Part 25

8.3K 204 2
                                    


CHAPTER TEN

HUNGKAG ang pakiramdam ni Jeg nang hindi niya magisnan si Keith. Ang tahimik na silid ay tila nais bumingi sa kanya. Bakit hindi man lang siya hinintay magising nito? Dahil ba sa nangyari kagabi sa pagitan nila?

Matamlay na bumaba siya ng kama, tinungo ang banyo, at naligo habang pinipilit iwaksi sa utak niya ang mga negatibong isipin. Last night, she bared her all, including her emotions. Puso ang pinagana niya at hindi ang kanyang isip. It was one memorable night and for her, it was lovemaking. Umaasa siya na sana ay ganoon din ang tingin doon ni Keith at hindi pisikal na pangangailangan lamang. Pero paano nila pakikitunguhan ang isa't isa pagkatapos ng nangyari sa kanila? Kung sana ay nagisnan niya ito para nakapag-usap agad sila pero umalis si Keith na marahil ay naiilang din sa nangyari.

Tinapos niya ang paliligo at nagbihis ng isang kumportableng kasuotan bago nagtungo sa kusina. Muling pumuno ang kalungkutan sa kanyang dibdib nang wala siyang makitang pagkain na inihanda ni Keith.

'Ayan, Jeg, masyado mo kasing sinanay ang sarili mo kaya kaunting pagbabago lang ay apektado ka na. Binibigyan mo na ng kulay ang lahat... Ipinilig niya ang kanyang ulo para iwaksi ang isiping iyon. Buntis siya at may hormonal imbalance siya kaya siya nagiging emosyonal.

Inabala na lang niya ang sarili sa pagtingin-tingin sa mga photo album nila ni Keith. Iyon ay ang mga litratong naipon nila noong magkaibigan pa lamang sila. Saglit na nawala ang mga alalahanin niya dahil doon.

Sumapit ang tanghalian. Nagluto siya ng sinigang na hipon dahil iyon ang paboritong ulam ni Keith. She set the table. Nang matapos sa paghahanda ng mesa ay bumalik siya sa sala at inabala ang sarili sa panonood ng telebisyon habang naghihintay rito. Hindi pa pumalya si Keith na sabayan siya sa tanghalian at kahit gaano ito ka-busy ay umuuwi ito kaya natitiyak niya na hindi rin siya bibiguin ni Keith nang araw na iyon.

Lumukso ang puso niya nang tumunog ang telepono. Somehow, she knew it was Keith. Hindi niya alam kung bakit kailangan pa niyang tumikhim bago niya nagawang maiangat ang telepono. She was nervous.

"Jeg," agad na wika nito. Hindi nga siya nagkamali ng hula na si Keith ang tumatawag.

"Yes, Keith..."

"I'm sorry pero hindi ako makakauwi ngayon at hindi kita masasamahan sa pananghalian..."

May mga sinabi pa si Keith pero hindi na niya iyon naunawaan dahil tila nagmamadali ito. "O-okay lang," sagot niya. Pilit siyang nagpakatatag para itago ang lungkot at disappointment,

"Magpapadala na lang ako ng pagkain diyan. What do you want to eat?"

Napapikit siya. I cooked your favorite meal, Keith. "O-okay, kahit ano na lang. Ikaw na ang bahala," aniya. Hindi na kailangang malaman ni Keith na nagluto siya. Narinig niya nang bumuntong-hininga ito sa kabilang linya.

"Jeg, I—" Hinintay niya kung ano ang sasabihin nito pero nanahimik lang ito, saka nagpaalam na sa kabilang linya. "Bye, Jeg."

"B-bye..."

Ano ka ba naman, Jeg? Hindi ka lang masasamahan ni Keith kumain ng tanghalian, bakit kung makaakto ka, akala mo ay pinagsakluban ka na ng langit at lupa? Cheer up and smile, baka maging malungkutin din ang bata, sita niya sa kanyang sarili.

Nagpunta siya sa kusina. Wala siyang ganang kumain pero hindi puwedeng hindi siya kumain dahil bukod sa kanya ay may munting buhay sa kanyang sinapupunan na nangangailangan ng maraming sustansiya.

Noong hapon ay muling tumawag si Keith dahil gagabihin daw ito ng uwi. Huwag na raw siyang maghintay at matulog siya nang maaga. Gustuhin man niyang magtanong ay hindi na lang niya ginawa. Sinubukan pa rin niyang hintayin si Keith pero lumalim na ang gabi ay wala pa rin ito. Ipinasya niyang pumasok sa silid at humiga sa kama.

Ano'ng nangyayari sa atin, Keith? tanong niya sa kanyang sarili habang nakatitig sa kisame ng kuwarto. Bakit pakiramdam niya ay unti-unti nang lumalayo si Keith sa kanya? Ang akala pa naman niya ay magiging maayos ang lahat sa pagitan nila pagkatapos ng nangyari sa kanila nang nagdaang gabi. Pero tila iyon pa ang magiging problema nila.

Nagsisisi ba si Keith sa nangyari dahil hindi talaga siya nito mahal?

"Oh, God!" bulalas niya nang maalala ang babaeng ikinukuwento sa kanya ni Keith. Paano nga pala siya mamahalin nito kung may mahal na itong iba. Nasasaktan siya sa katotohanang iyon pero naaawa rin siya kay Keith. Nagsakripisyo ito para iligtas siya sa kahihiyan. Hindi siya dapat humingi ng kahit anong demand sa asawa niya dahil sa sobrang abala na ginawa niya rito.

Natilihan siya nang maramdaman ang pagbukas at muling pagsara ng pinto ng condo unit. Pumikit siya at nagkunwaring tulog na.

Naramdaman niya ang maingat na pagpasok ni Keith sa kuwarto. Nakapikit siya pero ramdam niya ang mga mata nito na nakatutok sa kanya. She heard him sighed. Pagkalipas ng ilang sandali ay pumasok ito sa banyo. Narinig niya ang lagaslas ng tubig mula roon. Jeg remained still until he walked out from shower. Ramdam niya nang bahagyang lumundo ang kama sa gilid niya. Marahil ay umupo si Keith doon.

"Goodnight, Jeg," mahinang sabi nito. Mabuti na lang at napigilan niya ang sarili na mapasinghap nang dumampi ang mga labi nito sa pisngi niya. Pagkatapos ay naramdaman niya ang muling pagbukas at pagsara ng pinto ng silid nila. Hindi niya napigilan ang pagpatak ng mga luha niya.



Te Amo, Forever And Ever (Completed!)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon