Nicole's POV
Nanginginig ang hintuturo ko habang nakadikit sa gatilyo ng shotgun ko. Huminga ako nang malalim. Inangat ko ang mga braso ko kapantay ng mga mata ko. Nakatuon ang pansin ko sa mga dumarating na zombie mula sa kabilang panig ng tarangkahan.
Napaigkas ako mula sa malakas na putok ng baril na umalingawngaw sa kapaligiran. Tumingin ako sa tabi ko. Nakaunat ang kanang braso ni Nicholas habang inaasinta ang mga umuungol na zombie na sinusubukang umakyat sa itaas ng bakod. Gumuhit ang ngiti sa mga labi niya nang bumagsak ang isa sa kanila.
"Hindi pa rin kumukupas ang galing ko sa pagbaril." Mayroong halong pagmamalaki ang tono ng tinig niya habang hinihila pabalik ang martilyo ng rebolber niya.
"Oo na! Sige na! Ikaw na ang magaling!" Bulalas ko.
Inaasahan niya ang malakas na sipa ng baril niya nang muli niyang kalabitin ang gatilyo niyon, ngunit sa halip, walang lumipad na punglo palabas ng nguso niyon.
"Nicole!" Sigaw niya. "Wala na akong bala!"
Sumidhi ang mga salit-salit na angil ng mga zombie na tila umaawit sa koro habang nagtitipon sa kabilang panig ng bakod. Yumugyog ang manipis na tabla ng kahoy sa pagitan ng dalawang haligi. Unti-unting lumaki ang lamat niyon hanggang sa lumangitngit iyon at tuluyang nagiba. Kaagad napalitan ng takot ang kaligayahan sa mukha ni Nicholas.
Isa-isang nagsipasok ang mga zombie sa maliit na puwang na nalikha roon. Umatras kami hanggang sa humalik ang mga likod namin sa dingding. Paulit-ulit kong ikinasa at ipinutok ang shotgun ko. Pilit na sumiksik sa mga butas ng ilong ko ang matapang na amoy ng pulbura na kumalat sa hangin. Sunud-sunod ang pagbulagta ng apat na zombie na pursigidong lumapit sa amin.
"Wala na rin akong bala!" Sigaw ko.
Palakas nang palakas ang mga ungol ng mga natitirang zombie na humihingkod patungo sa amin.
"Maghanda ka!" Utos ni Nicholas. "Malapit na sila sa atin!"
Dinukot niya mula sa bulsa ng pantalon niya ang kutsilyo niya. Sinunggaban niya ang pinakamalapit. Bumaon nang lubos ang talim ng sandata niya sa ulo ng zombie, na naging sanhi upang biglang tumigil iyon sa pagkilos at kusang matumba nang bitiwan niya.
"Nicole! Sa harap mo!" Tawag niya sa akin.
Ibinaligtad ko ang shotgun ko, at hinawakan ko iyon nang mahigpit sa tagiliran ko. Bahagyang nakabaluktot ang mga tuhod ko, at nakatanim ang mga paa ko sa lupa. Gamit ang natitira pang lakas na mayroon ako, ikinampay ko ang shotgun ko hanggang sa sumalpok ang puwit niyon sa sentido ng zombie. Lumagutok ang ulo niyon pakaliwa bago tumumba. Tumagas mula sa bitak ng bungo niyon ang magkahalong itim na dugo at ilang tipak ng durog na utak.
"Tulong!"
Lumingon ako patungo sa pinagmulan ng sigaw. Nakahandusay na si Nicholas habang itinutulak palayo ang zombie na nakadagan sa dibdib niya.
"Tulungan mo ako!"
Bumilis ang tibok ng puso ko. Isang pulgada na lamang ang agwat sa pagitan ng mga mukha nila. Kumaripas kaagad ako ng takbo patungo sa likuran ng zombie at hinila ang bupandang nakabalabal sa leeg niyon. Bahagyang lumaki ang distansya sa pagitan nila, sapat na upang magkaroon ng pagkakataon si Nicholas para pulutin ang kutsilyo niya sa tabi niya at isaksak sa mata ng nakapanghihilakbot na nilalang.
Huminto ang angil ng zombie. Nangibabaw ang katahimikan sa kapaligiran sa loob ng ilang sandali. Napaigkas si Nicholas nang pumulandit sa damit niya ang itim na dugo mula sa mata niyon pagkatapos niyang haltakin ang kutsilyo niya mula roon.
"Anak ng tupa!" Bulalas niya habang sabay naming itinutulak sa tagiliran ang bangkay. "Paborito ko pa naman itong sweter na ito! Bigay ito sa akin ng syota ko e!"
Hinalukipkip ko ang mga braso ko. "Hoy! Wala kang syota! NGSB ka!"
Dahan-dahan siyang tumayo habang nagkakamot ng ulo. Nagsalubong ang mga kilay niya.
"Anong NGSB sinasabi mo?" Tanong niya.
"No Girlfriend Since Birth!" Sumambulat mula sa bibig ko ang malakas na tawang pansamantalang nagbigay-buhay sa kapaligiran.
Sa isang sandali, puminta ng larawan ng pagkayamot ang buong mukha niya. Nanatiling nakapako ang paningin niya sa akin habang patuloy ako sa paghalakhak.
"Grabe ka naman sa akin," sabi niya sa isang malungkot na tono ng tinig.
"Syempre biro lang kuya," tugon ko habang lumalapit sa kanya. "Magkakaroon ka rin niyon balang araw."
Pagkatapos ng maigsing katahimikan, nagkatinginan kami at kapwang sumabog sa katatawa. Hindi ko alam kung paano pa rin namin nagagawang maging masaya sa kabila ng lahat ng pinagdaanan namin. Bago ko pa man simulang balikan ang maligayang nakaraan, noong hindi pa lumalaganap ang sakit na kung tawagin ay "Black Flu," muling bumalik ang mga katakot-takot na ungol na mas malakas kaysa kanina. Namilog ang mga mata ko habang binibilang ang dami ng mga zombie na dumaragsa mula sa kakahuyan—mahigit tatlumpu.
"Kuya?" Tawag ko kay Nicholas.
Napaatras siya habang unti-unting sinasalakay ng mga zombie ang kalye. Tuluy-tuloy lamang ang pagsulong nila patungo sa amin. Binigyan ko ng huling sulyap ang bughaw na kalangitan. Pinanood kong lumipad ang mga ibon sa himpapawid. Tumulo ang mga butil ng pawis pababa sa mukha ko. Hinawakan ni Nicholas nang mahigpit ang kamay ko. Nanatili pa ring nakapako ang paningin niya sa mga zombie na nakarating na sa bakod.
"Nicole." Tumigil siya sandali. "Mahal kita."
Tumagos sa puso ko ang mga salitang binitiwan niya. Kahit na malaki ang galit niya sa ama ko, hindi pa rin nawawala ang pagmamahal niya sa akin. Itinuturing pa rin niya akong parang buong kapatid. Ipinikit ko ang mga mata ko. Lumala ang mga angil ng mga zombie sa lahat ng dako. Humigpit ang pagkakahawak ni Nicholas sa akin.
"Mahal din kita kuya."
BINABASA MO ANG
Rotten Flesh: A Zombie Short Story Collection (Under Revision)
HorrorLimang taong mayroong magkakaibang kwento. Tingnan ang mundo sa mga mata ng mga naulila pagkatapos lumaganap sa buong Pilipinas ang sakit na kung tawagin ay "Black Flu." Makahanap kaya sila ng ligtas na kanlungan bago pa man sila maging biktima ng m...