PROLOGUE

12.1K 170 7
                                    


February 13, 2012

"ASAN ka na? Magsisimula na ang movie! May tickets na ako." May halong inis ang boses ni Portia. Kausap niya ang boyfriend na si Francis sa kabilang linya.

Mag-iisang oras na siyang gumagala sa Trinoma sa paghihintay sa kasintahan kaya ipinasya niyang pumunta na sa harapan ng Cinema 3 dahil malapit nang magsimula ang palabas. Isang araw na lang at Valentine's Day na kaya hiniling niya kay Francis na manood na lang sila ng sine. Pumayag naman ang nobyo  bagaman noong una ay iginigiit nito na sa ibang lugar sana sila mag-date. Sa isang lugar daw na makakapagsolo sila.

"Sorry, babe, may emergency sa amin. Kailangan kong umuwi ng Laguna ngayon. Nag-taxi na nga ako papunta sa bus terminal sa Cubao. Tumawag ang ate ko. Nag-collapse raw si Mommy, isinugod nila sa provincial hospital. Kaya uuwi muna ako, babe."

"Ha?O sige, sige. Mabuti pa ngang puntahan mo na agad ang mommy mo. Update mo lang ako, ha. Please?"

"Oo. Pasensiya ka na, hindi kita agad natawagan para sabihan na huwag ka ng tumuloy diyan. Tinawagan ko rin kasi  'yong isa kong kapatid. "

"Okay lang, Francis. Ang importante ay mapuntahan mo na agad ang mommy mo para malaman mo na ang kalagayan niya. Ingat ka. Tawagan mo ako, ha?"

Pagkatapos makausap ni Portia ang nobyo ay napatingin siya sa hawak na dalawang ticket. Mahaba ang pila sa Cinema 3 at halos mga bata at mga teenagers na kasa-kasama ang mga magulang ang manonood sa palabas na Tangled.

Sampung minuto na lang at magsisimula na ang palabas. Urong-sulong si Portia kung manonood ba siya  nang wala si Francis. Nag-alala siya para sa mommy nito. Gayunman ay nagpasya si Portia na manood kahit nagi-isa lang. After all, gustong-gusto niya ang mga ganoong klaseng palabas at hindi niya palalampasin ang pagkakataon na mapanood sa big screen ang animated movie adaptation ng fairytale story na Rapunzel.

Saglit pa ay nasa loob na si Portia ng sinehan. Pangatlong row ang pinili niyang puwesto. Napaka-cozy ng sinehan, tamang-tama lang ang lamig ng aircondition at napakabango. Kaya naging suki na siya ng Trinoma Cinema.

Engrossed na sa panonood si Portia  nang magsimula ang palabas. Marami ang nakakatawang eksena na talagang nagpahagalpak sa kanya nang malakas. Aliw na aliw siya sa kabayong si Maximos at ang alagang chameleon ni Rapunzel. Higit sa lahat , kilig na kilig siya sa mga eksena nina Rapunzel at ang bandit na si Flynn. Ang pinakagusto niya ay ang eksena noong nasa sa bangka ang dalawa habang pinanonood nina Rapunzel at Flynn ang pagkarami-raming lantern na pumapaimbulog sa kalangitan, ang eksenang napatitig si Flynn kay Rapunzel,  at mayamaya ay nagkatitigan na ang dalawa ...  and from that moment on they fell in love...

Napaiyak si Portia nang mamamatay na si Flynn. Ano pa at na-carried away siya sa pag-iyak ni Rapunzel kaya panay ang singhot niya. Nagulat na lang siya nang may biglang dumantay sa kanyang balikat. Nagulantang siya nang paglingon niya ay makita ang may-ari ng kamay na dumantang sa kanyang  balikat.

"Hello! Okay po ba kayo?" nakadukwang at malakas na sabi ng paslit. "'Eto, tisyu po."

May katabi ang paslit, marahil ay tatay nito. Dahil maliwanag ay naaninag ni Portia ang anyo ng lalaki. Guwapo. Iyon agad ang unang salitang naisip niya.

Nakangiti  sa kanya ang lalaki, tila naa-amuse na umiiyak siya dahilan para  mag-alok  ng tissue ang bata.

Napilitan siyang tanggapin ang tissue. "S-salamat."

"Wala pong anuman."

Tila may ibinulong ang lalaki sa paslit. Maya-maya pa ay iniaabot na sa kanya ng paslit ang juice sa tetra pack at pop corn.

MISS ULTIMATE BELIEVER IN TRUE LOVE (Published under PHR5303)CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon