Left to Die (Part 5)

103 12 1
                                    

Nicholas' POV

Natigilan ako nang umalingawngaw ang mga sunud-sunod na putok ng mga paputok sa hindi kalayuan. Huminto sa paglalakad ang mga zombie, patingin-tingin sa paligid, hinahanap ang pinagmulan ng mahiwagang ingay. Dahan-dahan akong tumayo sa mga paa ko habang pinapanood kung paano sila isa-isang nagsi-ikot at nagsipunta sa kalapit na ospital. Naiwan akong nakatulala, hindi makapaniwala sa pangyayari. Unti-unting naglaho ang mga zombie na nakapalibot sa akin hanggang sa ako na lamang ang natira. Imposibleng nagkataon lamang iyon. Malamang, mayroong ibang tao sa lugar.

Sinuri kong mabuti ang kapaligiran, hinahanap sa bawat sulok ang taong tumulong sa akin. Isang malakas na sipol ang tumawag sa pansin ko. Lumingon ako at nakita ang isang babaeng kumakaway sa akin. Sa kabila ng bandanang tumatakip sa mukha niya, masasabi kong may-edad na siya.

Tumakbo ako patungo sa kanya nang muling mangibabaw ang nakapangingilabot na katahimikan. Kasabay ng pagtigil ng mga pagputok ay ang muling pagbabalik ng mga zombie sa paghahanap sa akin. Tinawid ko ang bawat harang sa daanan ko hanggang sa makarating ako sa isang eskinita, kung saan matiyagang naghihintay ang babae.

"Sundan mo ako," atas niya sa akin bago pa man ako makapagpasalamat.

Napangiwi ako mula sa masamang amoy na nagtagal sa hangin. Patong-patong ang mga tumpok ng mga bangkay sa gilid ng makipot na daan. Ang karamihan sa mga iyon ay nasa huling yugto na ng pagkaagnas. Iniwas ko ang tingin ko nang maramdaman kong umakyat sa esopago ko ang mga kinain ko kanina at ibinaling na lamang ang pansin ko sa paglalakad.

Sinundan namin ang bakas ng itim na dugo hanggang sa makarating kami sa bungad at matagpuan namin ang mga sarili namin sa harap ng isang dalawang-palapag na bahay. Namutok ang mga bubog na nakakalat sa lupa nang magtungo kami sa pintuan. Niyakap niya ng kabilang kamay niya ang AK-47 niya habang inaapuhap ang mga susi mula sa bulsa niya. Gumagapang ang mga baging sa mga haligi ng gusali, ang natatangi niyong arkitektura marahang sinasakmal ng mga halaman. Nang walang babala, lumangitngit pabukas ang pinto.

"Mauna ka," aniya habang itinuturo ang daan sa pamamagitan ng nguso ng assault rifle niya.

Ngumiti ako sa kanya habang pumapasok sa loob. Kinapa-kapa niya ang dingding. Pagkatapos ng dagliang pagpilantik, sinalakay ng liwanag ang madilim na silid. Sumilip ako sa mga siwang sa pagitan ng mga tabla ng kahoy na nakapako sa mga bintana. Paulit-ulit akong tumingin kaliwa't kanan, tinitiyak na walang zombie na nakasunod sa amin.

Nang umikot ako, isang matigas na bagay ang tumama sa tuhod ko, na naging sanhi upang mapaluhod ko. Tumingala ako sa babae, napapangiwi mula sa sakit na sumisingaw mula sa tuhod ko.

"Maghubad ka!" Utos niya sa isang makapangyarihang tono ng tinig. "Ngayon na! Bilisan mo!"

"A-ano po?" Tanong ko, nakataas ang mga kilay.

"Maghubad ka!" Napaigkas ako nang lumakas ang tinig niya.

Labag man sa loob ko ang gagawin ko, wala naman akong ibang pagpipiliian kung hindi sumunod na lamang, lalo na't mayroong nakatutok na mataas na kalibre ng baril sa pagmumukha ko. Una kong hinubad ang sweter ko, sumunod ang pantalon at panghuli ang brip.

Tinakpan ng pamumula ang buong mukha ko habang iniikutan niya ako, sinisiyasat ang bawat bahagi ng pagkatao ko. Kinapa-kapa niya nang maigi ang leeg, braso at binti ko bago ako tantanan.

"Sige. Magbihis ka na," utos niya, ibinaba rin sa wakas ang baril na kanina pa nakatutok sa akin.

Pagkabihis ko, kaagad akong umupo sa harap ng hapag-kainan, pilit na itinatago ang kahihiyang unti-unting tumatapal sa mukha ko. Pumunta siya sa kusina at bumalik na mayroong dalang mangkok at baso ng tubig. Kiniliti ng mabangong amoy ng tinola ang mga butas ng ilong ko nang ilapag niya iyon sa mesa.

"Kumain ka muna," aniya habang inaayos ang AK-47 na nakasabit mula sa balikat niya. "Kakailanganin mo ng lakas kapag muli kang naglakbay."

Hinayaan kong maging maginhawa ang sarili ko habang hinihigop ang mainit na sabaw mula sa mangkok, pasimpleng tinitingnan paminsan-minsan ang babaeng patuloy pa rin akong minamatyagan hanggang sa basagin ko ang nakakailang na katahimikan.

"Maraming salamat po pala," sabi ko sa kanya habang hinihimay ang manok. "Kung hindi po dahil sa iyo, baka pinagpipyestahan na po ako ngayon ng mga zombie."

Tinanggal niya ang bandana niya at ipinampunas iyon sa noo niyang basa ng pawis, na nagbunyag ng samot-saring peklat sa mga pisngi at baba niya. "Wala iyon." Tumigil siya sandali at ngumisi sa akin.

"Sige na. Ubusin mo na iyan," aniya, suot ang isang magiliw na ngiti, nang bahagyang mapatagal ang pagtitig ko sa mga peklat niya.

Kaagad kong ipinagpatuloy ang pagkain hanggang sa maubos ang ulam. Umupo siya sa gilid ng mesa, nakaunat ang mga braso.

"Ako nga pala si Sarah," pakilala niya sa isang magiliw na tono ng tinig. Kaagad siyang nagbagong-anyo, naglaho ang angking bagsik mula sa aura niya.

Isinubo ko ang huling kutsara ng pagkain at humigop ng tubig mula sa baso. "Ako naman po si Nicholas," tugon ko habang nakikipagkamay sa kanya.

Kinuha niya ang mangkok nang mapansin niyang simot na ang laman niyon at pumunta sa kusina. Muli siyang umupo sa parehong lugar pagbalik niya.

"Pasensya ka na kanina a?" Aniya habang hinahaplos-haplos ang batok niya, sinisikap na panatilihin ang eye contact sa pagitan namin. "Ganoon lang talaga ang protokol sa grupo namin kapag nakakatagpo kami ng estranghero."

"May grupo po kayo?" Tanong ko.

"A oo!" Nagpakawala siya ng munting halakhak. "Sa katunayan, tinatawag naming mga Stalker ang mga sarili namin." Hinawi niya ang buhaghag na buhok niya hanggang sa lumitaw ang tattoo ng agila sa gilid ng leeg niya.

"Bakit naman po Stalker ang tawag sa inyo?" Napakamot-ulo ako mula sa nakakatawang pangalan.

"Aba! Malay ko ba sa pinuno namin. Wala sigurong maisip." Ibinaling niya ang pansin niya sa pinto habang kumukuyakoy.

Tumingin ako sa parehong direksyon at pabalik sa kanya. "E ano pong ginagawa mo rito, malayo mula sa kaligtasan ng kampo niyo?"

Binigyan niya ako ng dagliang sulyap bago tumingin sa kawalan. "May hinahanap kasi akong tao. Isang araw na siyang nawawala."

Tumigil siya sandali at napatiim-bagang. "Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyaring masama sa kanya." Yumuko siya nang hindi na niya mapigilan ang pangungulot ng mga labi niya. Bumuntong-hininga siya at muling humarap sa akin.

"May litrato ka po ba niya?" Tanong ko.

Kinuha niya ang kabalyas sa katabing upuan at hinalungkat ang mga nilalaman niyon. "Heto o." Inabot niya sa akin ang litrato at taimtim akong pinanood habang pinagmamasdan ko ang mukha roon.

Kinusut-kusot ko ang mga mata ko. Pamilyar ang mukhang iyon!

Hindi nga ako nagkakamali. Siya nga!

Rotten Flesh: A Zombie Short Story Collection (Under Revision)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon