Nicholas' POV
"Paano mo nalaman ang pangalan ng anak ko?" Bigla siyang tumayo mula sa kinauupuan niya, ang paningin niya nakapako sa akin.
"Nakita po namin siya sa bahay namin," sagot ko. "Kasalukuyan po siyang nanunuluyan doon."
"Ayos lang ba siya?" Tanong niya, ang mga kilay niya nakataas at ang mga kamay niya nakatakip sa bibig niya.
"Opo. Ligtas naman po siya."
"Diyos ko! Maraming salamat po!" Bulalas niya. Ipinikit niya ang mga mata niya habang umuusal ng maikling dalangin.
"Pero kailangan po niya ng gamot, dahil may sakit po siya," sabi ko sa kanya.
Tiningnan niya ako nang bumalik ang diwa niya. "Ano bang kailangan niya?"
"Paracetamol po at gamot sa ubo," sagot ko.
Dali-dali niyang hinalungkat ang kabalyas niya hanggang sa lumitaw ang isang first aid kit.
"Mayroon akong Biogesic at Robitussin," aniya habang iniisa-isa ang mga nilalaman niyon. "Sa tingin ko, sapat na ang mga ito." Binigyan niya ako ng sulyap na puspos ng katiyakan.
Tumayo ako at pumunta sa pintuan. "Halika na po. Ihahatid ko po kayo sa bahay namin."
Nakapalibot na ang mga daliri ko sa door knob. Bubuksan ko na sana ang pinto nang bigla niyang hilahin ang braso ko. Lumingon ako sa kanya, ang larawan ng pagkalito unti-unting tumatapal sa mukha ko. Bago pa man ako makapagsalita, inunahan na niya ako.
"Hindi tayo pwedeng lumabas ngayon," aniya. "Dapit-hapon na. Masyadong mapanganib."
Bumitiw siya sa akin at itinuro ang bintana. Sumilip ako sa pagitan ng mga siwang ng mga tabla ng kahoy na nakapako roon. Naningkit ang mga mata ko habang tinitingnan ang bakanteng eskinita na pinamumugaran ng sampung zombie, ibang-iba mula sa mga nakatagpo ko kanina.
Walang-patid ang pagkislot ng mga katawan nila. Napangibit ako mula sa pagbuka ng mga bibig nila, na naglantad ng mga nagngangalit nilang ngipin at nagpakawala ng mga katakot-takot na ungol.
Ang isa sa kanila ay tumatakbo sa bubong, aktibong humahanap ng madadagit, tumutulo ang laway. Napabalikwas ako nang magtagpo ang mga paningin namin at dali-dali akong napaatras nang lumusob iyon patungo sa akin.
"Mas malakas sila sa gabi," sabi ni Sarah. "Wala pa sa kalingkingan ng bangis nila ang nakita mo."
Napalunok ako nang kumalampag ang pinto. Sumandal si Sarah sa dingding. "Bukas na lang tayo umalis pagsikat ng araw. Matulog ka na muna para may lakas ka." Nginuso niya ang hagdan patungo sa ikalawang palapag ng bahay.
Umakyat ako roon at nilakad ang mahabang pasilyo hanggang sa makarating ako sa silid-tulugan sa dulo. Hinayaan kong bumagsak ang katawan ko sa malambot na kama. Kusang sumara ang mga mata ko, kasabay ng paglipad ng diwa ko.
~
Nagising ako mula sa ingay ng malakas na pagkabasag ng plorera. Bigla akong bumangon, kinukusut-kusot ang mga mata habang sinisikap na suriing mabuti ang kapaligirang sinisikatan ng liwanag ng buwan mula sa bintana. Lumakad ako nang patiyad patungo sa bukas na pinto at tinawid ang mahabang pasilyo hanggang sa makarating sa hagdan. Nakadampot ang mga tainga ko ng mga tinig mula sa ibaba. Sumilip ako sa gilid.
"Bakit ba ayaw mo pa akong sagutin?" Nanginginig ang mga kamao ng lalaki habang tinititigan si Sarah. "Ano bang mayroon si Supremo na wala ako?" Pabalik-balik siya mula sa magkabilang sulok ng sala, hihinto lamang minsan upang kausapin si Sarah.
"Brandon, ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na hindi kita gusto?" Bulalas ni Sarah sa isang malupit na tono ng tinig. "Pwede bang tigilan mo na ako?" Ikinumpas niya ang mga kamay niya, hinuhudyatan ang lalaki upang lumayas.
"Pakiusap, pagbigyan mo na ako." Tumaas ang mga kilay ko mula sa biglaang pagiging malambing ni Brandon, ang mga braso niya unti-unting bumabalot sa dibdib ni Sarah.
Napaigkas si Sarah. "Ano ba?" Dumampi ang palad niya sa kanang pisngi ni Brandon, na lumikha ng malutong na tunog ng sampal. "Bastos ka a! Isusumbong kita kay Supremo!"
Hinaplos-haplos ni Brandon ang pisngi niya, ang mukha niya nagsisimulang magbagong-anyo.
"Ikaw, wala kang utang na loob a!" Kumapit ang kamay na bakal niya sa braso ni Sarah, na naging sanhi upang mapangiwi ang babae mula sa sakit. "Pagkatapos ko kayong palamunin ng anak mo, ito ang igaganti mo sa akin?" Kumulot ang mukha ni Sarah habang pilit na tinatanggal ang pagkakahawak ni Brandon.
"Aray! Nasasaktan ako." Nagpumiglas si Sarah habang hinahatak siya ni Brandon patungo sa kusina.
"Mas malala pa riyan ang sasapitin mo kapag hindi mo binigay ang gusto ko!" Sigaw ni Brandon.
"Kung alam ko lang na ito ang kapalit, sana hinayaan mo na lang kaming mamatay!"
Dumampi ang likod ng kamay ni Brandon sa kaliwang pisngi ni Sarah, na naging sanhi upang tumumba siya sa sahig. Hawak-hawak ang napuruhang pisngi, gumapang siya patungo sa pintuan. Sinundan siya ni Brandon na nagpapatunog ng mga buko niya.
"Hayop ka!" Sigaw niya bago dumagan si Brandon sa kanya at hawakan nang mahigpit ang mga kamay niya habang isinisiksik ang ari niya sa pagitan ng mga binti ni Sarah.
"Huwag! Maawa ka sa akin!" Magkasabay na lumabas mula sa bibig ni Sarah ang iyak at tili. Kinawag-kawag niya ang mga binti niya, inaasahang mawalan ng balanse si Brandon. Pagkatapos ng isang malakas na suntok sa puson, labis na nanghina si Sarah at biglang naglaho ang mga pagsisikap niyang lumaban.
Sa gitna ng kaguluhan, pumukaw ako ng sapat na lakas ng loob upang lumapit sa kanila. Palala nang palala ang mga sigaw habang palapit nang palapit ang mga dila ni Brandon sa dibdib niya. Maingat ang bawat hakbang ko, iniiwasang lumikha ng kahit na munting ingay mula sa mga sapatos ko. Dinukot ko ang kutsilyo ko mula sa bulsa ko at isinaksak sa balikat ng manggagahasa.
"Aray! Anak ng—" Bulalas niya nang bitiwan ko mula sa pagkakabaon ang kutsilyo. Hinila niya iyon, napapangiwi sa bawat pulgada ng pag-angat niyon, at lumingon sa akin, winawasiwas ang bagong kuhang sandata.
"Papatayin kita!" Hinila niya pabalik ang braso niya, kumukuha ng magandang buwelo. "Pakialamero!"
Tumalon ako paatras nang iimbay niya ang kutsilyo, muntik na mahagip ang dulo ng manggas ko. Muli niyang inimbay iyon minsan pa, yumuko ako nang putulin ng talas ang hangin sa ibabaw ng ulo ko at itinulak ang buong katawan ko sa balakang niya hanggang sa pareho kaming bumagsak sa sahig. Hinawakan ko nang mahigpit ang kamay niyang humahawak sa kutsilyo. Labis na nakatuon ang pansin ko sa kutsilyo, kaya hindi ko napansin ang parating na suntok galing sa kanang kamao niya.
Tumumba ako sa sahig, hawak-hawak ang ilong kong kaagad namaga mula sa matinding dagok. Siya naman ang pumatong sa akin. Inangat niya ang kutsilyo at idinildil pababa patungo sa dibdib ko, ngunit sa kabutihang palad, nasalag iyon ng braso ko.
Nanginig ang braso ko mula sa pagsalungat sa matinding pwersang ibinibigay niya. Patuloy ang pababa ng talas ng kutsilyo hanggang sa humalik ang dulo niyon sa dibdib ko. Tumulo ang mga butil ng pawis pababa sa mukha ko habang itinutulak pataas ang mga kamay niya.
"Papatayin kita!" Tumalsik ang ilang patak ng laway niya sa mukha ko habang unti-unting dumuduro sa balat ko ang talas ng kutsilyo.
"Huwag!" Napasigaw na lamang ako mula sa kawalan ng pag-asa.
BINABASA MO ANG
Rotten Flesh: A Zombie Short Story Collection (Under Revision)
HorrorLimang taong mayroong magkakaibang kwento. Tingnan ang mundo sa mga mata ng mga naulila pagkatapos lumaganap sa buong Pilipinas ang sakit na kung tawagin ay "Black Flu." Makahanap kaya sila ng ligtas na kanlungan bago pa man sila maging biktima ng m...