CHAPTER EIGHT

4.3K 110 1
                                    

SOUTH superhighway ang binabagtas na daan nina Portia at Gannicus . Itim na sports car ang gamit nito ngayon. Ang lakas-lakas ng kaba niya habang mariing nakahawak ang kanyang mga kamay  sa tagiliran ng upuan bagaman naka-seatbelt siya. Hindi niya alam kung dahil sa mabilis ang takbo ng sports car o dahil sa  kasama niyang kanina pa  walang kakibo-kibo na tipong mahirap arukin ang nilalaman ng isip. Wala siyang ideya kung saan sila patungo. Naiilang siyang magtanong sa kanyang boss.

Ngunit hindi na siya nakatiis, siya na ang bumasag sa katahimikan. "Malayo pa ba?"

Sandaling sumulyap si Gannicus sa kanya. "Bakit naiinip ka na ba? I think you'd better take a nap, Miss Fabay."

Halata nga sa mukha niya na wala pa siyang maayos na tulog. "Okay lang ako."

"Well, you don't look okay to me. Mukhang marami kang iniisip. Pinakamahirap sa lahat iyong kalat-kalat ang utak."

Saglit na  sinulyapan ni Portia ang lalaki. "Kaya kong i-focus ang isip ko sa trabaho, Sir."

"Really? Well, that's good to hear. Because BCM will be facing a major transition. As head of the   research team, I am really expecting a positive result from you."

"Puwedeng magtanong?"

Saglit na sumulyap sa kanya si Gannicus.

"Bakit ako ang ginawa mong head ng team? I mean, you can hire somebody na capable... expert sa ganoong uri ng task."

"Are you asking me why I choose you?" Nagkibit ito ng mga balikat. "Not me, my dad. Hindi ko na kinontra. May tiwala sa iyo ang daddy ko, bakit naman hindi kita pagtitiwalaan."

Iba ang naging dating sa kanya ng tono nito, tila nang-uuyam.

Dumaan ang katahimikan sa pagitan nila. 

"How's your relationship with your boyfriend?"

"Kailangan ko bang sagutin ang tanong na 'yan?"

Nagpakawala ng isang bahaw na tawa ang binata. "Kung masaya ang isang tao sa isang relasyon, makikita at mababasa naman iyon sa kanyang mukha at kilos."

Naiinis si Portia. Bakit ba kailangan nitong ungkatin ang tungkol doon?

"I read an article about relationships . It says that a relationship is like a game. When you control the ball,  you control the score. It is actually a game of power, manipulations of emotions to control the mind. It's  a game where the one who  first displays  affection  gives up total control and goes around like a dog  with a collar.  It's just like when you take   your hands off this steering wheel..."pagkasabi niyon ay bigla nitong inalis ang dalawang kamay sa manibela.

"Nanang ko!" Napasigaw si Portia sa gulat nang mag-swerve bigla ang sasakyan. Ngunit naging maagap naman si Gannicus  at muling bumalik sa smooth na takbo ang sports car.

"... your life and direction can quickly go astray if not closely monitored. "

"Salamat sa lecture, Sir. Kompleto talaga sa demo, huh?" aniyang hindi maiwasang magtonong galit. "Muntik nang humiwalay ang kaluluwa ko sa katawan ko."

Biglang napalakhak si Gannicus. "You are funny, Miss Fabay!"

Lalo siyang napasimangot. "Ewan ko sa 'yo!"

"Takot ka palang mamatay, Miss Fabay,"

"Hindi. Excited nga akong mamatay."

"Pinatatawa mo talaga ako."

"Hindi. Gusto ko nga umiyak ka."

"Here you again," ani Gannicus na ngising-ngisi.

Lalong nainis si Portia.  Nakakaloko kasi ang ngisi nito. " Sa totoo lang hindi ako takot mamatay. Mas gusto ko nga para makasama ko na ang tatay at nanay ko. Pero ayoko ng kagaya ng nangyari sa kanila... road accident. Okay na sa akin na mamatay sa bangungot."

"I'm sorry," naging pormal na ang mukhang pahayag ng binata. "Kaya pala mag-isa ka lang sa apartment mo. Wala kang kapatid?'

"How I wish mayroon. Pero may mga pinsan ako sa probinsiya. And I really miss them now."

"How many relationships have you had, Miss Fabay?"

"Puwede, ayokong pag-usapan ang mga personal na bagay."

"Sa loob ng opisina, boss mo ako  but outside, I can be your friend, Portia." Sumulyap ito, nahuli nito ang pagtaas ng kanyang mga kilay. "I know, you have a bad impression of me. Pero hindi pa naman huli ang lahat para mabago ang impresyon na iyon. Hindi  ako bad, mean lang minsan."

Sa sinabi ni Gannicus ay lihim siyang natatawa. Sabay pa silang napasulyap sa isa't isa. Namalayan na lang nilang nagtatawanan na sila.


NAMALAYAN na lang ni Portia na huminto sila sa isang malawak at patag na lupain ay nababakuran  ng barbed wire. Sa harap  ay mayroong gate na yari sa bakal. Umibis ng sasakyan si Gannicus at ipinagbukas  ng pinto si Portia.

Nakasuot ang binata ng puting T-shirt  na may caricature ng mukha ni John Lennon na pinatungan ng itim na vest at itim din ang suot na pantalon. He looked so handsome!

"Isa ito sa mga nabiling lupain nina Daddy. My family agreed na dito itatayo ang magiging bagong planta. Ang planta sa Quezon City ay magiging head and sales office na lang. " Huminga ito nang malalim at saka tumingin sa gawi niya. "My parents' vision is to give people hope. Bata pa ako, palagi nilang sinasabi sa amin na kung wala ang mga taong nagbigay sa kanya, sa Daddy ng pag-asa, ng tsansang makapagtrabaho habang nag-aaral, wala ang BCM."

Kapwa nila hindi naramdaman ang paglipas ng mga oras dahil kung saan-saan na napunta ang kwentuhan nila ni Gannicus. Nagsimula ang kuwento ng binata tungkol sa naging karanasan ng ama  noong binatilyo hanggang sa magbinata at nakilala ang mommy nito. Nagkuwento rin si Gannicus ng tungkol sa dalawa nitong nakatatandang kapatid na kapwa babae.

"Alam mo kung bakit ayaw na ayaw kong naiiwan sa bahay namin kapag may lakad sina Mommy at Daddy? Gusto ko lagi nila akong kasama."

"Bakit?"

"Dahil iyong dalawa kong ate, lagi nila akong nakakatuwaan na make-up-an. Pinagsusuot nila ako ng damit nila, ng may takong na sapatos. Naiinggit kasi sila sa balat ko. Bakit daw sila kutis kayumanggi, samantalang ako 'yong lalaki, ako pa 'yong nagmana ng kutis sa mommy namin. Kaya 'ayun, gusto nila maging babae na rin ako." Nagboses-babae ito.

Tawa  nang tawa si Portia  sa kuwento ni Gannicus. "Huwag kang magagalit, ha.  'Buti hindi ka naging bading."

"Nah! Never."

"Hindi nga?"

Pinandilatan siya  ni Gannicus. "Gusto mong mawalan ng trabaho?"

Napahagikgik siya.

Sumeryoso ito. "How I wish I could kiss you again, Portia..."

Kapwa sila natigilan at nawalan ng kibo. Muling bumalik ang nakakailang na atmospera sa pagitan nila.

"Please, Nic..." pakiusap niya.

"Do you really love him?"

Hindi niya ito sinagot.

"Is he your first boyfriend?"

Marahan siyang tumango. Hindi niya alam  kung tama siya ng nababasa but there was pain in his eyes. "Siya ang una at gusto ko siya na rin ang huli. "

Humugot ng malalim na hininga si Gannicus. "Tara na. Back to Manila na tayo," anito sa malungkot na tono.

Nilisan na nila ang lupaing iyon na mabigat ang dibdib ni Portia. Naguguluhan siya sa sarili. Pabalik na uli sila sa Manila ngunit ayaw pa niya matapos ang sandaling magkasama sila ni Gannicus. Apektado siya sa nakikitang tila apektado ito sa ideyang mahal niya ang nobyo.

God! Ano ba talaga itong nangyayaring sa akin? Pagsubok po ba ito sa katatagan ko?

Hindi niya gustong makagawa ng mali ngunit wala siyang magawa sa mga oras na iyon.  

MISS ULTIMATE BELIEVER IN TRUE LOVE (Published under PHR5303)CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon