"MASAYA SILA, KAHIT WALA KANG MEDALYA"
Heto na, ang pinakahihintay,
Ang matapos ang lahat ng anumang bagay,
Mga pinaghirapan ay bubunga,
Sa isang araw, na punong-puno ng “paalam na.”Maglalakad nang dahan-dahan,
Kasama ang magulang na naging dahilan,
Sila rin ang nagsilbing daan,
Sa mundong iyong kinagisnan.Heto na, hawak mo na.
Ang sertipikong may pangalan,
Tanda, na ika’y nakaraos at nakatapos.
Magpasalamat ka, sa taong nagpaka-gapos.Pero, teka. Bakit malungkot ka?
Nung nakita mo ang gintong medalya?
Bakit iniisip mong walang nakasukbit sa leeg mo?
Bakit iniisip mo, na parang kulang ang sertipikong hawak mo?“Magiging masaya sana sila, kung may medalya akong dala-dala.”
Tama ka, magiging masaya sila.
Pero bago ka lamunin ng kalungkutan,
Tingnan mo sila, mata sa mata.
Makikita mo ang sagot na,
“Anak masaya ako kahit wala kang medalya, mahal kita at salamat nakatapos ka na.”Huwag mong isipin na nabigo mo sila,
Makita ka lang nilang masaya,
Punong-puno na ng ligaya ang puso nila.
Sila ang numero uno, nandiyan lagi sa tabi mo.Ang medalya ay medalya,
Nakapagbibigay saya,
Pero hindi matutumbasan ang pagmamahal ni ina’t ama.
Makita ka lang nila sa entablado, tiyak ika’y panalong-panalo!Masaya sila, kahit wala kang medalya,
Dahil nakita nila ang iyong paghihirap.
Nasaksihan ang bawat pagpupuyat,
Para sa kanila ginawa mo na ang lahat, at ito ay sapat.Tatandaan mo,
Sila ang unang taong nagmahal sayo,
Kaya kahit ramdam mong kulang ang naibigay mo,
May iba pang paraan para bumawi sa magulang mo.Masaya sila kahit wala kang medalya,
Alam mo kung ano ang medalya para sa kanila?
Hindi iyong isinusukbit.
Ikaw, ikaw ang tunay na kahulugan ng medalya, ikaw na kanilang sinasambit.“Anak ko, ikaw ang medalya ng buhay ko.”
Bakit nga ba kailangan mong kumapit?
May mga oras na mararamdaman mong ika'y nag-iisa, pinagkaka-isahan, pinagtutulungan. May mga panahon ding sayo'y may mang-iiwan, wala ka nang makapitan. Minsan mararamdaman mo na pinagtatakluban ka na ng mundo, pero h'wag kang magpakain sa lungkot. Marami ka man napagdaanang masalamuot, kalimutan mo na 'yon, itapon ang 'yong galit at poot. Alam ko na mahirap ang iyong pinagdaraanan, pero maniwala ka hindi solusyon ang pamamaalam. Hindi ka dapat sumuko, kapit lang.
Hindi mo pa oras, h'wag kang magmadali dahil hindi dapat tinatakasan ang problema, tandaan mong walang hinabol nang nakaharap 'di ba? Kaya harapin mo, namnamin mo 'yung sakit na nadarama alamin mong mabuti ang dahilan kung bakit ganito, bakit ganyan. Sabay dahan-dahan mong pag-aralan kung paano mo mapapagaan ang 'yong nararamdaman. Maghanap ka ng paraan, maniwala ka sa'kin kapag sinabi ko na "Ang pagsuko,
Walang magandang dulot 'yan." iyong itrato ang buhay na parang pag-akyat mo paitaas sa hagdan, may mga oras na mapapagod ka, pero iyong tandaan na sa bawat baytang ay maaari kang magpahinga.Bakit nga ba kailangan mong kumapit?
H'wag kang maniwala sa mga boses na bumubulong sa 'yong ulo.
Pagpatuloy mo lang ang pag-akyat. Tandaan mo na sa tuktok; sa dulo,
naroon ang Ama hinihintay kang dumating sa kanyang palasyo. Magtiwala ka may lugar ka roon dahil mahal ka Niya, mahal Niya ako, mahal Niya lahat tayo. Hindi pa huli ang lahat, nabubuhay ka pa; Humihinga. Hindi pa tapos ang sinusulat mong libro. Hindi man maganda ang naging simula, pero may tiwala akong magiging maganda ang wakas nito.