Left to Die (Part 9)

155 11 5
                                    

Nicholas' POV

Nagmadali ako patungo kay Nicole, na nakaupo sa sulok kung saan ko natagpuan noon si Diana. Sumayad sa pisngi ko ang buhok niya nang magdikit ang mga katawan namin at magpalitan kami ng mga mahigpit na yakap. Patuloy na dumiin sa balikat ko ang baba niya, tumatangging bumitiw nang luwagan ko ang pagkakahawak ko sa kanya.

"Kuya, huwag mo akong iwan," aniya nang lalo pang humigpit ang kapit niya sa akin.

Marahan ko siyang itinulak pabalik. Inilagay ko ang mga hinlalaki ko sa ilalim ng mga mata niya, pinupunasan ang mga luhang tumutulo pababa sa mukha niya.

"Hindi kita iiwan. Mananatili lang ako sa tabi mo," tugon ko habang hinahaplos ang buhok niya.

Kinusut-kusot niya ang mga mata niyang namamaga mula sa pag-iyak. Unti-unting napalitan ng kagalakan ang kalungkutang nakatapal sa mukha niya. Gumuhit ang ngiti sa mga labi niya.

"Mabuti na lang nandiyan ka kuya," aniya.

Hinalikan ko ang noo niya at tiningnan siya nang deretso, ang mga kamay ko nakalagay sa mga pisngi niya. Hinawi ko ang kaunting buhok na tumatakip sa kanang mata niya. Sininghot niya ang uhog na nagbabadyang tumulo mula sa mga butas ng ilong niya.

"Mahal na mahal kita Nicole," sabi ko.

"Ikaw rin kuya," tugon niya.

Sumulyap ako sa relo ko. Alas siyete na ng gabi. Sa isang sandali, nangibabaw ang nakapangingilabot na katahimikan, ngunit maya-maya ay muling bumalik ang mga katakot-takot na ungol, mas malakas kaysa sa mga narinig ko kanina.

"Ku-kuya," tawag niya sa akin. "Ano nang gagawin natin?" Napakagat-labi siya habang hinihintay ang mga salitang lalabas mula sa bibig ko.

Huminga ako nang malalim. Kinamot-kamot ko ang kaunting balbas na umusbong mula sa baba ko. Binigyan ko siya ng tinging puspos ng katiyakan.

"Aalis tayo ngayon. Hindi na tayo pwedeng magtagal dito. Papunta na rito ang mga zombie galing sa lungsod." Tumigil ako sandali. "Mag-impake ka na."

Tumango siya sa akin at lumabas ng bodega pagkatapos. Bumalik siya at kaagad pumunta sa kinaroroonan ng mga kahon sa kabilang ibayo ng silid. Pinuno niya ng mga de-latang pagkain at bote ng tubig ang kabalyas niya. Ganoon din ang ginawa ko.

Dahan-dahan akong tumayo. Pinunasan ko ng panyo ko ang noo kong basa ng pawis habang dinadala sa likod ko ang mabigat na kabalyas ko hanggang sa makarating ako sa pintuan. Sumitsit ako sa kanya habang patuloy pa rin siya sa pagtitipon ng mga supply.

"Tama na iyan! Halika na!" Bulong ko sa kanya habang patingin-tingin sa paligid.

Dali-dali siyang huminto sa paghahalungkat at pumunta sa likuran ko.

"Dumaan tayo sa likod ng bahay. Maraming zombie sa harap." Nginuso ko ang pintuan sa kusina at hinudyatan siya upang sumunod.

Lumakad kami nang patiyad hanggang sa makarating kami roon. Pinihit ko ang door knob, at lumangitngit pabukas ang pinto. Bago ko hayaang humalik ang suwelas ng sapatos ko sa lupa, sinuri ko munang mabuti ang kapaligiran. Kumislot ang mga tainga ko, nananatiling alisto mula sa anumang tunog na madadampot ng mga iyon. Nang wala akong gaanong marinig na angil, nagmadali kami ni Nicole patungo sa tarangkahan, magkahawak ang mga kamay, hinihipo ng mga talim ng mga damo ang mga pantalon namin sa bawat yabag. Malayang umuuguy-ugoy ang AK-47 na nakasabit mula sa balikat ko.

Dahan-dahan kong itinulak ang tarangkahan hanggang sa matanaw ko ang kalsada at mga abandonadong bahay sa tapat. Tatawid sana kami sa kabilang ibayo, ngunit natigilan kami nang basagin ng mga dagundong ng mga makina ng mga humaharurot na sasakyang militar ang nakapangingilabot na katahimikan. Umigik ang mga gulong niyon nang sumagadsad iyon bago tuluyang huminto sa harap namin.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 25, 2018 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Rotten Flesh: A Zombie Short Story Collection (Under Revision)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon