Isang Daang tula

190 3 22
                                    


"SUMULAT AKO NG ISANG DAANG TULA PERO HINDI BUMALIK SI DARYL"
Tama ang narinig niyo,
Siya si Daryl,
Ang lalaking minahal ko,
At inalayan ng isang daang tula,
Pero hindi siya yung bida sa pelikula,
Hindi siya si Daryl na Daryl Smith,
Dahil kung sakali mang makita ko sa telebisyon ang kwento naming dalawa,
Malamang ay siya ang naging kontrabida,
Septyembre ika labin syam, taong dalawang libo't labinapat,
Dapit-hapon nung ika'y unang nakita,
Naglalaro ng mga bato sa gilid ng daan,
Hinahawi ang mga buhok na aking pinagmamasdan,
At habang ika'y nakatingin sa mabagal na paglubog ng araw,
Ako nama'y nakatitig sa iyong mukha't lihim na tumatanaw,
Masyado akong nahumaling sa iyo't di napansin ang paglakad ng aking mga paa,
Palapit ng palapit hanggang sa dalawang hakbang na lamang ang layo sa isa't isa,
Muli akong bumangon sa katotohanan ng bigla kang nagsalita,
"Ang ganda noh?" ang iyong iwinika,
Agad naman akong nangatog, nangamba at nataranta,
Nagulat, natulala, nautal utal, at namula,
Narinig ko ang mahihin mong pagtawa,
Kasabay ng marahan na pagtingin sa aking mga mata,
At pag abot ng iyong kamay upang magpakilala,
"Daryl nga pala"
Tuwing hapon ay nandirito ka upang pagmasdan ang paglubog ng araw,
Pinapanood ang kagandahan nitong mula sa malayo ay tinatanaw,
Kahit mahangin ay dalangin ang masulyapan ang kaniyang pagpanaw,
Susuriin at hihintayin umalan man o umaraw,
Makaraan ng ilang buwan ay lagi na tayong magkasama,
Pinagmamasdan ang araw habang isinisipol ang paborito mong kanta,
Magkahawak ang mga kamay, naguusap, at sabay na tumatawa,
Madalas mo pang ibinabanggit ang mga paborito mong tula,
At hanggang sa pag angat ng buwan,
Habang kinakain ng dilim ang kalangitan,
Ay nakasandal ka sa aking balikat,
Sabay na nakatingala't nakaupo sa upuan,
Humihiling sa bawat nahuhulog na bituin,
At nilalaro sa ating mga daliri ang nakapalibot na buhangin,
Sabay tayong tatayo at bubulong sa mga hangin,
Tatakbo at sasaluhin ang mga nahuhulog na dahon,
Magyayakapan tayo ng mahigpit,
Magsasayaw habang nakangiti,
Ang mistulang tugtugin ay ang simoy hangin,
At ang kanta na ibinibigay ng paghampas ng alon sa mga paa natin,
Ngunit noong Desyembre dalawampu't siyam,
Alas dyis ng umaga, ng ika'y nagpaalam,
Tila ba wala akong marinig o ayaw ko lamang pakinggan,
Pagkat di ko kayang tanggapin na ika'y lilisan,
Agad kong ikinagulat ang iyong dahilan,
Sinabi mong ikaw ang kapatid ng dati kong kasintahan,
Matagal mo na akong pinapangarap ngunit nangako ka sa kaniya,
Na kahit kailanma'y hindi mo ako mamahalin at hindi magpapakilala,
Sinubukan kitang habulin at patigilin ngunit ika'y bumitaw pa rin,
Nakiusap ako at lumuhod pero di mo ako pinansin,
Sa dalampasigan kung saan kita unang nakita,
Ngayon ako na lamang ang nakaupo dito't nagiisa,
Desyembre dalawampu't siyam ng gabi,
Muli kong hinawakan ang aking pluma at papel,
Nagsimulang isulat ang kwento natin,
Ikinatha ang lahat ng gusto kong sabihin,
Nais kong makasama ka ulit sa dalampasigan,
Habang pinapanood ang araw sa karagatan,
Nais muli kitang makasamang magbilang ng bituin,
At muli kang isayaw kasabay sa tugtugin ng hangin,
Gusto kong ibalik ang oras at panahon,
Sa mga araw na sabay tayong bumubulong sa mga alon,
Gusto kong ibalik ang ating mga pangako,
Na iniwan mo sa akin pero hawak pa rin ng aking puso,
Gumawa ako ng isang daang tula,
Sapagkat gusto kong makita mo ang bawat mensahe ng bawat talata,
Umasang babalik ka't iyong mababasa,
Umasang kapag napagmasdan mo ito'y hindi ka na lilisan pa,
Sumulat ako ng isang daang tula,
Para sa lalaking kontrabida sa mata ng iba,
Nagpuyat, nagisip, at nagsulat ako ng isang daang tula,
Pero hindi bumalik si Daryl.

Kasi


Ikakasal na siya. 💔

Unspoken PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon