CHAPTER TWELVE
"ANO 'YON, Keith?" tanong ni Jeg nang makarinig ng mga komosyon habang tinutungo nila ang parking lot. Sa tingin niya ay galing ang ingay sa kabilang subdivision.
"Demolition diyan sa kabilang kanto. Kahapon pa sana 'yan pero nagmamatigas ang mga illegal settler. Ngayon na siguro itinuloy."
"Oh," aniya. Bahagya siyang napapitlag nang makarinig siya ng mga putok ng baril. "N-nagkakagulo na yata, Keith..."
Hinapit siya nito. "Hep, huwag kang mag-panic. Baka magulat din si baby," sabi nito bago binilisan ang paglalakad patungo sa sasakyan. Agad nilang narating iyon.
Binubuksan na ni Keith ang kotse nito nang bigla itong matigilan. His eyes grew wide in horror as he put his hand on his chest. Sumandal si Keith sa kotse nito.
"Keith, ano'ng nangyayari? May masakit ba sa— God!" Nangilabot siya nang makita niyang unti-unting namumula ang damit ni Keith sa bandang dibdib nito. It was blood!
"Keith! Help! Help! Tulungan n'yo kami," hysterical na sigaw niya habang dinadaluhan si Keith. Agad na tumulo ang mga luha niya habang si Keith ay tila pilit na pinapayapa ang sarili.
"Tulong! Please call an ambulance!" sigaw pa rin niya. Agad na lumapit ang ilan sa mga trabahador. Ang iba ay may hawak nang cell phone na tila tumatawag na sa pinakamalapit na ospital.
"Jeg, ano'ng nangyari?" tanong ng isang lalaki na nakilala niyang isang arkitekto roon. Agad siyang tinulungan na alalayan si Keith bago pa ito tuluyang bumagsak.
"I-I d-don't know. Oh, God, I don't know. B-bigla na lang dumugo ang dibdib ni Keith," umiiyak na sabi niya.
"Stray bullet. Maaaring tinamaan si Keith ng ligaw na bala galing diyan sa kabila," sabi nito.
Nangilabot siya dahil sa bandang dibdib ni Keith umaagos ang dugo. Naidalangin niyang hindi sana malala ang tama nito.
Niyakap niya si Keith na noon ay maputlang-maputla na. "K-Keith, p-please hold on... Darating na ang ambulansiya. H-honey, p-please, please hold on..."
"J-Jeg... I-I l-love y-you," sabi nito sa mahinang tinig.
"I love you, too. P-please... please, hold on, honey," sabi niyang pilit na nagpapakatatag.
Bahagya siyang nakahinga nang maluwag nang agad dumating ang ambulansiya sakay ang mga hospital staff. Nalapatan agad ng first aid si Keith, pagkatapos ay agad itong isinakay sa ambulansiya. Ilang sandali pa ay narinig na ang sirena ng ambulansiya sa kalsada.
"J-Jeg..." tawag ni Keith sa kanya.
"K-Keith, d-don't talk... P-please, Keith, don't talk anymore. Please... you'll be all right, honey." Pinahid niya ang mga luhang namalisbis sa kanyang mga pisngi. Dapat ay ipakita niya rito na matapang siya pero kahit ano ang gawin niya ay hindi niya mapigilan ang pagdaloy ng mga luha niya. Gusto niyang sumigaw nang sumigaw sa takot at pag-aalala pero alam niyang hindi iyon makakatulong. "Magpakatatag ka Keith, I need you. Kailangan ka ng anak natin..."
"J-Jeg..." sabi nito sa bahaw na tinig. Ang nanginginig na kamay nito ay mahigpit na nakakapit sa kamay niya. "I-I'm so sorry..." Tila kumislap ang mga mata nito dahil sa luha. "M-may k-kasalanan ako sa 'yo..." His eyes were pleading for forgiveness.
Umubo ito at may lumabas na dugo mula sa bibig nito. Muntik na siyang mapatili dahil doon. Mabuti na lang at napigilan niyang lumabas ang tinig niya pero lalo siyang nanginig at natakot.
"W-whatever it was, Keith, pinapatawad na kita."
Naging mabilis ang biyahe nila papunta sa ospital. Ilang sandali pa ay mabilis nang isinasakay sa stretcher si Keith para dalhin sa emergency room.
Itinaas ni Keith ang kamay nito na tila pinapalapit siya. Inilapat niya ang tainga niya sa mga labi nito para marinig niya ang sasabihin nito.
"T-that night, I-I was t-the one who w-wronged you. I—I f-fathered your child... H-he's my blood. T-that m-man on the bar, h-he's in j-jail," pabulong na sabi nito sa tinig na tila halos hindi na niya maunawaan.
Nanigas ang katawan ni Jeg. Agad na nagsalimbayan ang mga alaala sa isip niya. Nabitawan niya ang kamay ni Keith habang patuloy sa mabilis na paggulong ang stretcher. Naging mabagal din ang paghakbang niya hanggang sa tuluyan na siyang naiwan niyon.
Naihatid na lamang niya ng tanaw si Keith habang ipinapasok ito sa emergency room. Bago tuluyang sumara ang pinto ng emergency room ay nakita pa niya ang malungkot na mga mata nito. Nakatingin ito sa kanya na tila humihingi ng kapatawaran.
Si Keith ang lalaking iyon? Pero paano nangyari 'yon?
Nakatulalang naglakad si Jeg patungo sa direksiyong hindi niya alam kung saan patungo. Hanggang sa makarating siya sa chapel ng ospital. Umupo siya sa pinakaunahang upuan. Hindi pa rin siya makapaniwala sa ipinagtapat ni Keith.
Pumikit siya at pilit binalikan sa isip ang mga pangyayari nang gabing iyon. Ngayon lang niya ginawa iyon at ngayon niya napagtanto na magkaiba ang naging reaksiyon niya sa lalaking kasama niya sa kotse at sa lalaking pinagbigyan niya ng sarili niya.
Hindi niya maikakailang nagustuhan niya ang paraan ng paghaplos sa katawan niya ng lalaking nakaniig niya. And she remembered how she was drawn to his manly scent—iyon pala ay dahil pamilyar talaga siya rito. Ni hindi niya nakita kung ano ang hitsura ng lalaking iyon dahil sa kadiliman.
"God!" bulalas niya nang tila bumalik siya sa gabing iyon at narinig niya ang sinabi ng lalaki: "Te amo."
It was Keith, it was him! Nangilabot siya sa kumpirmasyong iyon. Pero paano ito napunta roon?
Napatingin siya sa imahen ni Hesus na nasa harap. Kinapa niya ang sariling damdamin. Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman. Dapat ba siyang magalit kay Keith? Isusumpa ba niya ito dahil sa nangyari o magpapasalamat siya rito dahil naroon ito nang kailanganin niya ng isang tagapagligtas.
Pilit na nagsusumiksik sa isip niya na kung wala si Keith nang gabing iyon ay marahil na napahamak siya sa lalaking iyon.
He saved me, sabi ng isang bahagi ng isip niya. Iyon na lang ang rason na kaya niyang ibigay sa ginawang iyon ni Keith. Wala siyang kontrol noon sa sarili niya at gusto niyang maniwala na mahal siya ni Keith kaya nangyari ang bagay na iyon.
Of all people, si Keith pala na mahal niya ang totoong ama ng ipinagbubuntis niya. Kaya pala ganoon kadeterminado si Keith na pakasalan siya at panagutan ang ipinagbubuntis niya.
Pero bakit hindi ipinagtapat iyon ni Keith sa kanya? Dahil ba natatakot itong magalit siya at mawala siya rito? Knowing Keith, alam niyang wala itong masamang intensiyon. Hindi niya alam kung ano ang dapat isipin nang mga oras na iyon. Ang alam lang niya ay hindi niya kayang mawala si Keith sa kanya. Ipinaubaya na lang niya ang lahat sa Maykapal.
Pinahid niya ang mga luha niya. Please, God, huwag N'yo pong hayaang mawalan ng ama ang anak ko. Kailangan namin siya. Mahal ko siya... Iligtas N'yo po siya.
Tumayo si Jeg at mabibilis ang hakbang na bumalik sa labas ng emergency room. Kasalukuyan pa rin itong nilalapatan ng lunas. Noon niya naalala na tawagan ang mga magulang nito pati ang pamilya niya para ipaalam ang nangyari. Pumunta siya sa nurse's station at nakigamit ng telepono roon. Pagkatapos ay bumalik na siya sa waiting area habang umuusal ng panalangin para sa kaligtasan ni Keith.