Unang Araw

121 9 0
                                    

Unang beses kong managinip kagabi tungkol kay Papa. Nasa pinakatuktok siya ng Bundok Makiling, tinatawag ang pangalan ko nang paulit-ulit. Hindi ako makasagot sa kaniya kahit nasa harapan niya lang ako. Parang kahit nasa iisang lugar kami, nahahati ito sa dalawang mundo, sa dalawang magkaibang dimensiyon. Hanggang sa napagod na siya kasasabi ng pangalan ko. Tinawag niya naman si Tito Paul. Sa unang beses pa lang ng pagbabanggit ni Papa sa pangalan ni Tito, lumitaw siya kaagad sa harapan namin. Hindi niya rin ako nakikita. Napansin ko na umiiyak silang dalawa habang nakatitig sa isa't isa. Hindi ko marinig ang pinag-uusapan nila. Ngunit, kitang-kita sa mga mata nila ang pagmamahal na noon ko lang unang beses nasaksihan. Nang magising ako, naalala ko ulit ang nakasulat sa libro ni Tito Paul.

Mahal kita. Maaaring walang malalim na kahulugan ang "mahal kita". Nang isinulat siguro ni Papa ang dalawang salitang iyon sa librong ibinigay niya kay Tito Paul, naisip niya ang mga panahong magkasama silang dalawa na umaakyat sa Bundok Makiling, ang pag-inom nila ng lambanog tuwing gabi, ang pagiging mabuti nitong kapatid kay Mama. Hindi ito nangangahulugan na "mahal" niya talaga si Tito Paul. Gusto niya lang siguro ipakita rito na pinahahalagahan niya ang mabubuting bagay na ginawa nito para sa kaniya.

Hindi ko namalayan na nakatulala na pala ako habang nakasakay sa tricycle ni Tito Paul papunta sa eskuwelahan. Naramdaman ko bigla ang malamig na hangin na humahampas sa aking mukha. Nakita ko ang ilang mga estudyante na naglalakad. Doon ko napagtanto na ito na pala ang unang araw ng pagpasok ko rito sa Makiling. Mula sa kinauupuan ko sa backride, sinilip ko sa loob ng tricycle sina Ate Jocelyn at Jayson. Mukhang inaantok pa rin silang dalawa base sa kanilang pagkatulala sa mga palayan na nadaraanan namin.

Ilang sandali pa, ipinarada na ni Tito ang tricycle sa harap ng eskuwelahan. Kitang-kita ko ang malaking arko sa harapan nito: Makiling Elementary School. Dali-daling bumaba si Jayson na ngayon ay Grade 3 na, samantalang nagpaalam na rin si Ate Jocelyn papunta sa kalapit na eskuwelahan namin, ang Makiling National High School. Ito na ang ikatlong taon niya sa sekundarya. Alam kong lahat kami, naninibago. Hindi man lámang namin naihanda ang aming mga sarili para sa pagbabagong ito. Nasanay na kami sa dati naming eskuwelahan, sa dati naming tirahan, sa lungsod. At dahil lang sa isang pangyayari, kailangan naming iwanan ang lahat ng iyon upang bumuo ng panibagong búhay. Marahil, ganoon naman talaga ang ginagawa ng mga tao. Iniiwan nila ang mga bagay kahit na mahirap upang magpatuloy. Dahil kung kakapit lang sila habambuhay sa mga bagay na hirap na hirap silang iwan, maaaring ito ang magiging pabigat upang hindi sila makausad. Gusto lang siguro ni Mama na makalimutan namin ang sakit na idinulot ng pagkamatay ni Papa kayâ kahit alam niyang mahihirapan kami, lumipat kami rito sa Makiling.

Nagpaalam na rin ako kay Tito. Hindi ko alam kung napansin niya na hindi ako tumingin sa mata niya habang nagpapaalam ako. Naisip ko kasi, kung titingin ako sa kaniya, baka hindi ko mapigilang magtanong kung ano ang kahulugan ng nakasulat sa libro niya. Ilang beses ko na ring tinanong ang sarili ko na paano kung hindi naman talaga si Papa ang nagsulat niyon? Maaaring nagkataon lang na ang sulat-kamay na nasa libro ni Tito at ang sulat-kamay ni Papa ay magkapareho. Ngunit, kapag iniisip ko iyon, naalala ko ang mga retratong ipinadadala niya sa amin noong nasa Saudi pa siya. Bawat isa, mayroong nakasulat sa likuran. Asawa ko, naandito kami ngayon sa Mount Arafat. Sana, madala ko kayo rito ng mga bata; Merry Christmas! Umiinom kami ni Pareng Eric ng wine na bigay ng amo namin. Miss na miss ko na kayo; Ito 'yong makina na ginagamit namin dito sa trabaho. Ipakita mo kay Jay, sabihin mo dito rin siya magtrabaho pagtanda. Hehehe.

Paulit-ulit kong binabása ang mga iyon noon kayâ hanggang ngayon ay malinaw pa rin ang mga nakasulat sa aking alaala. Isinulat ang mga iyon gámit ang asul na ballpen. Manipis lámang point kayâ ang sarap sa matang basahin. Naka-capitalize magsulat si Papa kayâ para siyang galít lagi sa mga sulat niya. Gustong-gusto ko rin kung paano niya isinusulat ang titik 'J'. Pakiramdam ko, ang gaan-gaan ng kamay niya habang ginagawa niya ang kurba sa letra. Ang maliliit na detalye na iyon ang isa sa mga bahagi ng kakaunti ko lámang alaala kay Papa. At sigurado ako, hinding-hindi ko iyon makalilimutan. Kagayang-kagaya nga nito ang sulat sa libro ni Tito.

Inihatid ko muna si Jayson sa room niya bago ako pumunta sa amin. Dahil nga kami ang nasa ikaanim na baitang (ang pinakamatanda sa buong paaralan), ang silid-aralan namin ay nasa ikalawang palapag ng nag-iisang gusali sa eskuwelahan. Pagpások ko sa silid, nilapitan kaagad ako ng guro na sa tingin ko ay adviser namin.

"Ikaw ba 'yong transferee?" nakangiti niyang tanong sa akin. Mukha siyang mabait. Halatang plantsadong-plantsado ang kaniyang suot na dilaw na uniporme. Mayroon din siyang nunal sa kaniyang pisngi na nakaumbok.

"Opo, Ma'am."

"Anong pangalan mo nga ulit?"

"Jay po. Jay Ocampo."

Tumango siya. "Okay, class," pagtawag niya sa atensyon ng mga bago kong kaklase. "Ito si Jay. Bagong lipat siya rito sa school natin." Itinuro niya ang bakanteng upuan na nasa ikalawang hanay. "Doon ka na maupo," malambing niyang sabi sa akin.

Nararamdaman ko ang tingin ng mga kaklase ko sa akin habang papunta ako sa aking upuan. Nakayuko akong umupo. Nakita ko ang mga nakasulat sa armchair. Ruben luv Cheenie. Kant*t. Aorta, right pulmonary arteries, left atrium. Hindi ko káyang iangat ang aking ulo dahil alam kong nakatingin pa rin sa akin ang aking mga kaklase.

Nakahinga ako nang maluwag nang nagsalita ang adviser namin sa harapan. Dahan-dahan akong tumingin sa kaniya.

"Gusto mo bang magpakilala sa harapan, Jay?" Bigla akong nagulat sa tanong niya.

Dali-dali akong umiling. Hindi naman sa ayaw kong malaman nila ang iba pang impormasyon tungkol sa akin. Ayaw ko lang talaga ng pakiramdam na nasa akin ang atensyon ng lahat. Parang bawat salita na sasabihin ko, bibigyan nila ng kahulugan. Magsasalita pa sana si Ma'am ngunit napatingin siya sa pumasok sa pinto.

"Sorry po. Hinabol pa po kasi ako ng aso kaya ako na-late."

Nagulat ako nang nakita ko si Lando. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Naalala ko bigla ang ipinakita niya sa akin sa Ilog Laurel. Tumingin ako sa paligid. Mas lalo akong kinabahan nang nakita ko na kaklase rin pala namin si Mica.

Nagtawanan ang mga kaklase ko sa sinabi ni Lando. Umupo siya sa upuan na nasa aking likuran. Nanlaki ang mata niya nang nakita niya ako.

"Uy, pare!" Hinampas niya ako sa balikat. Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko.

Napilitan akong ngumiti. "Kaklase pala kita."

"Ang astig, 'no? Araw-araw na kitang madadala sa Ilog Laurel." Kumindat siya sa akin.

Kaagad akong napatalikod sa kaniya. Para akong matutunaw. Hindi ko alam kung dahil sa sinabi niya o dahil sa pagkindat niya sa akin. Kung alin man sa dalawa, sigurado akong hindi magiging maganda ang kahihinatnan nito. Siguradong-sigurado.

MakilingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon