Chapter Ten

6.3K 115 2
                                    

TWO DAYS later ay nasa airport uli si Kate. Sa pagkakataong iyon ay si Jane naman ang kasama niya at sinundo nila si Trisha. Umuwi sa bansa ang best friend  nila para magbakasyon at dumalo sa kasal nina Lolo Frank at Lola Amelia.
“Really, nakita mong hinalikan ng ibang babae ang boyfriend mo pero hindi ka nanabunot?” hindi makapaniwalang tanong ni Trisha kay Kate nang ikuwento ni Jane ang ginawang panghahalik ni Caroline kay Jay-Jay sa airport.
“I’ve changed, okay? Hanggang makakapagpasensya ako, gagawin ko, Trish. At ano na lang ang sasabihin nina Lola Amelia kung ginawa ko ‘yon?” tugon ni Kate habang nasa harap ng manibela.
Nakita niyang nagkatinginan sina Jane at Trisha. Sa kanilang tatlo, siya ang pinakamaldita kaya marahil namamangha ang mga ito sa kanya ngayon.
“Eh, nagka-ayos na ba kayo ni Kuya?” tanong ni Jane.
Umiling si Kate. Ilang beses nang nagtangkang tumawag si Jay-Jay sa kanya subalit hindi niya sinagot ang mga tawag. Nagpadala na rin ito ng mga bulaklak at nag-sorry sa text ngunit hindi rin siya sumagot. Batid niyang busy ito sa trabaho at pagsama kay Caroline kung saan-saan. Hindi niya gustong magtagal ang misunderstanding nila. Ang gusto lang naman niya ay magpakita si Jay-Jay sa kanya at mag-sorry sa kanya ng personal, at kaagad din naman niya itong patatawarin.
Pagdating nila sa bahay nina Trisha, nag-snack lang sila at hindi nagtagal ay isa-isa nang nagdatingan ang mga kaibigan nila. Ganoon naman lagi sila, nagkakaroon ng biglaang get-together kapag may dumarating mula sa ibang bansa na mga kaibigan nila.
Nagulat pa si Kate nang bandang alas-otso ng gabi nang bigla na lang dumating si Jay-Jay.
“I’m really sorry, Kate,” anito na sa kanya kaagad lumapit.
Marahil ay dahil sa pagod na hitsura at nanlalalim na mga mata ng binata na tila ilang araw nang walang sapat na tulog kaya lumambot kaagad ang puso niya kay Jay-Jay nang makita ito.
Tipid na ngumiti siya. Kinintalan niya ito ng halik sa mga labi at niyakap. “I’ve missed you,” bulong niya. 
“I’ve missed you more,” tugon nito at yumakap nang mas mahigpit sa kanya. At nang magtagpo ang kanilang mga labi ay solo na lang nila ang isang sulok na iyon sa verandah nina Trisha.

Sunday morning.  Hindi pa man sumisikat ang araw ay nasa Dasmariñas Village na si Kate at kasamang nagjo-jogging nina Jane at Trisha. Na-miss niya ang pagtakbo kasama ng dalawa. Kapwa kasi sila naging abala ni Jane sa kani-kanilang trabaho at laging tanghali na kung gumising kapag weekends kaya hindi na sila nakakatakbo nitong mga nakaraang taon. At si Trisha naman ay kadarating lang sa bansa.
High school pa lang ay dumarayo na talaga sila ng kuya niya sa village na tinitirahan ng mga kaibigan nila kapag weekends at hapon na kung umuwi. Pero sa pagkakataong iyon ay mag-isa lang siya. Ilang buwan na kasing nakadestino sa Davao ang kuya niya at ito ang overseer ng itinatayong industrial complex doon.
Tulad ng dati, pagkatapos mag-jogging ay dumiretso sila sa bahay nina Jane. Alas–sais y medya pa lang ng umaga. Tulog pa ang buong pamilya ni Jane pati na ang bisita ng mga ito.
Nag-aalmusal sila sa kusina nang pumasok ang maid upang magtimpla ng kape. Nang malaman ni Kate na inutos iyon ni Jay-Jay ay nagboluntaryo siya na siya na ang gagawa at maghahatid noon sa silid ng nobyo.
“Hindi mo naman gustong pikutin ang kuya ko niyan?” biro ni Jane nang isama na rin ni Kate sa tray na kinalalagyan ng kape ng nobyo ang kinakaing almusal. Gusto niyang makasalo sa breakfast ang nobyo bago man lang ito umalis. Mamayang hapon na kasi ang alis ni Caroline ngunit ihahatid pa ito ni Jay-Jay sa Bohol.
Napataas ang kilay niya nang ipaalam iyon ni Jay-Jay sa kanya subalit hindi na lang siya kumibo. May tiwala naman siya sa nobyo. At kahit pa liberated ang babaeng makakasama ni Jay-Jay at may gusto pa rin dito ay tiwala siyang hindi nito iyon papatulan.
“Shut up. Kung pipikutin ko siya, hindi dito kundi sa bahay namin ‘no,” nakangiting sabi niya bago lumabas ng kusina dala ang isang tray.
Bahagyang nakaawang ang pinto ng silid ni Jay-Jay kaya hindi nahirapan si Kate sa pagpasok. Wala sa kama ang nobyo niya, marahil ay nasa banyo at naliligo. Ipinatong muna niya ang dalang tray sa ibabaw ng round table bago inilibot ang tingin sa paligid.
Napakunot-noo siya nang makakita ng itim na sleeveless, short shorts, bra at T-back sa sahig patungo sa banyo na tila nagmamadaling hinubad ng isang babae. Bigla siyang kinabahan at nagkahinala. Dahan-dahan siyang naglakad sa carpented floor patungo sa banyo.
Hinawakan ni Kate ang doorknob ng pinto na bahagya ring nakabukas.  Parang sasabog ang dibdib niya sa matinding kaba. Ayaw man niyang mag-isip kaagad ng masama ngunit malakas ang kutob niya na hindi niya magugustuhan ang makikita.
Humugot siya ng malalim na hininga at pabiglang binuksan ang pinto.
At ganoon na lamang ang shock niya nang makita si Caroline at ang taksil niyang nobyo. Magkaharap at nakahawak sa isa’t-isa ang mga ito at pawang nakahubad sa ilalim ng buhos ng shower.
Napalingon sa kanya ang dalawa sa bigla niyang pagpasok.
“Kate?” gulat na gulat na bulalas ni Jay-Jay nang makita siya. Kaagad itong humakbang papalapit sa kanya at lumantad sa kanya nang husto ang kahubdan nito. Sandali lang siyang namangha sa nakita. Bago pa makalapit sa kanya si Jay-Jay, sa nanlalabong mga mata at nanlalambot na mga tuhod ay tumakbo siya palabas ng banyo.
Subalit bago pa tuluyang makalabas ng silid si Kate ay nahawakan na siya ni Jay-Jay sa isang braso habang ipinupulupot ng isang kamay nito sa baywang nito ang hawak na tuwalya.
“Kate, let me explain. Mali ang naki-”
Hindi na natapos ng binata ang sasabihin dahil isang malakas na malakas na sampal ang ipinadapo niya sa mukha nito. Nagulat ito at bahagyang lumuwag ang pagkakahawak sa kanya. Hilam sa luha ang mga mata na ubod-lakas at puno ng galit na itinulak pa niya si Jay-Jay. Nang makitang na-out of balance ito at muntik nang matumba sa sahig ay sinamantala niya ang pagkakataon at nagmamadaling lumabas ng silid.

NAPALINGON si Jay-Jay mula sa pagkakatula sa bintana sa loob ng kanyang opisina nang biglang bumukas ang pinto at pumasok si Jane. Napakunot-noo siya nang makitang sa magkabila nitong kamay ay hawak nito ang isang katamtamang laki na pulang kahon.
“Pinabibigay ni Kate, Kuya,” nakangiwing sabi ni Jane at ipinatong ang kahon sa desk niya.
Bigla siyang nakaramdam ng kaba. Tila nahulaan na niya ang laman ng kahon.
Walang salitang lumapit si Jay-Jay sa desk at tinanggal ang takip ng kahon. Nakumpirma niya ang hinala. Mga bagay na ibinigay niya noon kay Kate ang laman niyon.
“Nakikipaghiwalay na talaga si Kate sa ‘yo, Kuya.”
Pigil ang galit na nilamukos ni Jay-Jay ang isang nahawakang card. “This is so unfair, Jane. Hindi ko pinagtaksilan si Kate, ang masama pa nito ni ayaw niya akong harapin para makapagpaliwanag ako.”
Ilang araw na ang nakararaan magmula nang mahuli siya ni Kate sa banyo sa loob ng kanyang silid kasama si Caroline. He swore to God, bigla na lang pumasok sa banyo si Caroline. Hinawakan niya ito sa magkabilang balikat upang ilayo ang hubad nitong katawan sa kanya nang biglang pumasok si Kate. Pareho silang nakahubad ni Caroline sa ilalim ng shower. Natural lang na mag-isip nang masama sa kanila si Kate. Ginawa na niya ang lahat ng paraan upang kausapin siya at makapagpaliwanag sa kasintahan subalit ayaw talaga nitong harapin siya. Tumulong na rin si Jane at ito ang nagpaliwanag kay Kate sa tunay na nangyari ngunit hindi naniwala si Kate. At ngayon nga ay ibinalik na ng dalaga ang mga ibinigay niya.
“For now, I suggest you ccept her decision, Kuya. Hayaan mo munang mabawasan ang galit niya sa ’yo bago mo siya subukang kausapin uli,” payo ni Jane.
Umiling si Jay-Jay. “No, Jane, hindi puwedeng siya lang ang magdesisyon sa relasyon namin,” mariing sabi niya.
Dinampot niya ang cell phone at susi ng kotse at nagmamadaling lumabas ng kanyang opisina. Muli niyang pupuntahan si Kate. At sa ayaw at sa gusto nito ay mag-uusap sila.

HINDI na nagulat si Kate nang sapilitang pumasok si Jay-Jay sa kanyang opisina. Matapos niyang iutos kay Jane ang pagsasauli ng mga gamit na ibinigay ni Jay-Jay sa kanya, inaasahan na niyang magpupumilit na talaga itong kausapin siya. 
“It’s okay, Liza, iwan mo na kami,” aniya sa kanyang assistant nang pinipigilan pa rin nitong pumasok si Jay-Jay sa opisina. 
Tumalima naman si Liza.
“What are you doing here? We’re through. Ipinasauli ko na kay Jane ang mga bagay na ibinigay mo sa akin. Hindi mo pa ba natanggap?” kaswal na tanong niya habang naglalakad pabalik sa desk.
“Damn it, Kate. You’re so unfair!”
Napatingin siya kay Jay-Jay nang marinig ang galit na tinig nito.
“You didn’t even give me the benefit of the doubt and now you’re breaking up with me?” hindi makapaniwalang sabi nito.
Galit ding sumagot siya. “Mas unfair ka! Sinikap kong magbago at nagtiwala ako sa ‘yo. At kahit na inis na inis ako kay Caroline, hinayaan kitang makasama siya. Iyon pala, niloloko n’yo na pala ako.”
Bahagya huminahon si Jay-Jay. “I never cheated on you. Mali ang nakita mo sa bathroom ko sa tunay na nangyari. I swear, bigla na lang pumasok sa loob ng bathroom ko si Caroline at iyon ang naabutan mong eksena,” paliwanag nito.
“Do you think paniniwalaan pa kita? Minsan ka nang nagsinungaling sa akin kaya huwag mo nang asahan na maniniwala pa uli ako sa ’yo.”
“For goodness’ sake, Kate. Hindi ko sasayangin ang second chance na ibinigay mo sa akin para lang ipagpalit ka kay Caroline. And I’ve already told you why I lied that time.”
Umiling-iling siya. “Nakapagdesisyon na ako. Kung talagang mahal mo ako, rerespetuhin mo ang desisyon ko.” 
Sandali natahimik si Jay-Jay at nakatingin lang sa kanya bago muling nagsalita. “Iyan ba talaga ang gusto mo?”
Mabilis na sumagot siya. “Oo.”
“If that’s what you want, then I’ll set you free. Siguro nga hanggang dito na lang talaga tayo dahil hindi talaga magwo-work out ang relasyon natin kung hindi mo ako paniniwalaan.” 
Nabigla pa si Kate sa biglang pagsang-ayon nito sa desisyon niya. Bakit tila pinalalabas nito na kasalanan niya ang lahat? Bago pa siya muling makapagsalita ay nakalabas na ng opisina ang binata.
Tila biglang nanghinang napaupo siya sa silya. Imbes na makahinga nang maluwag dahil sinang-ayunan ni Jay-Jay ang gusto niyang mangyari ay tila mas lalong naghirap ang kalooban niya. Namalayan na lamang niya na umiiyak na naman siya. Napasubsob siya sa kanyang desk habang patuloy pa rin sa pag-iyak.
Mabilis na nag-angat ng ulo si Kate nang makarinig ng katok sa pinto. Sandaling nakaramdam siya ng tuwa sa pag-aakalang nagbalik si Jay-Jay upang bawiin nito ang sinabi nito. Ngunit lalo lang siyang napaiyak nang makitang si Jane ang dumating.
Nag-aalalang mabilis itong lumapit sa kanya at sa balikat nito niya itinuloy ang pag-iyak.

More Than Anyone - Published under PHRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon