Left to Die (Part 8)

81 9 1
                                    

Nicholas' POV

Dumampi sa mukha ko ang malamig na simoy ng gabi habang patuloy na tumatakbo palayo sa mga katakot-takot na ungol na humahabol sa akin. Sumikat nang maliwanag ang buwan, na nagbigay-liwanag sa daang tinatahak ko. Kumakaskas ang suwelas ng sapatos ko sa bawat mabigat na apak sa aspalto. Tila sasabog ang dibdib ko mula sa takot nang lumakas ang mga matuling yabag na palapit nang palapit sa likuran ko. Sumigaw ang mga kalamnan sa mga binti ko mula sa pagsisikap na dalhin ang katawan ko sa isang ligtas na lugar.

Marahas na humahampas sa dibdib ko ang AK-47 na nakasabit mula sa balikat ko. Pinalubha ng biglang pagdaluyong ng adrenalin sa dugo ko ang pangangapos ng hininga ko. Nang hindi humihinto upang suminghap, nagmadali ako patungo sa isang pamilyar na gusali, at natagpuan ko ang sarili ko sa harap ng bahay namin, humihingal at nanginginig ang mga tuhod. Nadurog ang mga damo sa hardin nang saluhin ng mga iyon ang mga paa ko habang sinisikap na makaabot sa portiko.

Nilabanan ko ang tuksong lumingon sa mga zombie na tumutugis sa akin habang umaakyat sa maliit na baitang. Kaagad kong binuksan ang pinto at pumasok sa loob. Pagkasara ko niyon nang malakas, hinayaan kong dumausdos ang sarili ko sa dingding hanggang sa humalik ang puwit ko sa sahig.

Pinunasan ko ng likod ng kamay ko ang noo kong basang-basa ng pawis. Paulit-ulit akong huminga nang malalim. Dahan-dahan akong tumayo nang bahagya akong huminahon, sinusuring mabuti ang kapaligiran para kay Nicole at Diana. Kumislot ang mga tainga ko habang nakikiramdam. Tanging huni lamang ng mga kulisap ang narinig ko mula sa sala. Naglaho na ang mga katakot-takot na angil na humahabol sa akin, kahit na pansamantala lamang.

"Nicole! Diana!" Tawag ko.

Nanatili akong nakatayo habang hinihintay ang tugon nila. Sa isang sandali, nangibabaw ang nakapangingilabot na katahimikan.

"Nicole! Diana! Nandito na ako!" Muli kong tawag.

Nang makaramdam ako ng panganib, inilapag ko sa mesa ang kabalyas ko at dahan-dahang inangat ang AK-47 ko kapantay ng mga mata ko. Pabilis nang pabilis ang tibok ng puso ko sa bawat hakbang. Kontrolado ang mga kilos ng mga kalamnan ko, sinisikap na huwag makalikha ng ingay. Siniyasat ko ang bawat silid, iwinawasiwas ang assault rifle ko sa lahat ng sulok na maaaring pagtaguan ng kung anumang—o sinumang—nakapasok sa bahay namin nang hindi inaasahan.

Isang silid na lamang ang hindi ko pa nasisiyasat—ang kusina.

Itinuon ko ang pansin ko sa kusina, unti-unting lumalakad nang patiyad hanggang sa makarating sa bungad. Sumilip ako sa tagiliran, iniiwasang mayroong lumitaw na anumang bahagi ng katawan ko. Noon lamang nadampot ng tainga ko ang tunog na ayaw kong marinig—isang mahina ngunit nakakatakot na ungol. Namilog ang mga mata ko nang mapagtanto ko kung kanino galing ang pamilyar na tinig na iyon.

"Hinayupak!" Bulalas ko nang ibunyag ko ang presensya ko mula sa bungad. "Sinasabi ko na nga ba! Tama ang hinala ko! Infected nga siya!" Naglaro ang paningin sa bukung-bukong ni Diana, na kakikitaan ng napakaliit na bite-mark.

"Buwisit! Kaya pala nagkasakit siya! Bakit ba hindi ko kaagad napansin iyon!" Bulalas ko habang walang pusong itinututok ang assault rifle ko sa ulo ng batang babae.

"Yari ka sa aking bubwit ka!"

Nanginginig ang mga daliri ko habang nakadikit sa gatilyo. Huminga ako nang malalim nang umikot ang ulo niya, at ibaling niya ang pansin niya sa akin.

"Mamatay ka na!" Sigaw ko nang kalabitin ko ang gatilyo, hindi na nagdadalawang-isip pa na pumatay ng bata.

Pinagmasdan ko ang assault rifle at paulit-ulit na tinapik. Muli kong kinalabit ang gatilyo.

"Tae! Naloko na!" Kumibot lamang ang assault rifle pagkatapos pumilantik. Walang lumabas na punglo mula sa nguso niyon.

Nagmadali patungo sa akin si Diana, na halos lumuwa na sa kinalalagyan ang mga nanlalaking mata niya habang nagpapakawala ng malakas na angil sa gitna ng pagtakbo. Napabalikwas ako nang lumundag siya at pumailanglang sa ere. Kaagad kong inabot ang bulsa ko, ngunit bago ko pa man makuha ang kutsilyo ko, huli na ang lahat. Sumalpok siya sa akin, at kapwa kaming tumumba sa sahig.

Tumalsik ang mga patak ng laway mula sa bunganga niya habang ipinagpipilitan ang sarili niya sa akin. Napangiwi ako habang nagsusumikap na kunin ang kutsilyo ko mula sa bulsa ko, ang kabilang braso ko nagsisimula nang manghina mula sa pagpigil sa batang babaeng walang-patid sa pag-ungol at pagkislot.

Isinandal ko nang husto ang ulo ko sa sahig upang hindi mahagip ng mga kuko niya. Higit na lumakas ang mga ungol at mas sumidhi ang mabangis na pagkawig ng mga braso niya. Nang malapit nang bumigay ang kabilang braso ko, gamit ang natitira pang lakas na mayroon ako, hinugot ko ang kutsilyo mula sa bulsa ko at idinuldol sa sentido niya nang paulit-ulit hanggang sa mawasak ang kanang bahagi ng ulo niya. Pumulandit ang itim na dugo mula sa pinagsaksakan.

Kusang tumumba sa sahig ang katawan niya nang bitiwan ko, walang kagalaw-galaw at unti-unting naligo sa sarili niyong dugo. Dahan-dahan akong tumayo sa mga paa ko habang pinapahid sa pantalon ko ang talas ng kutsilyo kong namantsahan ng itim na dugo. Nagmadali ako patungo sa bodega, kung saan natagpuan ko si Nicole.

"Kuya!" Tawag niya sa akin habang dumadanak ang mga luha pababa sa mukha niya, namamaga ang mga mata mula sa pag-iyak.

Rotten Flesh: A Zombie Short Story Collection (Under Revision)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon