PAGOD at gutom na umuwi si Kate mula sa university nang hapong iyon. Matapos maibaba sa study table sa kanyang silid ang bag ay inilabas niya ang cell phone at pasalampak na naupo sa coach. Nag-text siya kay Jay-Jay.
Have you had lunch? tanong niya.
Kaagad naman itong nag-reply. Hours ago pa. Nasa house ka na? Dalhan kita ng fried prawn.
Napangiti si Kate at kaagad sumagot ng “OK”. Tamang-tama, she was craving for fried prawn from his family’s restaurant since yesterday. Kabisado na talaga siya ng kanyang kaibigan. Kapag ganoong gutom siya at galing sa university, isang text lang niya, in no time, her favorite foods were in front of her. At minsan, kapag hindi busy sa trabaho si Jay-Jay ay ito pa mismo ang nagdadala ng pagkain.
Minutes later. Matapos makapaglinis ng katawan at makapagpalit ng pambahay na damit ay lumabas ng silid si Kate at nagtungo sa indoor swimming pool. Naupo siya sa native dining set na nasa gilid ng pool at doon hinintay ang pagdating ni Jay-Jay.
Jason Frank Monteclaro the Third or Jay-Jay was the closest male friend she ever had. Anak ito ng namayapang best friend ng kanyang daddy at childhood friend nilang magkakapatid.
Ilang sandali pa ay dumating na ang binata at kaagad nilang pinagsaluhan ang dala nitong fried prawn at iba pang takeout food mula sa Amelia’s.
“I’ll be leaving for Seattle tomorrow, Kate,” kapagkuwa’y sabi ni Jay-Jay.
Nagulat siya sa narinig. “Why?”
“May sakit kasi si Lolo Frank, gusto niya akong makita.” Ilang taon nang nakabase sa Seattle, Washington ang grandparents ni Jay-Jay na nagpalaki rito. At ito ang kadalasang bumibisita sa matatanda.
“Pero paano ang debut ko?” nag-aalalang tanong niya.
“Isang linggo lang ako sa Seattle, Kate. Two weeks pa naman bago ang debut mo. I promise, whatever happens ako ang magiging escort mo,” nakangiting sabi pa nito.
Nakahinga siya nang maluwag. Even though they were close and he gave everything she asked for, it took a lot of courage to ask him to be her escort simply because Jay-Jay was her ultimate crush and the love of her life. But it was their little secret between her and her two best friends, Trisha and Jay-Jay’s cousin Jane.
Hindi na eksaktong maalala ni Kate kung kailan at paanong nauwi sa pagka-inlove ang paghangang nararamdaman niya kay Jay-Jay. It was easy to say she loved him because they were friends, pero sigurado siyang iba iyon sa pagmamahal na ibinibigay niya sa iba pang lalaking kaibigan niya. Jay-Jay was special. Sigurado rin siyang hindi brotherly fondness lang ang nararamdam niya rito. Dahil hindi naman siguro siya kikiligin, pananayuan ng lalamunan at pagpapawisan nang husto kapag nakikita niya itong naka-topless sa tuwing nagsu-swimming o nagba-basketball kasama ng Kuya Ken niya kung ganoon ang nararamdaman niya.
Dati, nang mapagtanto ni Kate ang nararamdaman niya kay Jay-Jay ay natataranta pa siya kapag nasa malapit lang ito. Pero unti-unti ay na-overcome niya iyon. Pero madalas ay hindi pa rin niya maiwasang mag-blush kapag pinupuri siya nito.
Pakiramdam niya ay may gusto rin naman si Jay-Jay sa kanya. Kamukha yata niya ang ultimate celebrity crush nito at katukayo niyang si Kate Beckinsale. Bukod sa pamilya niya, si Jay-Jay ang kauna-unahang umiintindi sa mga tantrums at immaturies niya. Spoiled siya rito. Wala pa siyang hiniling o ipinagawa kay Jay-Jay na hindi pa nito ibinigay at sinunod. Madalas ding itong magboluntaryong ihatid at sunduin siya sa university kapag coding siya. Ilang taon na rin ang nakararaan nang makipag-break si Jay-Jay sa last girlfriend nito at sa kasalukuyan, sa pagkakaalam niya ay wala naman itong nililigawan. May hinala siyang hinihintay lang nitong tumuntong siya sa tamang edad bago siya ligawan.
“Okay, promise ‘yan ha. Kapag wala ka talaga sa debut ko, hindi na kita papansinin kahit kailan,” pananakot ni Kate.
Nakita niyang natigilan ang binata pero sandali lang at kaagad ding ngumiti. “I promise,” muling pangako nito.
Nakuntento na siya sa narinig.
Kinamusta niya ang grandparents ni Jay-Jay at sumagot naman ito. Ilang sandali pa ay kung saan-saan na napunta ang topic nila habang patuloy pa rin sila sa pagkain.DUMATING ang araw ng debut ni Kate. Sa pagkadismaya niya ay natapat pa na may bagyo ang party. Nasa Quezon Province ang mata ng bagyo ngunit nag-signal number three pa rin sa Metro Manila. Inabot naman ng dalawang linggo si Jay-Jay sa Seattle dahil naospital si Lolo Frank. Huwebes ng gabi nang bumiyahe pabalik ng Manila ang binata subalit dahil sa bagyo ay na-stranded ito sa Hongkong.
Sabado ng gabi ang party at laking pasasalamat ni Kate nang hapon pa lang ay lumabas na ng PAR ang bagyo sa at maaliwalas na ang panahon sa Metro Manila. Subalit hindi pa rin pinayagang bumiyahe ang mga eroplano patungong Manila dahil nagkaproblema naman ang radar system ng NAIA pagkatapos mapinsala ng bagyo, dahilan upang hindi maka-attend si Jay-Jay sa party niya.
Kaagad tumawag sa kanya si Jay-Jay nang malaman nito ang nangyaring aberya. Papalahaw na sana siya ng iyak kung hindi lang ito paulit-ulit na humingi ng sorry kahit hindi naman nito kasalanan ang nangyari. He was forgiven. Hindi rin naman nito ginustong ma-stranded sa Hongkong. Siyempre pa, mas gusto niyang hindi ito makarating sa debut niya kaysa naman matuloy ang flight nito at manganib ang buhay.
Si James na isa sa mga malalapit na kaibigan ni Kate ang pumalit kay Jay-Jay bilang escort niya. Sa buong durasyon ng party, halos oras-oras ay kausap niya sa phone si Jay-Jay kaya tila nakasama na rin niya ito nang gabing iyon.
Patapos na ang party nang muling tumawag si Jay-Jay. Ibinalita ng binata na pasakay na ito ng eroplano pauwi sa Manila. Kung maari ay huwag daw muna siyang matulog at hintayin itong dumating upang makuha ang regalo sa kanya. Naghintay nga siya. Sa Monteclaro Hotel-Ortigas ginanap ang debut niya. Kahapon pa sila roon naka-check in at doon na rin siya inayusan. Bukas pa ng hapon sila magche-check out. Kasama niya sa hotel room ang bunso niyang kapatid na si Kirsten at kanina pa ito mahimbing na natutulog sa kama.
It was already three in the morning. At kahit pagod siya ay kataka-takang hindi man lang siya nakakaramdam ng antok si Kate. Inabala niya ang sarili sa pagbubukas ng mga regalo habang naghihintay sa pagdating ni Jay-Jay. Napadiretso siya ng upo nang biglang tumunog ang cell phone niya, tanda na may nag-text. Dinampot niya ang cell phone at binasa.
Hey, R U still awake? Text iyon ni Jay-Jay.
Wer R U? sa halip na reply niya.
Just outside ur room. Can I see u? Bbgay q lang ang gift q.
Awtomatikong napatingin sa pinto si Kate at mabilis na tumayo mula sa pagkakasalampak sa sofa. When she opened the door, she saw the most gorgeous man she had ever laid eyes on. Lahat ng katangiang gusto niya sa isang lalaki ay na kay Jay-Jay na-gorgeous, rich, tall, athletic, kind, generous and already working at his family’s company. Nine years ang age gap nila pero bale-wala iyon sa kanya. Gusto niya ang maturity nito at pagiging responsible.
“Happy birthday!” masigla at nakangiting bati ni Jay-Jay sa kabila ng pagkahapong mababakas sa mukha.
“Thanks.” Ginantihan ni Kate ng matamis na ngiti ang binata.
Yumuko ito, kinintalan siya ng halik sa pisngi at awtomatikong ikinulong siya nito sa matipunong mga bisig. Ilang sandaling ninamnam niya ang init ng yakap. Ramdam niya sa yakap na na-missed din siya ni Jay-Jay kahit araw-araw naman silang nag-uusap habang nasa Seattle ito.
Nang magbitiw sila, nabigla si Kate nang bigla siyang hawakan ni Jay-Jay sa kamay at hilahin patungo sa mga elevator. “Saan tayo pupunta?” nagtatakang tanong niya.
“Just come with me, nasa ‘taas ang regalo ko.”
Hindi siya nagprotesta. Kahit saan pa siya nito dalhin ay sasama siya.
Pumasok sila sa nakabukas na elevator at pinindot ni Jay-Jay ang top floor button. Nanatiling hawak nito ang kamay niya hanggang sa makarating sila sa top floor. Lumapit sila sa isa sa mga pinto at pinindot nito ang code.
Hindi na nagtaka si Kate kung bakit may access sa silid na iyon si Jay-Jay. Ang binata ang kasalukuyang COO ng Hotel Frank at Monteclaro Hotel, hotel brands na nasa ilalim ng Monteclaro & Narvantez Group of Companies na pag-aari ng pamilya nito.
Nang makapasok sila sa silid, namangha si Kate nang bumulaga sa kanya ang isang katamtamang laki ng silid na punong-puno ng iba’t-ibang uri ng mga bulaklak at mga lobo na may ibat-ibang kulay at laki. Sa sahig ay nakalatag ang pahabang pulang alpombra at sa pinakadulo, malapit sa balkonahe ay may isang two-seater table na maganda ang pagkaka-ayos. Speechless na napatingin siya kay Jay-Jay.
“I missed your party, mabuti na lang nagplano ako ng ganito para sa atin. Ngayon pa lang naman ang birthday mo, ‘di ba?”
Mabilis na tumango siya. In-advance lang ang birthday celebration niya para kung sakaling matapos ng gabing-gabing na ang party niya ay walang magiging problema sa pagpupuyat dahil wala pang pasok.
“We can still celebrate your birthday now… just the two of us, Kate,” sabi nito na titig na titig sa kanya. Muntik na siyang malunod sa asul na mga mata ng binata na kinababaliwan niya rito nang husto. “You planned this? Paanong...?”
“You’re so special to me, Kate. Just to clarify, never ever saw as my younger sister! Ang plano ko pagkatapos ng party mo ay yayayain kita rito para makapagtapat ako sa ’yo. Now that you’ve come of age, I want to court you.”
Although she had a hint before that, she was still surprised. “L-liligawan mo ako?” hindi makapaniwalang tanong niya.
Tumango si Jay-Jay. “Hihingi rin ako ng permiso sa parents mo para ligawan ka. I love you Kate and I want you to be my girl,” madamdaming deklara nito.
Pakiramdam ni Kate ay pangangapusan siya ng hininga. Hindi siya nakapagsalita. Naramdaman niya ang pag-iinit ng mga mata. Kung panaginip lang iyon ay ayaw na niyang magising pa.
“Kate?” untag nito makalipas ang ilang sandaling nakatingin lang siya rito habang nanlalabo ang kanyang paningin.
“I love you too, Jay-Jay!” deklara niya bago pa niya mapigilan ang sarili. Tuluyan na siyang napaiyak sa labis na kaligayahan.
Sandali itong napatanga. “Totoo, mahal mo rin ako?” Ang binata naman ang hindi makapaniwala.
“Yes.” Sinundan pa ni Kate ng sunod-sunod na pagtango ang sinabi. Ngumiti nang maluwang si Jay-Jay. Sinapo nito ang pisngi niya at pinahid muna ang mga luha sa kanyang mga mata bago yumuko at maingat siyang hinalikan sa mga labi.
Awtomatikong napapikit siya. She didn’t know what to do at first, hinayaan niyang gumalaw ang mga labi ni Jay-Jay, until she opened her mouth. Ginaya niya ang paghagod ng mga labi nito sa mga labi niya hanggang sa mas lumalim pa ang halik na pinagsasaluhan nila. It took time before he released her lips.
“Now, you’re my girlfriend!” bahagyang hinihingal na deklara ni Jay-Jay nang maghiwalay ang mga labi nila. Bakas sa mukha nito ang kaligayahan.
“Yes. Boyfriend na kita,” masaya ring pagsang-ayon ni Kate. Muli itong yumuko at hinalikan siya. Their kiss took longer and deeper than the first time. Pagkatapos ay pumuwesto na sila sa lamesang pinahanda ni Jay-Jay at kumain. Doon na rin nito ibinigay sa kanya ang regalo nitong necklace na may birthstone niya. Pagkatapos ay ilang oras pa silang nagkuwentuhan sa balcony at hinintay ang pagsikat ng araw habang magkayakap. Maliwanag na nang ihatid siya ni Jay-Jay sa hotel room niya.
BINABASA MO ANG
More Than Anyone - Published under PHR
RomancePara makasiguro ang kuya ni Kate na hindi na muling makikipag-date sa lalaking hindi nito gusto para sa kanya, pinakiusapan ng kuya niya ang best friend nitong si Jay-Jay na bantayan siya. Lingid sa kaalaman ng lahat, dating nakarelasyon ni Kate s...