"I DON'T know how to start, Jeg." He laughed nervously. "So maybe, this could start it all..." sabi ni Keith habang pinagmamasdan ang kalahati ng shell na may nakaukit na, For the woman I love the most sa kanyang palad. Umiling-iling siya, parang hindi magandang simula ang mga linyang iyon sa gagawin niyang pagtatapat sa asawa.
Kaninang umaga ay buong-buo na ang plano niya na magtapat kay Jeg. Sasabihin niya rito kung gaano niya ito iniingatan sa puso niya. He owed it to her. Ipinagkatiwala ni Jeg ang lahat sa kanya kaya nararapat lang na maging matapat siya rito, lalo na at naging ganap na ang pagiging mag-asawa nila. Kung puwede lang na huwag siyang umalis sa tabi nito kaninang umaga.
Napangiti siya nang maalala ang mahimbing na tulog ng asawa. Marahil ay napagod ito nang husto dahil pasado alas-nuwebe na ay tulog pa ito. Still, he watched her sleep and waited for her to wake up.
Pero naisantabi niya ang plano nang makatanggap ng tawag mula sa mga tauhan niya. May nangyari daw na aksidente sa construction site na pinamamahalaan niya. Dali-dali siyang nagpunta roon at nalaman niya na may isang scaffolding na bumigay. Tatlong trabahador ang kritikal ang kondisyon sa ospital dahil hindi sinunod ng mga ito ang safety procedures. Gayunman ay responsibilidad niyang asikasuhin ang mga ito. Hindi siya umalis sa ospital hangga't hindi niya nasisiguro na maayos at ligtas na ang mga ito, lalo na nang makita niya ang mga anak ng mga ito. Hindi niya masabi kay Jeg ang aksidente dahil baka mag-alala ito at makasama pa iyon sa anak nila.