Nicholas' POV
Napaigkas ako nang umalingawngaw ang sunud-sunod malakas na putok ng baril sa loob ng bahay. Sa isang sandali, nangibabaw ang nakapangingilabot na katahimikan sa kapaligiran, na pinalala pa ng walang-patid na paghingal ko. Namilog ang mga mata ni Brandon, nakapinta ang larawan ng pagkabigla sa mukha, habang dahan-dahang inililipat ang tingin niya sa dibdib niya, na ngayon ay puno na ng mga bullet hole. Kaagad kong dinaklot ang kutsilyo mula sa kamay niya nang bumigay ang mahigpit na pagkakahawak niya. Pumatak-patak ang naiipong dugo mula sa bibig niya habang nagpupumilit na lumabas ang mga salita.
"Ma-magkita tayo sa im-impyerno."
Nanatili siyang nakatitig sa akin, batid ang nalalapit na kamatayan niya. Lumitaw sa gilid niya si Sarah, nakaunat ang mga kamay habang idiniriin ang nguso ng pistola niya sa sentido ni Brandon. Higit pang pinapangit ng mga sariwang pasa ang mukha niyang puno ng mga peklat. Napatiim-bagang siya habang dahan-dahang pinipisil ang gatilyo.
"Tatapusin ko na ang paghihirap mong hayop ka!" Napaigkas ako mula sa biglaang pagputok ng baril, na nagpadala ng bala deretso sa ulo ni Brandon.
Bahagya akong nasilaw mula sa muzzle flash, at ang kasunod na nakita ko ay ang marahas na pagtabingi ng ulo niya pakanan, na sinundan ng lagapak mula sa pagbagsak ng katawan niya sa sahig. Kumislot-kislot ako hanggang sa mapalaya ko ang tiyan kong nadadaganan ng mga binti niya. Dahan-dahan akong tumayo, nakapako pa rin ang paningin ko sa bangkay niyang nagsisimula nang maligo sa sarili niyong dugo. Sa isang sandali, nakaramdam ako ng pagsusukang napilitan kong kontrolin nang gisingin ng mga katakot-takot na ungol ang diwa ko, mas malala kaysa sa mga narinig ko noong una.
"Ang mga zombie!" Sigaw ni Sarah habang nagmamadali siya patungo sa pintuan. "Naakit sila sa ingay ng putok ng baril!"
Kaagad niyang isinandal ang sarili niya sa yumuyugyog na pinto nang lumakas pa ang mga pagkalampag.
"Kunin mo ang kabalyas at AK-47 ko!" Ikinasa niya ang pistola niya pagkatapos bilangin ang mga natitirang bala. "Mauna ka na! Susunod na lang ako! Mayroong daan palabas sa silid mo."
Kaagad kong kinuha ang kabalyas niya sa mesa, at isinabit ko sa balikat ko ang AK-47 na naiwang nakakalat sa sahig. Tumango siya sa akin nang paakyat na ako sa hagdan, ang mga mata niya nagpakita ng labis na pangamba sa kabila ng katapangang nais niyang ipamalas.
"Sige na!" Bulalas niya nang sumidhi ang mga salit-salit na mga kalabog at angil sa pinto at mga bintana.
Binigyan ko siya ng huling sulyap bago ako magmadali sa mahabang pasilyo at makarating sa silid-tulugang pinanggalingan ko kanina. Binuksan ko ang bintana at lumukso sa dingding. Binati ako ng liwanag ng buwan na pansamantalang nagpalimot sa akin ng pangit na larawan ng mga zombie sa ibaba, nag-uunahan sa pagpasok ng pintong hinaharangan ni Sarah. Nang bahagya na akong nakakalayo, napaigkas ako mula sa pagkawasak ng pinto sa ibaba, na sinundan ng mga putok ng baril at magkahalong iyak at sigaw. Kaagad kong ibinalik sa harap ng daanan ang tingin ko nang mapansin ko ang sandamakmak na zombie na tumatakbo mula sa eskinita at papunta sa akin. Ang ilan sa mga nakapasok na sa bahay ay lumabas sa bintanang pinanggalingan ko at suminghal nang maramdaman ang presensya ko. Kaagad akong kumaripas ng takbo hanggang sa makatalon ako patungo sa katabing gusali.
Nagasgas at natapyas ang mga kuko ko nang makipagbuno akong kumapit sa bubong ng gusali, ang mga paa ko galit na galit na sumisipa sa magaspang na bato sa ilalim ko. Humiyaw ang mga kalamnan ko sa pagsisikap hanggang sa magawa kong itaas ang sarili ko sa pasimano.
Tumagaktak ang pawis ko mula sa pagod. Nang hindi humihinto upang maghabol ng hininga, tumayo ako sa mga paa ko at muling kumaripas ng takbo, lumipad mula sa bubong patungo sa susunod na gusali. Malapit nang mawala sa paningin ko ang gilid nang marinig ko ang mga kalampag sa yero, na sinundan ng mga matuling yabag.
Nakapako ang mga mata ko sa abot-tanaw habang hinuhulaan ang taas at layo ng tatalunin ko. Namaga ang mga binti ko, at kumabog ang mga paa ko sa ibabaw ng bubong, lalong natataranta mula sa alingayngay ng mga mabigat na yabag sa likod ko.
Sa wakas, natapos din ang patakbuhan ko. Nang hindi tumitigil, itinanim ko ang isang paa ko sa nakataas na pasimano at ihinagis ang sarili ko palabas sa kabilang ibayo ng bangin, ang mga ungol nakabuntot pa rin sa akin.
Sa isang sandali, naglayag ako sa hangin, nakalutang at pumapailanglang tatlong palapag mula sa lupa. Bumangon ang piping yero ng susunod na bubong upang salubungin ako, at malinis akong lumapag doon, napangiwi mula sa pagtama ng katawan ko sa kongkreto.
Gumuhit ang ngiti sa mga labi ko habang dahan-dahang tumatayo. Gumaan ang pakiramdam ng mga binti ko. Kinapa-kapa ko ang tagiliran ko at lumingon. Pinunasan ko ng likod ng kamay ko ang noo kong basa sa pawis habang pinapanood ang mga zombie na isa-isang nagsipaglaglagan pababa sa banging nagbubukod sa dalawang gusali.
Umikot ako at tumakbo patungo sa susunod na pasimano. Tumalon ako sa bubong. Kaagad umunat ang mga braso ko upang dakmain ang mga batong nakaumbok mula sa dingding. Tumapak ang mga paa ko sa parehong bato habang dahang-dahang bumababa hanggang sa matunton ko ang isang eskinita.
Tumilamsik ang sanaw ng tubig-baha nang saluhin niyon ang bigat ko mula sa paglapag mula sa mataas na gusali. Bumuntong-hininga ako habang pinapakinggan ang mga sumusunod na yabag. Pumunta ako sa kalsada, balak na sundan na lamang iyon pabalik sa bahay namin.
BINABASA MO ANG
Rotten Flesh: A Zombie Short Story Collection (Under Revision)
HorrorLimang taong mayroong magkakaibang kwento. Tingnan ang mundo sa mga mata ng mga naulila pagkatapos lumaganap sa buong Pilipinas ang sakit na kung tawagin ay "Black Flu." Makahanap kaya sila ng ligtas na kanlungan bago pa man sila maging biktima ng m...