Nicole's POV
"Pakiusap," sabi ni Nicholas sa akin habang palipat-lipat ang tingin niya sa pagitan ko at ng mga dumarating na zombie. "Gawin mo na ang ipinagagawa ko sa iyo."
"Sigurado ka bang gaga—"
"Oo. Gagana iyan. Magtiwala ka sa akin." Puspos ng kumpyansa ang tinig niya.
Napakagat-labi siya habang pinagmamasdan ko ang malaking hiwa sa tiyan ng bangkay na nakabulagta sa lupa. Lumikha ng munting sanaw sa paligid ng patay na katawan ang itim na dugong dumadaloy mula sa hiniwang balat.
"Bilisan mo!" Naglaho ang kumpyansang nakatapal sa mukha niya nang makapasok na mula sa puwang sa bakod ang tatlong zombie.
Bumilis ang tibok ng puso ko. Pinalala ng mga walang-patid na ungol ang matinding panginginig ng mga kamay ko. Huminga ako nang malalim. Sumiksik sa mga butas ng ilong ko ang masamang amoy ng naaagnas na bangkay. Napangiwi ako habang unti-unting ipinapasok ang kamay ko sa loob ng tiyan niyon at dinadaklot ang mga lamang-loob niyon. Naramdaman kong umakyat sa esopago ko ang mga kinain ko kanina habang ipinapahid sa dyaket ko ang mga lusaw na bahagi ng mga bitukang lumalangoy sa maitim at malapot na likido. Inulit-ulit ko iyon hanggang sa lubusang mabahiran ng mga laman ng zombie ang damit pang-itaas ko. Ganoon din ang ginawa ni Nicholas.
"Sandali lang," aniya habang pinupuna ang biglaang pagbabago sa kilos ng mga zombie.
"Anong nangya—"
Inilagay niya ang hintuturo niya sa harap ng mga labi niya. Inatake ang pang-amoy ko ng alingasaw mula sa mga tipak ng lamang kumakapit sa mga damit namin. Sinuri kong mabuti ang kapaligiran. Huminto sa paglalakad ang mga zombie na tila natuliro at nawalan ng direksyon. Humina ang mga ungol. Tinapik ni Nicholas ang balikat ko.
"Tara," bulong niya sa akin. Nginuso niya ang puwang sa bakod at hinudyatan ako upang sumunod.
Lumakad kami nang patiyad hanggang sa makaabot kami sa kabilang panig. Sinuong namin ang dose-dosenang zombie na nakakalat sa kalye. Tumulo ang mga butil ng pawis pababa sa mukha ko habang sinisikap na maging maingat sa bawat hakbang ko, iniiwasang mayroong aksidenteng mabundol na zombie.
Bumuntong-hininga ako nang malampasan namin ang kawan ng mga zombie na nagsimulang magmartsa patungo sa karatig-bayan. Tila nabunutan ng tinik ang dibdib ko. Unti-unting nawala ang mga katakot-takot na angil habang ipinagpapatuloy namin ang paglalakad patungo sa kabaligtarang direksyon. Sinikatan ng araw ang maputi at makinis na balat ko nang hubarin ko ang mabahong dyaket ko sa gitna ng daan.
"Pagod na ako kuya." Pilit na kumawala mula sa bibig ko ang malakas na hikab.
"Huwag kang mag-alala. Malapit na tayo," tugon niya habang hinahaplos ang likod ko.
Dumampi sa mukha ko ang malamig na simoy ng hangin. Binigyang-buhay ng mga kumakaluskos na dahon ng mga puno ang tahimik na kapaligiran. Tumigil ako nang matagpuan ko ang sarili ko sa arabal. Nagmistulang ghost town ang dating masiglang lugar namin. Mayroong mga bahay kaliwa't kanan. Nasa mabuting kalagayan pa ang karamihan sa mga iyon.
"Halika. Ipagluluto kita ng paborito mong pagkain," aniya habang lumalakad patungo sa bahay sa kaliwa.
Sinundan ko siya hanggang sa makarating kami malapit sa portiko, ngunit bigla siyang huminto at hinarangan niya ng braso niya ang daraanan ko. Itinuro niya ang bukas na pinto sa harap.
"May nakapasok sa bahay natin," bulong niya habang nananatiling nakapako ang paningin niya sa pintuan.
