" Putahe "

53 0 0
                                    

                                                                 " PUTAHE "

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

                                                                 " PUTAHE "

             Takam na takam at di makapaghintay na binuksan ni Jepoy ang kalderong nakapatong sa harapang mesa , ngunit bago paman tuluyang lumantad sa mga mata niya ang laman niyon , isang pitik sa kamay ang agad niyang natanggap sa mula sa taong nakatayo mula sa likuran.

" Maghugas ka muna ng kamay. " Paasik na utos ni Mercedes.

Malungkot na tumango ang labintatlong taong gulang na binatilyo. Pansamantalang nahawi ang pananabik sa kanyang mukha nang muling makarinig ng salita galing sa mataray na madrasta. Mabigat ang mga paang tinungo niya ang lababo sa may di kalayuan. Ilang mga katanungan ang bigla'y naglaro sa kanyang munting isipan habang papalapit sa lababo. Bakit nga ba hindi siya magawang mahalin ng kanyang Nanay Mercedes ? Bakit sa tuwing lalapit siya rito'y laging lamang itong nakasimangot at naiinis ? Bakit palaging mabigat ang loob nito sa kanya kahit wala naman siyang ginagawang mali ? Higit sa lahat, bakit kailanma'y hindi siya matanggap nito bilang pamilya ? Dahil ba sa isa lang siyang hamak na anak sa labas ? Batang nabuo sa isang gabing pagkakamali at musmos na naging dahilan ng pagkawasak ng isang masayang pagsasama. Kung tutuusin, may basehan din naman si Mercedes kung bakit hirap na hirap itong tanggapin ang binatilyo sa buhay nito at maging sa mismong pamamahay. Masakit at nakakabaliw ang mapag-iwan , lalo na ang mapagtaksilan ng isang minamahal at lalong mas mahirap tanggapin na nagkaroon ng bunga ang kataksilan nito. Subalit para kay Jepoy , hindi naman tama na sa kanya pa ibunton ang sisi at lahat ng kinikimkim nitong galit. Hindi tama na siya ang magbayad sa pagkakasala ng ama. Para sa kanya, isa lamang siyang simpleng bata na tanging hangad ay ang simpleng kaligayahan. Sa loob ng tatlong buwan niyang pananatili sa bahay ng madrasta, ni minsan ay di siya nito itinuring na kapamilya. Hindi ito kinakitaan ng kahit kunting malasakit noong mga panahong may karamdaman siya. Ang mas malala pa , may mga sandaling pinagbubuhatan siya ng kamay at kung minsan umaabot pa sa puntong hindi siya pinapakain. Malaki ang ibinagsak ng timbang niya mula noon. Lapitin na rin siya ng sakit dahil sa humihinang resistensya dulot ng hindi sapat na pagkain. Napabayaan na siya ng tuluyan buhat nang pumanaw ang ama na tanging kakampi sa pamamahay na iyon. Minsan sa kanyang pag-iisa'y tinanong niya ang diyos. Ano nga ba ang silbi niya sa mundong ibabaw? Ipinanganak lang ba siya upang parausan ng sama ng loob ? Nabuhay lang ba siya upang pahirapan at paulit-ulit na saktan at kamuhian ? Muli , ibig niyang mapaluha sa mga iniisip. Kasabay ng pag-agos ng tubig sa kakalawanging gripo ang pagdaloy ng kanyang luha sa namumulang mga mata. Nasa mukha ang kawalan ng pag asang mabuhay ng maligaya.

" Ano pang tinutunga-tunganga mo diyan ?

Saka lang nagbalik sa sariling huwesyo ang binatilyo nang marinig ang mas malakas na sigaw ni Mercedes. Tila kuting na bumalik sa kanyang inuupuan si Jepoy. Minabuti niyang yumuko upang maiwasan ang mapagpintas na mga mata ng madrasta habang dahan-dahang hinihila ang silya. Tiningnan muna niya ang dalawang batang nakaupo sa harap. Maging mga ito'y takot na nagsiyukuan nang marinig ang sigaw. Dahan-dahan ang ginagawang pagsubo ng mga ito , animo'y takot makahulog ng kahit isang butil ng kanin sa hapag. Ayaw na ayaw pa namang makakita ni Mercedes ni katiting na kalat. Ultimong maliit na alikabok ay kinaiinisang niyang makita. Sandaling kumunot ang noo ng binatilyo nang mapansin ang isang bakanteng silya sa tabi ng pinsang si Marie.

The Dark Pages II  " Book Compilation " { On Going }Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon