Chapter 26

588 11 0
                                    

"Nay!" , masayang tawag niya sa kanyang ina ng mabungaran niya ito sa may tapat habang isinasara nito ang kanilang maliit na tindahan. Kabababa lang niya ng kotse at tumakbo na siya papalapit dito upang yumakap.

"Anak, hindi ka man lang nagsabi na uuwi ka ngayon", sabi nito habang nakayakap rin sa kanya at tuwang-tuwa na makita siya.

"Pasensya na po, biglaan po kasi."

Isang tikhim ang nakapagpahiwalay sa pagyayakapan nilang mag-ina. Paglingon niya ay nakatayo na sa may likuran niya ang binata.

Kita niya ang pagkagulat sa mukha ng kanyang ina nang makita nito ang binata.

"Siya nga po pala 'nay, si Max po, b-boyfriend ko po. Asul, nanay ko nga pala", pakilala niya sa mga ito.

Inilahad naman ng binata ang kanang kamay sa inay niya na tinanggap naman ng ginang. Halata pa niya ang medyo panginginig ng kamay ng kanyang ina pero natigil din naman.

"Nice meeting you po", magalang at nakangiting turan ng binata sa kanyang ina.

"N-nice meeting you rin, hijo" titig na titig ito sa asul na mga mata ng binata na parang bigla itong may naalala. "Halina kayo anak sa loob at madilim na rito", pagkuway aya nito sa kanila.

Tinulungan na muna niya ang binata na magbaba ng kanilang mga dalahin at maiayos ng binata ang pagkakaparada ng kotse nito sa may gilid ng daan bago sila tuluyang pumasok sa loob ng bahay.

Pagkapasok nila ay kita niyang naghahanda na ng hapunan ang kanyang ina.

"Asul, upo ka muna. Tutulungan ko lang si inay", paalam niya sa binata. Tumango naman ito sa kanya.

Pagkapasok niya sa kanilang kusina ay agad siyang kumilos upang tumulong sa paghanda ng kanilang hapunan.

"Nay, ako na po diyan", agaw niya sa ginagawa nitong pagtitimpla ng juice nang matapos siya sa pag-aayos ng lamesa.

Iniabot naman nito sa kanya ang isang baso. "Painumin mo muna ang nobyo mo, tiyak na napagod iyon sa pagbiyahe rito."

"Opo, 'nay"

Tangan ang isang baso ng juice ay bumalik siya sa sala upang ibigay iyon sa nobyo. Hawak nito ang isang frame kung saan nakalagay ang picture nilang mag-ina.

"Mukha lang kayong magkapatid ng nanay mo rito", tukoy nito sa larawan ng maramdaman ang presensya niya. Suot na nito ang dalang tsinelas at prenteng nakasandal sa upuan na parang nasa sariling bahay lang habang masusing pinagmamasdan nito ang larawan.

Inabot niya ang baso rito bago sumagot. "Syempre, maganda kasi ang nanay ko", pagyayabang niya na sinundan niya ng tawa. Napangiti naman ang binata sa tinuran niya at saka uminom.

Sabay pa silang napalingon ng tumawag ang kanyang ina.

"Halina kayo anak at maghapunan na muna tayo", aya nito sa kanila.

Sabay-sabay silang dumulog sa hapag-kainan at umusal ng pasasalamat bago kumain.

Masyadong maasikaso ang kanyang ina kaya pati ang paglalagay ng ulam sa plato ng binata ay kinasiyahan na nitong gawin.

"Mapaparami ata ang kain ko nito", tumatawang sabi ng binata.

"Masarap magluto ang nanay ko baka hanap-hanapin mo yan", sabi niya sa binata na ikinatawa nila.

"Eto pa anak, dagdagan mo iyang ulam mo at damihan mo rin ang kain", natutuwang wika ng ina kay Vivien. "Siya nga pala hijo, tingin ko ay hindi ka purong Filipino. Buti at marunong kang managalog. Saan ka nga ipinanganak?", pagtatanong ng kanyang ina habang kumakain.

Cold and Empty (Completed) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon