"SIGURADO ka ba, iho?"
Tumingin siya dito at tumango. Ipinakita niya din na wala siyang bahid ng kahit konting pagaalinlangan sa gagawin. Matagal niyang pinagisipan ang bagay na ito at ang pagatras ay wala sa isipan niya.
"Iho, hindi sa pinangungunahan kita. Isa itong malaking desisyon at maaaring makapagpabago ng iyong buhay." saad nito.
Bumuntong-hininga siya. "Naranasan ko na po ang inisyal na mangyayari nang magpunta ako dito ilang buwan na ang nakakaraan. Sigurado na po ako ngayon. Besides, ang bilin ni Lola ay magpunta lamang dito kung nais at siguradong-sigurado na ako."
Umayos ito ng tayo at mataman siyang pinagmasdan. "Kung gayon humanda ka dahil pagkatapos na pagkatapos kong tanggalin ang harang ay tatlong mundo ang masasaksihan mo habang buhay."
"Nakahanda po ako."
"Pumikit ka," utos nito.
Ginawa niya ang lahat ng sinabi nito. Nararamdaman niyang unti-unting may humihiwalay sa katawan niya. Ramdam niya ang pagkawala ng kanyang malay. Hindi niya alam kung ilang sandali siyang ganoon ngunit nang makarinig siya ng pagpitik ng mga daliri sa harap niya ay nagising siya.
Dahan-dahan niyang iminulat ang mga mata. Nakakakilabot ang mga bagay na nakikita niya. Nakakakilabot na mga ala-ala.
PAGOD NA isinandal ni Ayen ang likod sa sandalan. Hinilot niya ang nangalay na batok.
Maraming customer ngayon ang The Eye's Restobar. Parang mga bampirang naglipana ang mga ito. Night out kung night out. Mabuti na lamang at na-sense niya na dadagsain sila ngayong gabi.
Sa labas ay abala ang lahat ng empleyada at empleyado niya. Naalala niya bigla ang umabsent na empleyada niyang si Pamie. Namatay kasi ang nag-iisa nitong kapatid na lalaki. Nalunod daw. Bukas na ang huling lamay kaya nagpasya siyang pumunta doon bukas. Magbibigay na din siya ng karagdagang tulong.
Tumayo siya at lumabas ng opisina. Tumulong siya sa pag-aasikaso sa mga bagong pasok na customer.
NAPAKUNOT-NOO si Ayen ng mapagmasdan ang ilog na nadaanan niya. May naramdaman siyang kakaiba dito. Dala ng kuryosidad ay lumapit siya sa may pampang. Yumuko siya upang pagmasdan ang ilalim nun. Ilang saglit din niyang pinagmasdan iyon ng biglang magkaroon ng bula-bula iyon. Napakunot-noo siya ng maaninag na parang may bagay sa ilalim nun. Akala niya ay malaking isda iyon kaya naman nagulat siya ng makitang hugis mukha ng tao iyon.
Napaatras siya bigla subalit sa pag-atras niya ay napatid siya ng malaking bato sa likuran niya kaya naman dire-diretso siyang nahulog sa ilog. Lumubog siya dala ng impact ng pagbagsak. Pinilit niyang umahon subalit 'di pa man niya naiaahon ang mukha ay may humila sa kanya pailalim. Pumalag siya upang makawala sa pagkakahawak niyon subalit naramdaman niya ang maraming kamay na humawak sa paa niya.
BINABASA MO ANG
Forbidden Files
ParanormalSabi nila sumpa ang magkaroon ng kakayahang makakita ng mga bagay na hindi nakikita ng pangkarinawang tao. Pero para sa akin isa itong biyaya, biyayang puwede kong magamit para makatulong sa pagpapaliwanag kung bakit may mga pangyayaring hindi...