Chapter Three

1.6K 70 11
                                    

KINABUKASAN, nagpunta si Pamela ng library ng unibersidad nila para manghiram ng aklat na makakatulong sa kanyang asignatura sa Accounting. Kakahanap pa lang ni Pamela ng mga librong kakailanganin niya at paupo na siya sa isang mesa para magbasa nang makita niyang bumukas ang pinto ng library at iniluwa niyon si Timothy. Dali-daling napaupo nang tuwid si Pamela sa mesa niya at nagsimulang buklatin ang Who’s Your CEO? na libro na nasa ibabaw ng pile ng mga hiniram niya at nagpanggap na nagbabasa upang maitago ang mukha niya kay Timothy.

            Hindi pansin ni Pamela na baligtad pala ang aklat na kanyang binabasa.

Makalipas ang ilang sandali, ginalugad ni Pamela ng tingin ang library. Hindi niya na makita si Timothy. Upang makaalis na sa library na iyon para hindi na siya datnan ni Timothy saan man ito sulok naroroon ay agad niyang kinuha ang librong hihiramin at nagmadaling naglakad papunta sa linya ng library counter. Isang lalaki ang nasa pinakahulihan ng pila ngunit napansin niyang may babaeng pipila sa likod nito kaya lalo niyang binilisan ang lakad upang maunahan ito. Ngunit dahil sa pagmamadali ay natisod si Pamela, napaluhod sa sahig at nabitawan ang aklat na hawak.

Napansin ito ng lalaki na nasa huli ng pila kaya agad na lumuhod ito para kunin ang aklat ni Pamela. Inabot ng lalaki ang aklat kay Pamela na nakaluhod pa rin dala ng pagkatisod.

“Maraming salamat...” panimula niya bago tingalain ang lalaki. Pagkatingala niya sa lalaki ay nagulat siya nang mapagsino ito.

Si Timothy!

Hindi makapaniwala si Pamela na magkakalapit sila ulit nang ganoon ni Timothy. Naramdaman niya ang pagtakas ng kulay sa kanyang mukha at ang pagkabog ng kanyang puso dahil sa kaba. Iniaabot na ni Timothy ang aklat sa kanya ngunit hindi niya ito kinukuha. Tinititigan niya nang husto ang lalaki. Hindi niya talaga maipagkakailang napakaguwapo nito sa malapitan. Taglay nito ang mala-Prince Charming na mukha na nai-imagine niya sa mga fairy tale. Pakiramdam ni Pamela, nasa isang fairy tale scene sila kung saan ang drama niya ay isang damsel in distress at to the rescue ang kanyang guwapong knight in shining armor....

 Ding! Ding! Ding! Ding!

Pinatunog ng librarian ang bell. “Hoy kayong dalawa riyan? Manghihiram ba kayo ng libro o maghapong magtititigan na lang diyan! Ang haba na ng pila. Uy!” galit na wika ng masungit na librarian.

Tiningnan ni Pamela ang linya at napansing mahaba na nga ang pila ng mga estudyanteng manghihiram ng libro. Nakaramdam siya ng hiya. Kaya agad niyang kinuha ang aklat kay Timothy. Tumayo na rin ang lalaki para ipagpatuloy ang panghihiram nito ng aklat. Napansin ni Pamela na ang librong hinihiram ni Timothy ay may pamagat na Introduction to Psychology. Doon napagtanto ni Pamela na Psychology pala ang kurso nito. Nang matapos si Timothy, kinalabit ito ni Pamela.

“Salamat nga pala sa pag-abot mo ng libro. A--ko nga pala si P--amela,” nauutal pang pakilala niya sabay lahad ng kanyang kanang kamay. Tiningnan muna ni Timothy si Pamela nang matagal.

Patay! Mukhang galit siya dahil sa ginawa namin sa kanya kahapon sa Lily Hill. Lalo na yung ginawa ko sa kanyang muntikang paghalik, natatakot na nasasaisip ni Pamela.

Laking pasasalamat sa Diyos ni Pamela nang biglang ngumiti si Timothy at kinamayan siya nito. Sa pagngiti ni Timothy, napansin ni Pamela na may dimples ito sa magkabilang pisngi tulad nga ng nasabi ni Mona sa kanya. Pagkatapos ngumiti ay idinikit ni Timothy ang kanang kamay sa mga labi nito at iminuwestra iyon papunta sa direksyon ni Pamela at saka umalis.

Natulala si Pamela at sinundan ng tingin si Timothy na palabas na ng library. Animo’y matutunaw na si Pamela sa kinatatayuan habang ginugunita nito ang mga ngiti ni Timothy sa kanya at ang pagdadaupang-palad nila.

When You Say Nothing At AllTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon