NAPABUNTONG-HININGANG umupo sa antigong swivel chair si Gannicus pagdating niya sa opisina ng ama. Napakasimple ng opisina, halata na sa loob ng mahabang panahon ay hindi nakatikim ng renovation. Ni walang wall paper ang mga dingding. Isang payak na pader na napipinturahan lang ng cream na pintura na sa katagalan ng panahon ay nag-iba na ang kulay.
Isang malaking office table na may dalawang upuan sa harap, desktop computer, set of filing cabinets sa kabilang bahagi, at isang wooden rack ng mga libro ang makikita sa loob ng opisina. Maliban sa mga iyon ay wala nang ibang makikita pang furniture sa loob.
Wala sa loob na nadampot ni Gannicus ang isang picture frame sa ibabaw ng table. Marahil ay sampung taon na ang lumipas mula nang kuhanan ang larawan na iyon. Larawan ng perfect couple ang makikita sa litrato.
Perfect couple, sa loob-loob niya. Hindi man perpekto ngunit mabuting ama sa kanila si Umberto at matapat na esposo sa mommy niya. Perfect na sana ang lahat kung hindi lang...
Itinaboy ni Gannicus sa isip ang pagsulpot sana ng hindi magandang alaala. Dinampot niya ang isa pang picture frame. Silang magkakapatid ang nasa larawan. Siya, ang kanyang Ate Melissa at ang Ate Getri niya.
Labing-isang taong gulang siya nang kuhanan ang larawan. May braces pa ang mga ngipin niya noon. Para siyang babae sa buhok niyang hanggang batok. Ibang-iba ang mukha niya sa larawan. Medyo chubby pa siya noon. Ayaw na ayaw niya sa litrato na iyon dahil mataba na nga at nakangiwi pa siya. Ngunit para sa kanyang ina ay cute na cute ito sa kanyang pilit na ngiti.
Napangiti si Gannicus sa alaalang iyon.
Ibinalik na niya ang mga picture frame sa mesa. Naiinip na siya sa pagbabalik ng ama. Dumating siya sa opisina nang eksaktong alas-dose ng tanghali upang madismaya lang nang malamang umalis daw ang daddy niya kasama si Portia. Naglunch-out daw ang dalawa, ayon sa isang staff.
Sinubukan niyang tawagan sa cell phone ang ama ngunit hindi nito sinasagot ang tawag niya.
Ano'ng importanteng bagay ang nilalakad ng ama at kasama pa ang babaeng iyon?
Nagtagis ang kanyang mga bagang. Bigla ay sumama ang kanyang timplada. Sinubukan niya uling tawagan ang cell phone ng ama at sa ikaapat na ring ay sinagot na nito ang tawag niya.
"Twenty minutes, hijo, nariyan na kami."
Hindi man gusto ni Gannicus ngunit hindi maganda ang tumatakbo sa kanyang isip. After all, minsan nang nagloko ang daddy niya. At sa dinami-rami ng babaeng makakaugnayan nito ay sa ex-girlfriend pa niya!
Mag-iisang taon na ang pangyayaring iyon ngunit sariwa pa sa isip ni Gannicus ang naging komprontasyon nilang mag-ama nang aksidenteng makita niya ang ama at ang ex-girlfriend niya sa isang liblib na resort sa Los Banos, Laguna...
Gannicus could not believe what he saw. Pero hindi mapapasubaliang may namamagitan sa daddy niya at kay Encar. Pa-check-out na ang dalawa. Nakaangkla sa braso ng daddy niya ang kamay ni Encar. May meeting siya kasama ang mga kaibigan niyang riders sa resort na iyon.
Obvious na nagulat ang kanyang ama nang makita siya. Nagkulay-papel ang mukha nito. Sa una lang nagulat si Encar at sa kalaunan ay naging smug na ang ekspresyon ng mukha na para bang nagmamalaki pa ang hitsura. At dahil alam ng daddy niya, mababasa sa kanyang anyo na hindi niya palalampasin ang pagkakataong iyon na mag-usap sila at marinig ang paliwanag nito kaya pinauna na ng ama sa labas si Encar.
"My God, Dad! Ano'ng ibig sabihin nito?"
Hindi nakasagot si Umberto. Ang pananahimik ay nangangahulugan kadalasan ng pag-amin, ng pag-ako. Iyong hindi kayang bigkasin ng bibig, idinadaan na lang sa pananahimik. Parang siya, kapag nahuling gumawa ng kalokohan noong bata pa, tahimik lang kapag sinita.
BINABASA MO ANG
MISS ULTIMATE BELIEVER IN TRUE LOVE (Published under PHR5303)Completed
RomanceNakilala at nakapalagayang loob ni Portia si Nic, ang lalaking kagaya niya ay mahilig din sa mga animated at fairy-tale movies. Sa ilang beses na pag-imbita ni Nic na manood sila ng sine ay tila may mahikang taglay ang binata na hindi matanggihan ni...