CHAPTER ELEVEN

8.6K 208 10
                                    


LAST day na ni Portia sa BCM. Maluwalhati niyang nairaos ang pagsasaayos sa mga files at record at nai-turn over na niya ang lahat kay Norie. Pansamantala ay ang kaibigan muna ang hahawak ng iiwan niyang posisyon.

Bagsak na bagsak pa rin ang kanyang pakiramdam. Gayunman ay pilit niyang hindi iyon ipinahalata kay Norie at sa mga kasamahan. Sa loob ng ilang araw ay hindi nagpupunta sa BCM si Gannicus. Ipinagpasalamat niya ang bagay na iyon. Bagaman sa kaibuturan ng kanyang puso, she was dying to see him subalit pilit siyang nagpakatatag.

"Ano ba'ng plano mo, Portia? Nakakapagtampo ka. Marami ka nang inililihim sa akin. Sinabi mo lang sa akin na wala na kayo ni Francis, hindi pa detalyado," wika ni Norie na  magkasalo silang kumakain ng tanghalian sa canteen.

"Saka na ako magkukuwento, Nor. Unawain mo muna ako ngayon."

"Si Sir Gannicus ang dahilan, hindi ba? Akala mo siguro wala akong nahahalata sa iyo—sa inyo," nakalabing sabi nito. "In love ka sa kanya, aminin mo na!"

"Please, Nor," pakiusap ni Portia sa kaibigan.

"O, sige na nga.  Hindi na muna kita kukulitin. Basta sabihin mo muna sa akin kung ano ang mga plano mo.  Sobrang nalulungkot ako na hindi na tayo magkasama rito," naluluhang sabi ng kaibigan.

"Sus, 'eto naman, masyadong madrama. Uuwi lang muna ako sa amin sa Bicol. Matagal ko na ring hindi nabibisita sina Tiya. Siguro mga one month lang balik na sa Maynila para  maghanap ng work."

"Basta keep in touch, ha?"

"Oo naman."

Iyon lang at natapos na ang usapan nilang magkaibigan.

Alas-singko y medya nang mag-log  out si Portia. Hindi makakasabay sa kanya si Norie dahil marami pa itong tatapusin.

"Mami-miss ka namin, Portia," malungkot na sabi ni Kanor nang buksan nito ang gate.

Napilit niya ang sariling ngumiti.. "Ako man po ganoon din."

Mabigat ang mga paang naglakad palayo  si Portia sa BCM. Matindi ang kirot sa  kanyang dibdib. Subalit nang tumingin siya sa kabilang kalsada ay nakita niya roon ang isang pamilyar na pigura. Nakasandal ito sa big bike  habang  nakahalukipkip.  May ilang segundong kinurap-kurap niya ang mga mata sa pag-aakalang aparisyon lang ang kanyang nakikita.

Nakasuot ito ng  three-fourth sleeves gray shirt, kupasing pantalong maong at rubber shoes.  At kahit naka-sunglasses ay  walang dudang sa gawi niya ito nakatingin.

Bumilis ang pagtahip ng dibdib ni Portia. Hindi niya malaman kung tatawid sa kabilang kalsada dahil doon ang punta niya upang maghintay ng  jeep o maglalakad na lang palayo.

Ilang segundo silang nagkatitigan. Mayamaya ay inalis nito ang sunglasses. Kitang-kita sa mga mata nito  na  kulang na kulang ito sa tulog.

"Ano pa'ng hinihintay mo? Tumawid ka na!" malakas na sabi ni Gannicus at simpatikong nakangiti sa kanya. Noon lang niya napuna  ang stubble sa baba nito.

Naguguluhan si Portia  na tila walang mababakas na anumang galit sa tinig ng binata. Nangangatog ang kanyang mga tuhod,  wari ay lalagnatin siya.  Ganoon ba katindi ang epekto sa kanya ni Gannicus?

Oo naman, matagal mo nang alam iyon! anang nang-aasar na boses sa kanyang isip.

Namalayan na lang ni Portia na  sakay na si Gannicus  ng big bike at nasa harap na niya. Isinuot nito ang helmet sa  kanyang ulo na wari ay nasa ilalim siya ng mahika at naging sunod-sunuran na lang siya sa binata. Ni hindi na niya nakuhang magbuka ng bibig upang kuwestiyunin ito sa binabalak  o kung ano ang pakay ng binata sa kanya at kung saan siya nito dadalhin. Basta ang alam lang niya  ay gusto niya itong makasama.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 23, 2018 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

MISS ULTIMATE BELIEVER IN TRUE LOVE (Published under PHR5303)CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon