CHAPTER FOUR

4.2K 115 2
                                    


HINDI nahirapan si Portia na maghanap ng matutuluyan sa Tagaytay dahil may inirekomenda sa kanya ang landlady niyang si Nanay Iyay nang magtanong siya sa matanda dahil nagkataong halos ang mga kaanak nito ay nasa Tagaytay at Alfonso, Batangas.

Pasado alas-nuwebe  na ng gabi siya nakarating ng Tagaytay. Hindi  siya nahirapang hanapin ang Sierra Travellers. Mura lang ang per day at unang kita pa lang niya sa lugar ay kanya nang nagustuhan.

Mabilisan siyang nag-shower. Natigilan siya habang titig na titig siya sa sariling repleksiyon sa salamin. Naghahalo ang kaba at takot sa kanyang dibdib. Hindi niya maiwasang isipin kung saan hahantong ang gabing iyon kapag magkasama na sila ni Francis.

"Erase! Erase!" bulalas ni Portia. Ayaw niyang entertain-in sa isip ang tungkol sa matagal nang inuungot sa kanya ng nobyo. Napahugot siya ng malalim na hininga.

Dinampot niya ang cell phone na nasa ibabaw ng side table. Kinontak na niya si Francis. Alam niya nasa Tagaytay ang kasintahan ngunit hindi niya alam ang eksaktong kinaroroonan nito.

In-imagine niya ang hitsura ni Francis. Sigurado siyang sobra itong masosopresa  kapag nalamang nasa Tagaytay rin siya. Subalit ibang mukha ang naiisip niya.

Hay, ano ka ba, Portia! Sira na yata ang ulo mo! Kinatok pa niya ang kanang sintido para mapalis ang hindi kaaya-ayang pangitain sa kanyang isip.

Pagkaraan nang ilang  ring ay may sumagot na sa kabilang linya. "Hi, babe!"

"'Buti naman at hindi ka pa tulog. Ilang minuto na lang, birthday mo na."

"Patulog pa lang. Ang aga mong bumati. Salamat. Ikaw, bakit hindi ka pa natutulog?"

"Hinihintay ko talaga ang hatinggabi para batiin kita. . Nami-miss na kita. Ilang araw na kitang hindi nakikita."

"Ako rin,  miss na rin kita. Pero siyempre, kailangan natin parehong unahin ang trabaho para sa future natin. Pagbalik ko na lang ang celebration, ha."

" Bakit hindi na lang ngayon at saka bukas?"

"How I wish pupuwede."

"Pupuwede naman, ah." Pinalambing niya ang kanyang boses.

"Magpahinga ka na nga, Portia. Alam ko, pagod ka sa work mo."

"Kung sasabihin ko sa 'yong nasa Tagaytay rin ako at pupuwede tayong magkita at magkasama, maniniwala ka?"

Sandaling natahimik si Francis. "Huwag mo akong biruin ng ganyan, Portia."

"Puwes, puntahan mo ako rito sa Sierra Traveller's Inn. Hihintayin kita sa lobby." 

Ilang minutong natahimik si Francis. Dinig na dinig niya ang marahas na paghinga ng nobyo.

"Nasaan ka ba?" Para kasing may naulinagan siyang boses sa background.

"I call you later. Bye." Pagkasabi niyon ay bigla na lang naputol ang linya.

"Francis!" Ngunit nang sinubukang kontakin ni Portia ang nobyo ay mukhang pinatay na nito ang cell phone. Nagtataka, naguguluhan at  naiinis si Portia. Naghintay siya na tumawag ang nobyo. Ngunit dumaan ang mahabang sandali ay nanatili pa ring tahimik ang kanyang cell phone. Hindi niya magawang mahiga sa kama. Naghihintay siya ng tawag ni Francis. 


SAKAY ng bus pabalik sa  Maynila nang matanggap ni Portia ang tawag ni Francis. Naroon ito sa Travellers Inn at hinahanap siya. Madaling-araw siya umalis ng Tagaytay.

"Saka na tayo mag-usap, Francis," matamlay niyang sabi.

"Magpapaliwanag ako, Portia. I'm sorry sa nangyari kagabi. Ganito kasi  'yon. Alam ni Manager na birthday ko kaya siguro naisip 'yong kalokohan na 'yon."

MISS ULTIMATE BELIEVER IN TRUE LOVE (Published under PHR5303)CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon