Kleo's POV:Mabilis na kumalat ang tensyon sa buong paligid. Tila nakikiramdam din sa paligid ang magkakapatid na Erfigal. Nakasuot sila ng mahahaba at maiitim na mga damit. May malaking sumbrero din silang suot. Napaatras ako ng mapalingon sa gawi namin ang magkakapatid agad na pumauna si Prie sakin at si Zeren.
Akmang lalapit ang isa sa mga Erfigal, si Ranye ng may dumating na sasakyan at huminto ito sa di kalayuan. Malinaw kong natatanaw ito mula rito sa kinatatayuan namin. May naunang bumaba na isang Ginoo at kasunod nito ay si binibining Marione? Maya-maya pa ay bumaba ang isang Ginang.
"Ma?!" dinig kong sabi ni Zeren.
"Pa,akala ko bukas pa darating si Mama?" tanong nito sa kanyang ama.
"Iyon ang sabi niya saakin bago ako maunang pumarito." sagot ng Lord Ifrit at nagsimulang maglakad patungo sa tarangkahan.
Agad na sumunod si Zeren at napatainod naman ako ng hilahin ako ni Prie.
"Teka Prie pasasaan tayo?" mahina kong tanong.
"Kapag tayo lamang ang naroroon may pagkakataon silang atakihin tayo ng walang kahirap-hirap dahil wala na doon ang Lord Ifrit. Sa tingin mo bakit hindi sila gumagalaw agad sa kinatatayuan nila? Maliban kay Ranye?" makahulugan niyang sabi.
May punto naman si Prie,ang mga Silverstone ang dahilan kung bakit hindi sila makakaatake ng ganun kadali. Huminto kami ni Prie sa tarangkahan mismo at nagmasid sa mga susunod na gagawin ng magkakapatid na Erfigal. Bakas ang pagkairita sa mga mukha nila lalo na ni Roya at ng mahuli niya akong nakatitig sa kanya ay tinapunan niya ako ng masamang tingin.
Hindi ko pinansin ang ginawa niyang iyon. Akmang lalapitan ulit ako ni Ranye ng pigilan siya ng mga ugat na biglang umusbong sa lupa.
"Umalis na kayo rito ngayon din,Erfigal." napalingon ako sa nagsalita.
Si binibing Marione at nagliliwanag ang kanyang mga mata. Nakita ko ang pagtiim ng bagang ni Ranye. Naglabas siya ng mahabang espada at akmang aatake nang may tumilapon na punyal mula sa kung saan. Bigla na lang may lumitaw at pinalibutan ang mga Erfigal.
Mga tagabantay??! Bantay ng mga maharlika. Mawawari mo na mga bantay sila dahil may mga suot silang aksesorya sa kanilang kamay na may kulay asul na bato sa gitna. Hindi naman ito basta bastang maisusuot kung hindi ang isang maharlika o ang mataas na opisyal ng mga tagabantay ang maggawad nito sayo.
Hindi basta-basta ang mga tagabantay dahil kapag inutos ng maharlikang pinaglilingkuran nila na hindi ka maaaring makaalis talagang hindi ka makakaalis. Kapag nagpumilit ka naman,dalawa lamang ang pagpipilian mo. Ang sumunod o ang managot.
"Ranye,tayo na balikan na lamang natin iyang itinakwil." madiing saad ni Roya.
Itinakwil?! Napabaling ako sa binibining walang malay na hawak ng kakambal ni Zeren. Siya ba ang tinutukoy ni Roya?
"At huwag mong kalimutan ang prinsesa,Roya." muli akong napabaling sa nga Erfigal at lahat sila ay nakatingin saakin.
"Kailangan din natin siya." nakangising sabi ni Rena.
"Tama,tayo na!" kasabay nun ay ikinumpas ni Roya ang kanyang kamay at may makapal at itim na usok ang pumalibot sa paligid.
Nang mawala iyon ay wala na din sila. Ano naman ang kailangan ng mga ito sakin?
****
Devi's Pov:
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata. Ang sakit ng ulo ko. Hindi naman ganito kalambot ang aking kama. Unti-unting luminaw ang aking paningin at agad akong napabalikwas ng bangon ng makita ko ang isang magara at hindi pamilyar na lugar.
