanda sa kaniyang edad. Kung mayroong papasok sa pinto ng aming silid-aralan, siguradong siya kaagad ang mapapansin dahil halatang siya ang pinakamatangkad sa aming lahat kahit nakaupo lang.
Kung magiging karakter si Lando sa isang kuwento, siguradong siya ang maton, ang bully. Siya ang batas. Siya 'yong karakter na laging inaapi ang bidang tauhan. Ngunit, sa totoong búhay, kabaligtaran siya ng ganoong karakter. Malapít siya sa lahat. Lagi siyang nagpapatawa, at kahit mga guro, hindi mapigilan na madalá sa kaniyang mga banat. Maliban sa akin.
Sa apat na araw kong pagpások, lagi ko siyang iniiwasan. Alam kong nahahalata niya iyon. Minsan, nararamdaman kong nakatingin siya sa akin. Marahil, naghihintay siya ng tamang pagkakataon na kausapin ako nang hindi ako naiilang. Tuwing uwian naman, dali-dali kong kukuhanin ang bag ko at kaagad na uuwi sa bahay namin, hindi kagaya ng mga kaklase ko na kung saan-saan pa pumupunta bago umuwi sa kanila. Lagi't laging si Lando ang pasimuno sa mga ganoong galà. Iniisip ko kung dinadala niya rin ba ang mga kaklase naming lalaki sa Ilog Laurel. Ipinakikita niya rin kayâ sa mga ito ang paliligo ni Mica o ng kung sino mang babae? Sama-sama ba silang 'nalilibugan'? Aminado akong gusto ko ring sumama sa kanila minsan. Hindi dahil gusto kong makakita ulit ng naliligong babae, kung hindi dahil gusto kong magkaroon ng mga bagong kaibigan. Hanggang ngayon kasi, palagi pa rin akong mag-isa. Ayaw na ayaw kong dumarating ang oras ng recess dahil paniguradong ako lang mag-isa ang bibili at kakain ng miryenda. Siguro, kung hindi ko iniiwasan si Lando, mayroon na akong kaibigan ngayon. Pero, bakit ko ba kasi siya kailangang iwasan? Mukha naman siyang mabait. Gustong-gusto siya ng lahat. Ewan. Minsan, gulong-gulo na rin ako sa sarili ko.
Nang mag-uwian na, nakapagtatakang hindi nagyaya si Lando na gumala. Naunang umalis ang mga katropa niya, sina Clarence. Hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang kuhanin ang aking bag at umalis na rin. Marahil, hindi ko lang talaga maamin sa sarili ko na naghihintay ako ng pagkakataong kausapin ulit ako ni Lando. At nararamdaman kong ngayon na ang pagkakataong iyon. Napatingin ako sa kaniya. Nakatingin din pala siya sa akin. Hindi ko mabása ang sinasabi ng kaniyang mata.
"Ayaw mo ba sa akin?" mahina niyang tanong. Napansin ko na nagsisimula nang maglinis ang mga cleaners ngayong araw.
"Sa labas táyo mag-usap. Mahihirapan silang maglinis," sagot ko. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang lakas ng loob ko na kausapin siya ngayon.
Kaagad niyang kinuha ang kaniyang bag at naunang lumabas ng silid. Sumunod na rin ako sa kaniya. Tumigil siya sa paglalakad at humarap sa akin. "Saan mo gustong mag-usap?"
Nagkibit-balikat ako. "Ikaw ang bahala."
Napatawa siya. "Sige, doon tayo sa likod ng building."
Ngayon lang ako makapupunta sa lugar na iyon ng eskuwelahan namin. Madalas kong nakikita na roon pumupunta ang iba kong mga kaklase upang tumambay at magkuwentuhan. Doon din umiihi ang mga lalaki dahil walang matinong palikuran sa gusali namin, kayâ hindi na ako nagtaka nang naamoy ko ang kapanghian ng lugar pagkarating namin doon.
"Mapanghi ba?" tanong ni Lando.
Napangiti ako. "Sobra."
"Hayaan mo na," nang-aasar ang kaniyang tono, "masasanay ka rin."
Inilapag niya ang kaniyang bag sa lupa. Nagulat ako nang bigla siyang umakyat sa maliit na punò ng bayabas. Parang matutumba na ang punò dahil sa sobrang pagkatabingi nito, pero halatang matibay pa rin ang pagkakapit ng mga ugat nito sa lupa.
"Umakyat ka na rin!" masayang sabi ni Lando.
"Hindi ako marunong umakyat ng punò."
"Ang arte naman! Ang babà kayâ nito."
![](https://img.wattpad.com/cover/134278692-288-k530067.jpg)