Chapter 6

4.7K 171 21
                                    

SELENA MAGDALENA
C H A P T E R - 6
New home.





Hinawakan ni Selena ang aparatos na nakakabit sa kanyang ulo at may malaking bilog na tumatakip sa kanyang tenga. Para saan at ano ba ito? Napabuntong hininga siya.



Pangarap niya ang makasakay sa sasakyang himpapawid na lulan niya ngayon na kung tawagin ng kanyang lolo ay helicopter.

Noon.

Bata pa lamang siya, tingin niya ay isa iyon sa mga bagay na nakita niyang nakakamangha. Ililipad ka nito na para bang ika'y isang ibon sa itaas ng mga mukhang naglalambutang ulap. Matatanaw mo ang lahat mula sa itaas, matatanaw mo kung gaano nga ba kalaki at kaganda ang mundong kinagagalawan mo. Para sa isang dalagang nakulong sa isang isla, isa iyong piping hiling.


Pero ngayon, habang nakasakay na siya at sinasalubong nito ang mangilan-ngilang ulap sa langit at ang nalamig na simoy ng hangin, nabura na iyon sa kanyang isipan. Tila naiwan ang puso ni Selena sa isla. Kipkip ang bag niyang naglalaman ng kanyang mga gamit ay malungkot niyang tinignan ang babasaging salamin na tumatanaw sa labas ng sasakyan. Lumulutang ang kanyang isip kasabay ng mga ulap. Napakaraming tanong na siya'y binabagabag at isa na doon ay kung saan nga ba sila paroroon.

Buong buhay niya ay kasama niya ang kanyang lolo at lola, pero ngayong hindi niya ito kasama at ibang tao naman ang katabi niya para bang sa isang iglap ay nawala ang katigasan ng kanyang ulo. Lihim niyang hiling na ibalik na lamang siya doon kasama ang kanyang mahal na lolo at lola at hindi niya na susuwayin pa ang mga ito. Pangakong magiging masunurin na siya at hindi na magtatangkang umalis pa ng isla.

Ngunit imposible. Heto siya ngayon, kasama ang lalaking pinagkaiwanan sa kanya. Gusto niya itong tanungin subalit hindi niya alam kung paano ba ito pakikitunguhan. Ano kayang ibigsabihin ng kanyang lola na kay Konstantin na siya titira?


Dahan-dahan ay humarap si Selena sa katabi niyang si Konstantin. Nakasandal ito ng tuwid sa pagkakaupo at nakasandig rin ang ulo nito sa kinauupuan habang nakapikit ang mga mata. Saglit niya itong pinakatitigan kung kaya't hinayaan niyang maglakbay ang kanyang mga mata mula sa strikto at makapal nitong kilay, sa nakapikit nitong mata na mayroong mapipilantik na pilik, sa ilong nitong mayabang na matangos at sa labi nitong may kaunting kakapalan at mamula-mula. Namula ang kanyang pisngi ng biglang maalala niya ang muntik nitong paghalik sa kanya.

Nakagat ni Selena ang sariling labi. Mukhang napakalambot nitong tignan ani ng kanyang isip. Para bang inaakit siya nito, at sa hindi niya malamang dahilan ay gusto niyang maramdaman ito. Napuno ng kuryusidad ang kanyang inosenteng pagiisip kung kaya't sinunod niya ang kagustuhan.


Unti-unti niyang inilapit ang sariling mukha sa itsura ng binata. Dahan-dahan na baka bigla ay magising ito. Ngunit gahibla na lang ang tatawirin upang magdikit ang kanilang mga labi ng siguro ay naramdaman ng huli ang presensiya niya.

Nagmulat ng mga mata si Konstantin At bumakas ang gulat sa gwapong mukha ng binata. "An—Anong ginagawa mo?" Halos pabulong na tanong nito.


Hindi niya pinansin ang tanong nito at patuloy niya lamang na pinakatitigan ang lalaki. Bakit napakabango niya? Tanong niya sa isip. Inilipat niya ang mga mata mula sa mga labi nito pataas sa mga mata nitong nagtataka sa kanyang ginagawa.


"Pwede ba kitang halikan?" Walang alinlangan at pagkahiyang tinanong iyon ng deretsahan ni Selena.


Napamaang naman ang huli sa narinig. Kumurap-kurap pa ito ng ilang beses. Hindi niya inaasahan ang sinabi ng magandang dilag.

Napalunok ng wala sa oras si Kon. "Y—You want to k—kiss me?"

Ipinaling ni Selena ang ulo sa gilid nang hindi niya maintindihan ang lenggwaheng ginamit ni Konstantin.

"Pumapayag ka na ba?" Lalong inilapit ni Selena ang katawan sa binata.

"What the—"

Naputol ang sasabihin pa ni Konstantin ng biglang magsalita ang piloto sa headset na kanilang suot-suot na senyales na ng kanilang malapit na paglapag.

Natigil silang dalawa at saka nagtatakang tinignan ni Selena ang kanyang aparatos sa tenga. Nabaling doon ang atensyon nito kaya't nawala ang tensyong nararamdaman ni Konstantin. Sinamantala niya iyon para lumayo dito ng kaunti. Niluwagan niya ang suot na necktie sapagkat nakaramdam siya ng biglang paginit ng paligid. Pakiramdam niya ay napakaliit ng pwesto para sa kanilang dalawa ng dalaga.



Nang lumapag ang heli ay kaagad na umalalay ang mga tauhan sa kanila. Naunang bumaba si Kon at sunod naman ay si Selena, inilibot nito ang mata sa paligid.


"Nasaan tayo, Konstantin?"

Para bang kuting na nawawala sa isang malawak na lugar si Selena. Ang inosente nitong mukha ay nakatitig kay Kon at hinihintay ang sagot nito. Sa pagkakataong iyon, nang muli silang magkatitigan ay nabasa ni Konstantin ang mga mata nito.


Pinagkakatiwalaan siya ni Selena.

Sinuklian niya ito ng ngiti at inilahad ang kamay. "Nasa rooftop tayo ng bahay ko."

Walang ano-ano'y inilagay ni Selena ang maliit na kamay sa nakaabang na si Kon. Pinisil nito ng mahigpit ang kamay niya at saka sila naglakad patungo sa elevator habang naiwan naman ang mga tauhan na minamane-obra ang heli.

Sumakay sila doon ng magkahawak ang kamay. Kumakabog ng mabilis ang dibdib ni Selena sa kaalamang hindi niya alam kung nasaan siya. Tiningala niya si Konstantin na kanyang katabi at ibinalik din higpit kung paano nito hawakan ang kamay niya.

May tiwala ako sa kanya.



Bumukas ang elevator at tumambad sa kanila ang malaking espasyo ng bahay. Nagaalangan na iniapak ni Selena ang paang tsenilas lamang ang sapin sa pulang carpet ng sahig na marmol. Ang pagkamangha ay bumalatay sa kanyang mukha.



Tumigil sila sa hamba ng napakalapad at napakalaking hagdaan na hinihimlayan din ng pulang carpet na dumudugtong sa limang palapag ng bahay. Doon natanaw ni Selena kung gaano nga ba kalaki ang kanyang kinatatayuan. Napakataas ng kisame nito at nasa pangalawang palapag pa lamang sila ng bahay. Napanganga siya sa mga bagay na ngayon niya lamang nakita. Mukha itong palasyo! Katulad ng mga larawang nakikita niya sa mga dalang libro ng kanyang lolo at lola.


Pagkatapos niyang mailibot ang mga mata at kay Konstantin naman nabaling ang mga ito. "Dito ka nakatira?" Usisa niya.


Tumango-tango sa kanya ang binata. Binitawan nito ang kanyang kamay at saka iminuwestra nito ang paligid. "At dito ka na rin titira." Nakangiti nitong gagad sa kanya.



Maging siya ay napangiti ngunit nawala ang kislap ng kanyang mga mata ng maalala na naman ang kanyang lolo at lola. Mukha namang naintindihan ni Kon ang inisip nito kaya't hinila niya ito at niyakap ng mahigpit.


Nasinghot niya ang mabangong amoy ng dalaga at nadama ang napakalambot nitong katawan sa kanya. Wala sa isip, lalo ay hinigpitan niya pa ang yakap na para bang ayaw niya na itong pakawalan.



"Wag kang magalala, nandito ako para sayo. Hindi kita pababayaan."



Hindi man alam ng inosenteng puso ni Selena ngunit sa pagkakatanong iyon ay nadama niya ang emosyong kailanman ay hindi niya pa nadadama.





***

ImperfectPiece

AN: Ano na kaya sa tingin niyo ang mangyayari na ngayong nasa iisang bahay na lang sila?

Selena MagdalenaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon