CHAPTER TEN

4.8K 118 5
                                    


MABILIS ang pagpapatakbo ni Gannicus sa kanyang sports car. Papunta siya sa ancestral house nila sa Carmona.

"Nic, narito kami ni Jade sa Carmona, kasama si Mommy. Sinundo namin siya kanina sa airport. Mas okay kung makakauwi ka muna rito..."  There was  urgency in his sister's voice. Walang duda na  may problema.

Gising pa ang kanyang Ate Melissa nang dumating siya sa Carmona. Ala-una na iyon ng madaling-araw.

"Thank God, Nic! You're here in one piece. Pasensiya ka na, hindi ko naisip na puwede naman kitang papuntahin dito bukas. Hindi mo na kasi uli sinagot ang cell phone mo."

"Bakit si Mommy lang ang mag-isang umuwi? Si Daddy?"

"Hindi ko pa nakakausap nang maayos si Mommy. Umiiyak siya, Nic. Ang sabi lang niya, iniwan daw  niya sa Singapore si Daddy. Hindi alam ni Daddy na nauna na siyang umuwi. At dito nga siya nagpahatid imbes na sa bahay. "

Nahahapong naupo sa sofa si Gannicus. Wala siyang nararamdamang pagod sa mahaba-haba ring pagmamaneho niya. Nasa isip pa rin niya si Portia.

"Bakit hindi ako tinawagan kanina para nakasama ako sa pagsundo?"

"Sabi ni Mommy, huwag ka na munang abalahin. Siguro alam niyang marami kang inaasikaso sa BCM at sa shops mo. Mukhang hindi lang basta ordinaryong tampuhan ito, Nic. Para iwan ni Mommy si Daddy...  Ano nga kaya ang problema nila?"

Huminga nang malalim si Gannicus.  Iniisip din niya kung ano ang problema ng kanyang mga magulang. Sa loob ng mahabang panahon ay hindi pa nangyaring nagkaroon ng matinding away ang mommy at daddy niya. Tampuhan na normal naman na nangyayari sa mag-asawa.

Pero ngayon...

Hindi kaya...

Naisip ni Gannicus si Encar. Hindi kaya may ginawa na namang kabalbalan si Encar at marahil ay...

Nagtagis ang mga bagang ni Gannicus.  Hindi niya maiwasang isipin ang tungkol doon. Ang bagay na iyon ay hindi niya magawang i-confide sa mga kapatid.

"Bukas na natin kausapin si Mommy," nahahapong wika ni Gannicus. "Si Jade nga pala?"

"Nasa kuwarto ni Mommy. Mabuti pa nga magpahinga na tayo. Kumusta nga pala ang birthday party ni Emon?" Lahat ng barkada niya ay kilala ng kanyang Ate Melissa.

"Hindi ko na tinapos." Kumunot ang noo ng ate niya. Mayamaya ay nanunudyo na  ang ngiti nito. "Dahil ba kasama mo siya?" Alam ng kanyang Ate Melissa ang tungkol kay Portia. Naikuwento na niya sa kapatid  ang isang babaeng nakapalagayang loob nila ni Jade sa panonood ng sine.

He was starting  to feel something for that girl. Ngunit hindi pa niya lubos na mapangalanan kung ano ang eksaktong nararamdaman sa babae. He was itching to see her again. It was beyond excitement na makasama uli ito... Subalit may karelasyon na ang babae.

Tahimik ang mundo ni Gannicus noong hindi pa niya nakikilala si Portia. Sa mga nakarelasyon niya, hindi pa nangyari na humingi siya ng payo sa nakatatandang kapatid.

Napangiti siya nang maalala ang mga yellow post it notes na nakaipit sa mga report sa loob ng folder na dinadala at isinusumite ni Portia sa kanya. May naka-drowing na smiley at may nakasulat na... "smile naman dyan kapag may time",  "Libre lang ngumiti", at "Smile, click!"

"Maliwanag na ang mga sintomas sa 'yo, Nic. In love ka na nga. Ang problema, sila pa rin ng boyfriend niya. Dahil kapatid kita, ayokong makita kang nasasaktan. 'Buti pang kalimutan mo na lang siya, Nic."

"She loves me, Ate Melissa. Ramdam kong mahal din niya ako."

"Bueno, ikaw lang ang makakaresolba sa problema mong 'yan. Kung saan ka sasaya, eh, de susuportahan ka namin ni Jade. Kunsabagay, gusto siya ni Jade. Hindi nga ba at parati kang kinukulit kung bakit hindi na raw kayo nanonood ng sine?"

MISS ULTIMATE BELIEVER IN TRUE LOVE (Published under PHR5303)CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon