Nicholas' POV
"Magiging pabigat lang siya sa atin!" Sabi ko kay Nicole, sinisikap na panatilihing mahina ang tinig ko sa kabila ng simbuyo kong sumigaw. "Baka nakalilimutan mo, nauubos na ang mga supply natin!"
Suminghal siya at nagpamewang. "Seryoso ka ba kuya?" Unti-unting tumatapal ang pagkayamot sa mukha niya. "Bata lang siya! Hindi pa niya kayang alagaan ang sarili niya!"
Hinalukipkip ko ang mga braso ko, tumatangging tanggapin ang mga katwiran niya. "Iyon mismo ang dahilan kung bakit hindi natin siya pwedeng isama!" Napatiim-bagang ako habang tinutumbasan ang tinis ng tinig niya.
Tumigil ako sandali at sinulyapan si Diana na walang kamalayan sa pag-uusap namin. Muli kong ibinaling ang pansin ko kay Nicole, na napapailing na. "Pababagalin lang niya tayo. Paano kung habulin tayo ng mga zombie sa lahat ng dako? Wala na. Patay na tayo pare-pareho."
"Anong gusto mong mangyari? Iwan siya rito bilang tanghalian para sa mga zombie?" Marahas niyang ikinumpas ang mga kamay niya upang bigyang-diin ang punto niya.
"Matitiis mo bang lamunin nila ang bawat kapirasong laman sa maliit na katawan niya?" Napaatras ako mula sa pagkabigla nang naging mabagsik ang tinig niya.
Napalunok ako nang dumuro na parang mainit na kutsilyo sa budhi ko ang mga matalas na salitang lumabas mula sa bibig niya. Noon ko lamang siya narinig na magsalita sa akin nang ganoon. Hinilut-hilot ko ang magkabilang sentido ko habang pinipilit na huminahon. Muli ko siyang tiningnan.
"Nicole!" Mariin kong bigkas. "Tungkol ito sa survival! Sa panahon ngayon, matira matibay," marahan kong sabi upang matiyak na nauunawaan niya ang bawat salita.
Nagpakawala siya ng mapanuyang tawa nang iiwas niya ang tingin niya mula sa akin. "Anong silbi ng pagiging buhay kung unti-unti ka namang nagiging halimaw?"
Sa isang sandali, nawalan ako ng ulirat. Tumayo ako nang tuwid at tinitigan siya.
"Iiwan natin siya bukas kapag lumisan tayo sa ayaw at sa gusto mo," sabi ko nang walang puso.
"Pero kuya—" Napatigil siya nang magsalita si Diana.
"Ate," matamlay na tawag niya habang pinipilit na dalhin ang sarili niya sa kinatatayuan ni Nicole.
Kaagad nagmadali si Nicole patungo sa kanya. "Ayos ka lang Diana?" Tanong niya habang kinakapa-kapa ang noo at leeg ng batang babae. Namilog ang mga mata niya. "Hala! Mataas ang lagnat mo!"
"Ate, masakit po ang ulo ko," aniya habang pinipilit na idilat ang mga mata niya.
Dinala siya ni Nicole sa sopa at tinulungang humiga. Tinakpan siya ni Nicole ng kumot nang magsimula siyang manginig sa kabila ng maalinsangang panahon. Hinaplos-haplos niya ang ulo ni Diana bago muling ibaling ang pansin sa akin.
"Kuya!" Tawag niya. "Baka pwedeng pumunta ka sa pinakamalapit na botika. Kailangan niya ng paracetamol at gamot sa ubo."
"Ano?" Salungat ko. "Ibubuwis ko ang buhay ko para sa kanya? Ni hindi ko nga siya kilala e."
Bumuntong-hininga siya, ang pagkabahala unti-unting tumatapal sa mukha niya. "Pagmasdan mo siya kuya. Hindi ka ba naaawa?" Tanong niya habang bumibilot sa palibot ng braso niya ang mga daliri ni Diana.
"Pakiusap." Tumigil siya sandali. "Kung hindi mo iyon kayang gawin para sa kanya, gawin mo na lang iyon para sa akin," aniya bago umupo sa tabi ni Diana at idikit ang ulo niya sa kanya.
Labag man sa kalooban ko, pumunta ako sa bodega upang kunin ang mga kagamitan ko. Lumabas ako ng bahay, suot ang simangot sa mukha ko. Binati ako ng kaaya-ayang amoy ng mga sariwang putol na damo mula sa hardin. Halos masunog ang maputlang balat ko mula sa maapoy na init galing sa araw.
Kagulat-gulat ang hitsura ng ilang bahay na nadaanan ko, nananatili pa ring maganda sa kabila ng lahat. Napahinto ako sa tapat ng isang lumang apartment, kung saan mayroong zombie na nilalamon ang patay na aso. Dahan-dahan ko iyong nilapitan at mabilis na ikinampay ang hawak kong palataw. Malinis na napugot ang ulo niyong nagpagulong-gulong sa aspalto pagdaka. Gumuhit ang ngiti sa mga labi ko nang magpatuloy ako sa kalye.
Sa kabila ng mga pangit na imahe ng mga bangkay at lumalaking presensya ng mga zombie sa kahabaan ng paglalakbay, nakarating din ako sa commercial area ng Calamba. Mas marami ang mga zombie roon kaysa sa pinanggalingan ko. Mga dating tauhan ng hukbo ang karamihan sa kanila—naka-uniporme at nakasuot ng combat helmet at body armor. Sinuong ko ang dose-dosenang zombie na palakad-lakad sa kalyeng puspos ng mga sirang sasakyan. Sariwa pa rin ang amoy ng undead sa damit ko.
Pinalala ng mga gumagalang zombie ang imahe ng magulong lugar. Basag ang mga bintana ng iba't ibang komersyal na gusali. Walang-patid ang pagbuga ng nasusunog na pamilihan ng itim na usok. Nagtagal sa hangin ang mga desperadong ungol mula sa kawalan ng mga buhay na nilalang na makakain.
Nagtago ako sa likod ng Toyota Vios nang lapitan ako ng dalawang zombie na nakasuot ng amerikana at pulang kurbata. Sumandal lamang ako roon habang matiyaga silang hinihintay na lumampas, kampante na ikukubli ang amoy ko ng mga kumakapit na laman sa damit ko.
Tae! Nagkamali ako.
Napaigkas ako nang dakmain ng isang kamay ang balikat ko. Napatayo ako nang wala sa oras. Kaagad kumalat sa buong katawan ko ang malakas na tibok ng puso ko. Dali-dali kong inalis ang pagkakahawak niyon mula sa akin. Iwinasiwas ko ang palataw ko habang umaatras, sinusubukang lumikha ng distansya sa pagitan namin. Nagpakawala siya ng malakas na angil na umakit sa mga kalapit na zombie bago humakbang pasulong.
Huminga ako nang malalim habang pinupwesto ang sarili ko. Gamit ang buong lakas ko, ikinampay ko ang sandata ko hanggang sa hiwain ng talas niyon ang leeg ng zombie. Tumilamsik ang itim na dugo mula sa pinagputulan ng ulo niyong malayang gumulong sa aspalto pagdaka. Lumagapak mula sa pagbagsak ang katawan niyon, walang kakilos-kilos. Inilipat ko ang tingin ko sa isa pang zombie na bumubuntot sa kanya.
Dumura ako sa lupa nang patindihin ng adrenalin sa dugo ko ang namumuong katuwaan sa puso ko. Napatiim-bagang ako habang hinihintay na makalapit ang mabagal na zombie. Hinila ko pabalik ang palataw. Nang singhaba na lamang ng braso ko ang pagitan namin sa isa't isa, kaagad kong idinuldol ang sandata ko sa dibdib niya at itinulak iyon pataas, ang itaas na bahagi ng katawan niyon nahati sa dalawa. Nadungisan ng dugo at mga lamang-loob ng zombie ang talim ng sandata ko. Pinanood ko ang dahan-dahang pagtumba niyon sa lupa.
Tumingin ako sa paligid. Nagising ang diwa ko mula sa pakikipaglaban. Nalaglag ang panga ko mula sa nasaksihan ko—isang buong kawan ng mga zombie, papalapit sa akin. Desperado akong humanap ng daan palabas sa kabila ng mga katakot-takot na ungol. Gayon pa man, huli na ang lahat. Napalibutan na nila ako. Habang mayroon pang natitirang oras, lumuhod ako. Nilagay ko ang talas ng palataw ko sa galanggalangan ko, mga luha nagsisimulang tumulo pababa sa mukha ko.
"Patawad Nicole," sabi ko habang naghahandang maglaslas ng pulso.
BINABASA MO ANG
Rotten Flesh: A Zombie Short Story Collection (Under Revision)
HorrorLimang taong mayroong magkakaibang kwento. Tingnan ang mundo sa mga mata ng mga naulila pagkatapos lumaganap sa buong Pilipinas ang sakit na kung tawagin ay "Black Flu." Makahanap kaya sila ng ligtas na kanlungan bago pa man sila maging biktima ng m...