Dinukot ni Nicholas ang kutsilyo niya mula sa bulsa niya. Dala ng kaba, pinulot ko ang ligaw na martilyong nakakalat sa paligid. Lumapit kami sa pintuan, at dahan-dahang itinulak ni Nicholas ang pinto paloob, na lumikha ng munting langitngit. Tinalasan ko ang pandinig ko habang pinapasok ang sala. Tanging mga huni lamang ng mga kuliglig ang maririnig. Inilapag niya sa mesa ang duguang kutsilyo niya at kinuha ang pistolang nakatago sa ilalim ng kutson ng sopa. Maya-maya ay binasag ng malakas na ungol mula sa kusina ang nakapangingilabot na katahimikan. Tumayo ang balahibo ko.
Itinutok ni Nicholas ang pistola niya patungo sa pinagmulan ng ingay. Lumakad kami nang patiyad hanggang sa makarating kami sa bungad ng kusina. Natagpuan namin ang isang zombie na kinakalampag ang pinto ng bodega. Papunta na sana si Nicholas sa kinaroroonan niyon nang bigla kong hilahin ang manggas ng sweter niya.
"Ako na ang bahala kuya," sabi ko sa kanya.
Nag-alangan siya sa simula, ngunit napapayag ko rin siya kalaunan. Tumango siya sa akin at hinudyatan ako upang pumasok sa kusina. Patuloy ang zombie sa pagkalampag sa pinto hanggang sa maramdaman niyon ang presensya ko. Hinawakan ko nang mahigpit ang martilyo. Unti-unting umikot ang zombie patungo sa akin.
Magiging mahirap para sa isang maliit at payat na babaeng katulad ko ang hamunin sa malapitang laban ang isang zombie na doble ng pinagsamang laki namin ni Nicholas at mayroong tangkad na aabot ng anim na talampakan. Gayon pa man, nanaig pa rin ang puso kong palaban.
Humingkod patungo sa akin ang zombie. Ang pag-alog ng malaking tiyan niyon ay sumasabay sa bawat hakbang niyon. Gamit ang natitira pang lakas na mayroon ako, ikinampay ko ang martilyo hanggang sa bumaon ang kuko niyon sa dibdib ng zombie. Umungol lamang iyon, na tila hindi nasaktan sa ginawa ko, kaya mabilis kong hinaltak ang martilyo. Habang inaasinta ang ulo niyon, bumuwelta ako at muling ikinampay ang martilyo, ngunit sa pagkakataong iyon, nakaiwas ang zombie. Dinakma niyon ang braso ko, na naging sanhi upang mabitiwan ko ang hawak ko.
Idiniin ako ng zombie sa dingding. Bumukal ang hiyaw mula sa bibig ko habang itinutulak palayo ang zombie na desperado akong lamunin. Nakaunat ang mga braso niyon. Halos sumayad na ang dulo ng mga kuko niyon sa mukha ko. Nang malapit na akong bumigay mula sa pakikipagbuno, biglang umalingawngaw ang malakas na putok ng baril, na sinundan ng lagapak mula sa pagbagsak ng katawan sa sahig. Namilog ang mga mata ko. Humihingal ako habang tinitingnan ang bangkay sa paanan ko.
"Kaya ko ang sarili ko! Hindi mo na kailangang gawin iyon!" Tinitigan ko nang masama si Nicholas, ngunit nakatuon lamang ang pansin niya sa pintong dahan-dahan niyang nilalapitan.
"Hindi mo ba ako narinig? Ang sabi ko, kaya ko ang sarili ko! Hindi mo na kailangang gawin iyon!" Mas malakas ang tinig ko, ngunit tila lumabas lamang sa kabilang tainga niya ang mga sinabi ko.
Gumuhit ang ngiti sa mga labi niya habang pinagmamasdan ang pinto ng bodega. Lumingon siya sa akin. "Mukhang may kasama tayo rito sa bahay a."
Puminta ng larawan ng pagtataka ang mukha ko. Ikinasa niya ang pistola niya at pagkatapos bumilang mula isa hanggang tatlo, tinadyakan ang pinto.
"Huli ka!"
BINABASA MO ANG
Rotten Flesh: A Zombie Short Story Collection (Under Revision)
HorrorLimang taong mayroong magkakaibang kwento. Tingnan ang mundo sa mga mata ng mga naulila pagkatapos lumaganap sa buong Pilipinas ang sakit na kung tawagin ay "Black Flu." Makahanap kaya sila ng ligtas na kanlungan bago pa man sila maging biktima ng m...