Buong paghangang ngumiti si Edison sa babaeng natanaw niya sa bintana ng kabilang bahay. Muli kanyang nasilayan ang napakaamo nitong mukha. Hindi nakakasawang tingnan ang mala-prinsesa nitong kagandahan sa liwanag. Bukod kasi sa mala-labanos na kutis , may magaganda din itong mga mata at kulay rosas na labi. Lalo pang bumagay sa hugis ng mukha ang mahaba't itim nitong buhok na parating nakalugay at tinatangay ng hangin. Buong pagsambang tiningnan ni Edison bawat detalye ng mukha ng babaeng itinuturing niyang " modelo " ng kanyang obra maestra. Lumawig na ang nararamdaman niya para dito sa kabila ng maikling panahong inilagi niya sa lugar na'yon. Mag-iisang linggo buhat nang dumating ang binata kasama ng kaibigang si Anton na tubong Vigan. Sumama siya sa pagbabakasyon nito upang malibang at pansamantalang matakasan ang magulong siyudad ng maynila. Sa bahay ng kaibigan siya nanunuluyan hanggang sa ngayon. Isang photo journalist si Edison, hilig talaga niya ang pagkukuha ng mga litrato noon paman kaya sa ganitong propesyon niya piniling magtrabaho. Minsang kumukuha ng litrato ang binata nang aksidenteng nahagip ng lente ng kanyang kamera ang isang lumang bahay sa tapat ng ancestral house nina Anton. Luma subalit di makakailang maganda pa rin ang kabuuang istraktura ng bahay na hanggang dalawang palapag. Tila ipinagawa pa noong panahon ng mga kastila. Napakadisente tingnan ang buong anyo ng kabahayan mula sa labas, animo'y bantog at maharlikang pamilya ang nagmamay-ari. May malawak na bakuran , magandang hardin, mataas na bakod at may mayayabong na mga puno't halaman na kahit papano'y nagbibigay sigla't ganda sa atmospera ng paligid , halatang iniingatang maipreserba dahil sa kabila ng kalumaan nananatili itong nakatayo kahit daang taon na ang tanda. Subalit hindi mismong bahay ang umagaw ng kanyang atensyon kungdi ang dalagang naroroon at nakadungaw sa bintana. Makikita itong nakadungaw sa pagitan ng alas-kwartro hanggang alas sais ng hapon. Nakatanaw sa iisang dereksyon habang may hawak na abaniko. Nakaputing bestida at may paynitang suot. Isa't kalahating linggo nang nakikita ni Edison ang naturang babae at isa't kalahating linggo na rin siyang nabibighani sa angkin nitong kariktan. Tila isang matikas na ginoo sa lumang serye ang dating ng binata habang nakatanaw sa kaakit-akit na binibining nasa bintana. Gayunpaman , may mga katanungang pilit na sumisiksik sa utak niya. Sa loob kasi ng linggong nagdaan , ni minsan ay di pa niya ito nakitang bumaba ng kabahayan. Sa halip , lagi lamang itong nakatayo sa harap ng bintana , namamaypay at waring may malalim na iniisip. Hindi ito nakikita sa labas o kahit nakipaghalubilo sa sinumang kalapit na mga residente. Higit dun, ni minsan ay di rin ito ngumingiti , bagay na kanyang ipinagtataka. Minsan na niyang tinangkang lapitan ang bahay subalit palaging naaantala ang kanyang plano , parang may kung anong humahadlang. Ngunit iba sa pagkakataong ito dahil titiyakin na niya sa sarili na malalapitan ang bahay na tinitirhan ng babaeng tinatangi. Hawak ang nabiling pasalubong, lakas loob na humakbang ang binata palapit sa entrada ng bahay. Sinikap niya na huwag kabahan kahit sa totoo'y halos malunod na siya sa matinding kabog ng dibdib. Hindi ito ang unang beses na umakyat siya ng ligaw kaya kahit papano'y nakaipon siya ng sapat na lakas ng loob. Walang kahirap-hirap siyang nakapasok sa loob ng bakuran sapagkat nakabukas ang kakalawanging gate. Sandaling nagpalinga-linga ang binata bago tuluyang lumapit sa malaking pinto. Bahagya muna niyang inayos ang sarili bago sinimulan ang pagkatok. Nakatatlong katok na siya sa puntong iyon ngunit ni isang tao ay wala pang nagbubukas sa kanya. Ilang minuto na siyang nasa harapan ng malaking pinto ngunit munting tugon ay wala. Nagsisimula nang manuyo ang kanyang lalamunan dala ng matindi ng lamig. Nanunuot iyon hanggang sa kaloob-looban niya. Kalagitnaan ng disyembre kaya may kalamigan na ang klima ng panahon sa tanghaling tapat at mas lalo pang lumalamig sa pagsabit ng dapit hapon. Akmang muling kakatok si Edison nang sa wakas isang babae ang biglang iniluha ng pinto. Maganda at mukhang nasa mid 20s ito na katamtaman lamang ang taas. May mahabang buhok at medyo nahahawig sa babaeng nasa bintana. Kamuntik pa niyang mabitawan ang dala sa pag-aakalang kaharap na ang mismong sinisinta.
BINABASA MO ANG
The Dark Pages II " Book Compilation " { On Going }
HorreurIsang Libro...... Sampung kwento na tiyak magpapatindig ng iyong balahibo.... Halina't sumama sa mundong puno ng kadiliman , katatakutan at misteryo..... Tara na't salubungin ang ikalawang taon ng........ " The Dark Pages II " -Dark...