ⅰ.

252 18 27
                                    

Ang init.

Ang daming tao.

Siksikan.

Haaay.

Ano ba kasing ginagawa ko rito?

"Ang tagal naman magsimula." Napalingon ako kay Hayley nang bigla siyang magsalita. 

Kasalukuyan kasi kaming nandito sa labas ng simbahan at hinihintay magsimula ang prusisyon.

"Six pm nga ang simula 'di ba? Masyado ka kasing excited pumunta. Ayan tuloy napaaga tayo," sagot naman sa kanya ni Jayne.

Napailing na lang ako sa dalawang kasama ko. Kanina pa dapat ako nakauwi pagkatapos ng misa, pero heto ako ngayon, kasama 'tong dalawa at naghihintay.

"Hoy Ali! Bakit ang tahimik mo r'yan?" Nakataas ang isang kilay na napatingin ako kay Jayne.

"Paki mo ba?" sagot ko sa kaniya sabay punas ng pawis sa noo.

"Ang sungit nito! Meron ka 'no?"

"Wala! Naiirita lang ako. Kung bakit kasi hinila niyo pa ako rito. Sabi ko magsisimba lang ako hindi makiki-prusisyon."

Ngumiti nang nakakaloko si Jayne sa akin. "Ngayon lang naman ito Ali, para maranasan mo naman kung ano ang pakiramdam ng sumasali sa prusisyon."

Napailing na lang ako. Hindi kasi ako sumasali sa prusisyon na ginaganap pagkatapos ng pang-hapon na misa tuwing Biyernes Santo. Pagkatapos ng misa, nanonood lang ako o kaya minsan ay umuuwi na agad. Pero ngayon wala akong choice, kinuha kasi ni Jayne ang susi ng sasakyan ko pati na rin wallet. Kung pwede lang akong maglakad pauwi ginawa ko na.

"Magsisimula na yata." Biglang napatayo si Hayley, kaya naman pati kami ni Jayne ay napatayo na rin. 

Nakita kong linalabas na ang unang santo mula sa simbahan. Buhat-buhat 'to ng mga lalaking nakasuot ng kulay puting damit. May mga taong nakasunod na rin dito.

"Tara, 'yan na lang sundan natin," aya ko sa kanila para mabilis din kaming makakabalik dito sa simbahan. Gusto ko na kasing umuwi dahil sumasakit na ang ulo ko sa init.

"Mamaya na 'yong Pieta ang sundan natin," sagot naman ni Hayley habang tinitingnan ang mga rebultong dumaraan.

Umikot ang mga mata ko. Nagawa pa talagang mamili. Akala ko ba naiinip na ang isang ito? Kulang na lang talaga magpa-padyak ako sa inis.

"Oo nga. H'wag kang excited, Ali," dagdag pa ni Jayne. 

Napaismid na lang ako. Wala naman akong choice kung hindi maghintay.

Makalipas ang sampu pang rebulto sa wakas lumabas na rin 'yong hinihintay namin.

"Ayan na! Tara!" Bigla na lang akong hinila ni Jayne na ikinagulat ko.

"Teka! Teka naman! Makahila naman 'to."

Nakisabay kami sa kumpol ng mga tao, buti na lang hindi masyadong marami. Ayoko kasing makipagsiksikan dadagdag lang 'yon sa nararamdaman kong sakit sa ulo.

Masayang nagkwe-kwentuhan si Hayley at Jayne habang naglalakad kami. Nasa unahan ko sila ng ilang dipa. Napailing na lang ako dahil imbes na magdasal ng tahimik ay nagkwe-kwentuhan sila. Nasa kalagitnaan na kami ng prusisyon nang biglang may magsalita sa tabi ko.

"Miss, pwede bang makisindi?" Napalingon ako sa nagsalita pero dibdib ang bumungad sa paningin ko.

Ang hirap talaga maging maliit. 

Nag-angat ako ng tingin at ayon na nga, isang kapreng pogi ang bumungad sa akin. Nakangiti siya sa akin at kahit sa malamlam na ilaw na nanggagaling sa kandilang hawak ko ay kitang-kita ko ang perpektong mga ngipin niya. Itim na itim din ang kulay ng mga mata niya, o dahil lang din ba 'yon sa ilaw? Ah ewan.

Scribbled MetaphorsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon